Linggo, Hunyo 15, 2014

SELF-INDULGENCE


-Teri Malicot

Ilan gabi ko na siyang minamanmanan mula sa bintana ng tinutuluyan kong kwarto. Mula sa ikalawang palapag tanaw ko ang kabuuang ng nasa ibaba. Magkatapat ang bahay namin. Sampung metro lang ang layo. Yari sa kalahating semento at kawayan ang bahay niya. Creepy ang lugar: madilim, hiwa-hiwalay ang bahay na napapalibutan ng puno. Nasa dulo ng downtown ang bed space na nakuha ko. Sa Davao city na ako nakakuha ng trabaho. Medyo malapit lapit sa probinsiya naming sa Antique.

Nagtataka ako kung bakit siya naghuhukay. Alas-dos ng madaling araw, inuumpisahan niya ang paghuhukay sa bakanteng lote sa gilid ng kanyang bahay. Umaabot ng dalawang oras. Dire-diretso. Walang hinto. Galit na galit ang ugat niya sa braso. Kitang-kita ko sa noo niya ang hirap na parang ‘ni minsan ay hindi ko napansin gumaang.

May mga araw na nawiwili akong panoorin siya. Minsan, sinasamahan ko ng inom ng san mig. Kahit papaano pampaalis ng pagod. Minsan kapag nauulirat  ako walang mapagbalingan ng inis, binabato ko siya.          

Dumadating sa pagkakataon na awa ang nararamdaman ko para sa kanya. Kung gaano ko siya nakikitang hirap sa paghuhukay ng lupa, nakikita ko sa nangangaliti niyang ugat na mayroon siyang pinupursige.

Umuwi akong mainit ang ulo dahil delay ang sahod. Nababagabag ako ng mga utang. Binibilang ko ang dumaang mga butiki at ipis sa kisame para makatulog. Pinatugtog ko ang New World ng DeVothcKa. Hirap pa rin ako makatulog. Marinig ko pa lang ang text message tone ng cellphone ko. Alam kong may halong hingi ang text na iyun. Kada oras akong tine-text ng kapatid kong nasa Antique na magpadala ng pambayad niya ng tuition fee dahil kung hindi siya makakabayad, hindi siya pakukuwanin ng exam. Hindi siya makakapagtapos ng pag-aaral. Walang magandang kinabukasan na mag-aantay sa kanya. Baka matulad ng kapalaran kay Nanay. Magkakarugtong. Chain reaction. Kung maari lang sanang putulin at tumalon. Yung wala nang hirap na pagdadaanan. Bakit ba dumadaan sa proseso. Bakit ba ang hirap kitain ng pera.  Magagalit sila sa’kin kapag wala akong naibigay. Lalabas akong walang kwentang ate. Walang silbing anak. Mamumutaktak ng mura ang bibig ng hitad kong Ina. Magdadala ng lalaki sa bahay. Ikakatwiran na naman niyang hindi ako nagpapadala ng pera. Kailangan niya manglalaki kungdi mamatay sila sa gutom. Kumakayod sa paghuhuthot sa mga lalaki ang nanay ko. Marangal na trabaho yan para sa kanya. Kumpara daw sa politiko. Yumayaman sa pangungurakot. Dahil kung dangal lang din naman ang pag-uusap, kapos d’yan ang Pilipino. Wala na raw Pilipinong nabubuhay ng marangal. Dahil buhay ka pa, pinapatay ka na. Iniiwasan kong makipagtalo sa kanya. Nauuwi sa sumbatan. Parang sirang plaka na paulit-ulit na sasabihin niluwal lang ako sa puwertahan niya. Nanay nga siyang maituturing. Umiinit ang ulo kapag walang pera.

Sa dami ng alalahanin na dumadalaw tuwing napapapikit ako, tuluyan na rin ako napaidlip.

Dug. Dug. Dug. 

Puta, alas kuwatro na ng maaga, bago pa lang ako nakatulog. Sumilip ako sa bintana. Naghuhukay na naman siya.

Hoy! Magpatulog ka.

