Malumanay kung dumalaw ang pangungulila,
dayuhan bumibisita
tuwina sa pag-iisa.
Ang mga kapuluan himbing nang nakahilata,
milya ang dipa,
nakahatag sa pagitan ng pagtatama ng mga mata.
Mapanglaw ang bawat sulok ng
gabing nangangamusta,
sa mga dayaming naging kuna
ng dalawang damdamin umaawit
ng iisang ritmo at tugma.
Kasabwat ang simoy ng hangin nagbabadya,
na maghahatid ng lamig sa kaibuturan
ng kaluluwang ninakawan ng sigla.
Nalulunod sa lumbay ang diwa...
Madamot ang ulap na tumatabing sa mga gunita
na tanging sa kislap ng mga bituin
magmumula,
ang pangarap na sa panaginip
ginanap ang dula,
na ang unang takbo ng kabanata,
ay mahaplos ang iyong mukha.