ni Teri Malicot
Hinayaan ko na ang sandals
na nangalahati kakakutkot ng
daga,
ibinigay ko na sa dating
kasama
ang pitsel na naputol ang
hawakan
at trash can na nabungian.
Mabigat sa loob kong iwanan
sila,
wala man kwentang ituring,
malaki ang naitulong ng
munti
nilang silbi sa mga araw
na may nalalagas sa kanilang
sarili.
Nagkapatung-patong na ang
mga gagawin,
hinahanap ko sa bawat
espasyo ang hangin;
panakaw pa ang hugot ng
hininga,
masikip pagitnaan ng labanan
ng pigil at ng gusto.
Itong mga excess
baggage,
alitan, patagong ngitian na
iiwanan
ko kasama ang alaala ng
pagsasama.
Magpapaulit-ulit ako sa
lalakbayin
hanggat magpantay ang
kuntento.
Lumiko ako sa isang
iskinita,
nagkalat ang nakabuyangyang
na napkin pati ang mga sama
ng loob
ng aso at pusa na ang kulay
ay animo'y
may diarrhea. Kumalabit
sa'kin ang inis.
Isa-isa kong binuklat ang
mga gamit
na nakalagay sa sako matapos
ang mahabang suyuan at
pakiusapan.
Room 3 ang pinili ko dahil
mahiwaga,
na tulad sa kwebang ninanais
dungawin.
Napapapikit na ko ng mata
nang naggatungan ng galit at
insulto
ang kanina lang
nagkakatuwaan.
Sa mundong hangin ang ingay,
alikabok lang ang
katahimikan.
Kinaaayawan kong dumating
ang araw ng kababaihan
ko. Maliban sa mabilis ang
fluctuations ng mood,
mabilis din napupuno ang
sampayan. Mahirap magtanggal
ng mantsa, higit lalo ng
sinampay iba,
hindi basta-basta
natatanggal ng kusot ang galit.
Isang umaga para akong
nauntog sa nakita,
biglang sakit ang akin
nadama,
pinugaran ng anay ang mga
naisantabing akda.
Nagtapon ako ng panahon na
iniwan nakabukas,
na tumiklop sa masalimuot na
pagtatapos.
Mabuti pa itong mga insekto
na nakikisilong,
pagkain lang ang hangganan
ng problema.
Natutuldukan ang pamumuhay
ng kasimplehan.
Makasariling pagnanasa ang
gumuguhit ng linya
kaya humahaba ang walang
katapusan paghahangad.
Tulad ng paghahangad kong
muling humanap
ng ibang matitirhan. Ika
nga, mas maayos
ang nililipatan. Natagpuan
ko ang sarili
kong dinudugtong ang mga
putol-putol
na pagpapasiya. Kumatok ka,
natigil ang lahat.
Binitiwan ko ang ginagawa.
Sa katagalan,
nabura na sa isip ko ang
kalituhan.
Nawili akong pagmasdan ang
mga paraan
ng pag-aalaga mo sa iyong
mga kagamitan.
May prinsipyo ang bawat
hakbang.
Mula sa pagkukusot hanggang
sa pagsasampay,
sa pagliligpit ng higaan, sa
pagsasalansan
ng mga gamit, pagtitiklop ng
mga damit,
ang iyong salita, may haplos
ng pag-iingat.
Minsan kong inaasam na iyo'y
maging ari-arian.
Nakagiginhawa yata ang
madaanan ng iyong kamay.
Mapalad ang unan na
dinadantayan
ng iyong ulo at ang kumot
na yumayakap sa iyong
katawan.
Nasa kanila ang karapatan
bigyan ka ng katiwasayan.
Sa gitna ng ingay likha ng
kalampugan
ng kaldero't pinggan,
basagan ng bote't
sumbatan, palitan ng murahan
sa katabing
kompyuteran, tunog pa lang
ng iyong lakad
ay may dala ng
kapayapaan.
May sukat ang haba at lapad
ng higaan, pintuan;
planado ang lugar na
kanilang kinalalagyan.
Ang labas at loob na
kagandahan ay hindi mabibilang,
higit pa ang halaga mo sa
kinakahon na bagay,
nararapat ka sa pakikitungo
na hustong pinapanday.
Ang nakasisilaw na ilaw mula
sa marupok na poste
ng meralco na tumatagas sa
bintana ng atin kwarto,
kung tumama sa iyong katawan
ay nabibigyan
mo ng kakaibang kariktan. Sa
iyong angkin kagandahan
ay nahuhubdan ng estetika
ang isang obra maestra.
Totoong sa pinakapinong
trabaho, may diperensiyang
nagtatago. Katulad ng bagong
tayong bahay,
may uusbong at uusbong na
sira. Parang tao rin
pagdating sa mga
nagugustuhan, kapag may depekto
naghahanap ng remedyo.
Naghahanap ng kapalit.
Malaki man o maliit, sapat
nang matustusan ang kawalan.
Tulad ng kutsarang naligaw,
hinahanap-hanap
dahil may ginagampanan ito
sa iyong kakuntentuhan,
tulad ko na naglalakbay
upang hanapin ang mga mumunting
kapilas sa akin pagkatao;
iyo lamang makukumpleto.
*Ang unang pagbasa ng tula
sa harap ng isang magandang dilag
Para sa'yo Dea
6-11-2013