Sobrang bad trip ko, binato ko siya ng bote ng san mig. Tinitigan niya ako ng masama. Doon ko lang napagmasdan ang buong niyang mukha. Matangos ang ilong. Maputi. Mala Amanda Page ang hugis ng bibig at tabas ng mukha. Bata pa ang itsura pero bakas ang guhit ng katandaan sa noo.  Parang pilit na tumanda ang itsura niya. Isa lang ang kapansin-pansin sa kanya; tapyas ang tenga. Markado ang leeg niya ng peklat. Kahit sa mga braso at binti.

 Namamaos na ko kasusuway sa kanya. Tuloy pa rin siya sa paghuhukay. Hindi marunong umintindi. Ang sarap niyang sapukin. Sinabi na ngang gusto ko pang matulog.
*****

 Ramdam ko ang init ng tanghali buhat sa double deck na hinihigaan ko. Basang-basa ng pawis  ang unan. Shit, alas dos na pala ng hapon. Mabigat ang katawan kong tumayo. Masakit ang muscles ko sa balikat at sa ibabang parte ng likuran. Sumasakit ang tagiliran ng kamay ko kapag inuunat. Naninigas kapag bagong gising. Ito na yata ang tinatawag na metacarpal syndrome na nakukuha sa maghapon pagtitipa sa keyboard. Yung mga mata ko parang pinipiga nung minulat ko. Putang inang kapitalista, binubugbog ka sa trabaho. Sinusulit yung minimum wage. Sa opisina, lahat ng puwedeng ipagawa sa’yo, ipapagawa. Multi-tasking. Triple ang trabaho pero pang single ang sahod. Kaya ako, kahit alam kong gawin, nagkukuwari akong hindi ko alam. Nagtatanga-tangahan. Pinakamabisang excuses ‘yun. Hindi ka kagagalitan. Matitipid ang lakas. Eh akala mo nga naman kasi. Malay mo ba. Ah, hindi ko kasi alam eh. Ganun. O magbisi-busy-han para hindi mautusan.  Taena, dapat mautak ka para mapagtagumpayan mo ang hirap ng buhay.

Dug. Dug. Dug.

Takte, ibig sabihin hindi pa siya natutulog ‘gang ngayon?
Nagmadali akong sumilip sa bintana. Malalim na ang hukay. Hindi ko na maaninag ang ulo niya.
Ano bang plano niyang gawin sa hukay ? Usap-usapan na serial killer siya. Nagimbestiga ang baranggay n’un nakaraan linggo dahil nagreklamo ang kapitbahay na katabi ng boarding house na tinutuluyan ko. Samu't-sari ang naihapag na reklamo. Aswang, magnanakaw, pedo, rapist, pulubi, ex convict at marami pa. Mahirap paniwalaan ang reklamo nila. Palagi nilang binu bully ang weirdo namin kapitbahay. Kalilipat lang kase. Palibhasa hindi nakapasa sa pamantayan nila ng mabuting kapitbahay kung ano ano na ang inisip. Nung nalaman nilang posibleng siyang gumanti. Nagtagpi tagpi sila ng kwento para mapaalis. Takot lang nilang sila ang mailibing nang buhay. Mabilis pa sa biente-kwatro oras, naunahan pa ng panghuhusga ang balita. Bakit ba sinasanay ang sarili sa mga madaliang solusyon. Sabagay, mababalewala nga naman ang esensiya ng panghuhusga kung may konsepto pa ng pagsasaliksik.

Matapos ang papunta-pabalik ng baranggay at ng pulis. Wala silang nakuhang ebedensiya. Wala naman kasing nababalitaan na may nawawala o napapatay sa loob ng baranggay. Bahala sila sa buhay nila. Masyado na kong maraming iniisip para alalahanin pa ang misteryosong kumag na yun. 
*****

Nasa five thousand piraso na tseke ng BDO yung in-encode namin kanina. Pito kaming merchant ng pipitsugin outsourcing company. Naka-leave pa ang tatlo. Imbes na ala-una ng madaling araw ang uwi ko, nag OT  ‘gang alas-tres. Pagod na pagod na ko. Alas kuwatro ng medaling araw na ako nakauwi ng boarding house. Ah, magre-resign na ko. Bukas hahanap ako ng ibang trabaho. Matutulog na muna ako.

Dug! Dug! Dug!

Yan na naman siya. Nagmadali akong tumayo sa higaan.

Hoy! ano ba. Magpatulog ka naman. Wala ka bang kapaguran?

Nabigla ako sa nakita. Putol ang mga daliri niya sa kaliwang kamay. Tumutulo ang dugo sa lupa. Pinagsabihan ko siya. Hindi niya ako pinansin. Ano ba  ‘to? Nababaliw na yata siya.

Bumaba ako ng boarding house. Tinutulak ako ng kuryusidad. Hinay-hinay akong lumakad bababa ng hagdanan. Konting langitngit tiyak tatahol na agad ang aso ng landlady namin. Ayaw ko na munang may makaalam ng gagawin ko. Tutuklasin kong mag-isa ang lihim niya. Ang lihim niyang naiuugnay sa lagim ng gabi at ang mga nakaakibat na tanong nito.
 *****

Mabuti nakalabas ako ng boarding house nang hindi tumahol ang aso. Tinatanaw ko siya mula sa trangkahan ng bahay niya. Hindi siya natitinag kahit patuloy na umaagos ang dugo mula sa kaliwang kamay niya. Makailan beses pang paghuhukay. Huminto siya saglit at luminga sa paligid. Binitawan niya ang pala. Tumuloy siya loob ng bahay. Sa mga sandaling pabago-bago ng desisyon dahil sa kaba, paurong-sulong ang paa, at tulak ng pagtataka, nabuo na rin ang loob kong sundan siya papasok sa kanyang bahay.

Dumungaw ako sa bintana malapit sa kusina. Umaalingasaw ang baho. Amoy patay na dagang inuuod, malansa. Mas malansa pa sa nabasang napkin na may regla. Nakatakip na ang ilong ko pero tumatagos pa rin ang baho. Naduduwal-duwal na ko pero pinigilan ko. Tangina baka marinig niya ko. Mahirap nang mailibing ng buhay. Ilan beses siyang nagpapunta-pabalik sa lamesa na nasa kusina. Tadtad ng marka ng hiwa at mantsa ng dugo ang lamesa. Parang tadtaran ng karne na makikita sa palengke. Kumuha siya ng kaldero. Nilagyan niya ng mainit na tubig at binuhusan ng suka. Nilubog niya ang kanan kamay. Sumigaw siya sa hapdi. Makailan ulit.  Akala ko ginagamot niya ang sarili, laking gulat ko nang simulang niyang kayurin ang balat niya sa kanan braso. Kinayod niya nang kinayod hanggang makita ang pinakaloob. Kitang-kita ko na umaagos ang dugo. Kitang kita ko ang ugat niya at umusli ang buto. Pagkakita ko, naalala ko ang kinain ko kanina na tocino. Ganun na ganun ang itsura. Binuhusan ng alcohol.  Noong aksidente kong nahiwa ang balat sa daliri, hangin pa lang ang dumadapo mahapdi na paano pa kaya hiwain ang sariling balat?

Nagdadalawang-isip akong tulungan siya. Pinangangambahan ko ang susunod na magaganap. Paano ko siya matutulungan kung hindi ko pa natutuklas ang katotohanan.

Lumabas siya ng bahay dala ang nakasabit na kaldero sa kanan braso niya at hila-hilang sako. Nakabalot na ang kaliwang kamay niya ng bandage. Binuhos niya ang laman ng sako; mga patay na daga, nabulok na karne, ipis at patay na ibon. Umalingasaw ang amoy na nabubulok na karne. Sinamantala ko na ang pagkakataon, pumasok ako sa bahay niya. Sa sala, bumungad sa’kin ang mga katagang nakasulat sa dingding ng bahay.

Walang mabuti sa mundo. Nagkukunyari lang tayong lahat.
The last capitalist we hang shall be the one who sold us the rope.
Nilikhang masama ang sangkatauhan.
Galit ako sa sarili ko.
Reason has always existed, but not always in a reasonable form.

Marami pang inskripto. Yung iba parang nakasulat sa Arabic o latino. Hindi ko na maintindihan. Hindi ko na rin naiintindihan ang nararamdaman ko. Gusto ko nang umuwi. May nagtutulak lang sa’kin na ipagpatuloy. Nasa sahig ang kutsilyo, icepick at gunting. Naka display ang buto ng daga, ibon at pusa. Sa kisame, nakasulat ang pangungusap na nagsasaad ng pagbabanta. Maraming binanggit na pangalan at argumento. Siguro sa ganitong paraan niya nailalabas ang galit. Bakit ayaw niyang diretsuhin sa tao? Pipi ba siya? Uuwi na ko masyado nang mabigat ang binabasa at nakikita ko.

Pinihit ko ang pintuan. Hindi ako naging maagap. Pagbukas ko ng pintuan siya ang bumungad. Nagkatitigan kaming dalawa. Akala ko isasaksak niya sa'kin ang hawak niyang kutsilyo ngunit tinabig niya ko at dumiretso siya sa loob. Nagkakandarapa siyang maghanap.

 Nawawala ang hintuturo ko.

Sumugod siya sa’kin at itinutok ang dulo ng kutsilyo sa leeg ko.

Wala akong ginagalaw. Hwag mo kong papatayin.

Nawawala ang isa kong daliri. Nakakahiya. Kailangan kong ilibing ang daliri ko.
Maibabalik ko lang ang dangal ko kapag nailibing ang parte ng katawan ko na nadungisan.

Naguguluhan ako sa sinasabi niya. Parte ng katawan ang kapalit ng pagbabalik ng dangal sa sarili? Natatakot na ko sa kanya.

Wala akong alam sa sinasabi mo.
Idiniin niya lalo ang kutsilyo.  Naramdaman ko ang hapdi ng pagkakatusok sa leeg ko. Binabraso niya ang dibdib ko. Nahihirapan akong huminga. Naglalabasan ang ugat sa mga mata niya. Galit na galit siya. Lalong siyang lumalakas sa galit.

 Nawawala ang isa kong daliri. Yung hintuturo. Malaki ang kapalit ng nawawala kong daliri. Kahihiyan ang aabutin ko.

Bigla niya akong tinulak. Naunang dumausdos ang mukha ko sa sahig. Hindi ako kaagad nakabawi, mahigpit ang pagkakasabunot niya sa buhok ko. Dinampot niya ang nakakalat na icepick sa sahig. Itinurok niya sa bandang likuran bahagi ng katawan ko. Pilit niya akong pinapaamin na ako ang kumuha ng nawawala niyang hintuturo. Pilit ko rin binabalik ang sagot na wala akong alam.

Binitawan niya rin ako sa huli. Napagtanto niya siguro na inosente ako sa inaakusa niya sa’kin. Sinuot niya ang jacket na nakasabit sa dingding. Agad siyang lumabas ng bahay. Sinundan ko siya. Tumalon siya sa hukay. Tumama ang kanan paa niya sa nakausling bato. Napahiyaw siya sa sakit. Sumisigaw. Nagmumura. Inuunto niya ang ulo. Tapos ay sasabunutan ang sarili. Paulit-ulit niyang sinasabing wala siyang kwentang tao. Aabutin ko ang kamay ko sa kanya upang tulungan siyang makaahon. Sinaksak niya ng kutsilyo ang palad ko. Mabuti dumaplis lang. Kung tutulungan ko siya at ganito ang iginaganti niya sakin, pabayaan ko na lang. Maiiskandalo pa ako. Ayokong maibaling sa’kin ang galit ng tao sa kanya. Mukhang hindi ko kakayanin.  

Tama na. Ayoko na. Sinimulan kong hinakbang ang paa palayo. Maghahanap pa ako ng trabaho bukas. Ako ang panganay, umaasa sa'kin ang pamilya ko.
*****

Dug! Dug! Dug!

Tumayo na ko sa higaan dahil sa ingay. Ramdam ko ang init ng tanghali buhat sa double deck na hinihigaan ko. Basang-basa ng pawis ang unan. Shit, alas kuwatro na pala ng hapon. Mabigat ang katawan kong tumayo. Masakit ang muscles ko sa buong katawan.

Pinapaayos pala ng landlady namin yung pintuan ng kwarto namin. Sumilip ako sa bintana. Tahimik ang bahay niya. Naka lock ang pintuan. Tumutugma ang liwanag ng hapon sa aliwalas ng paligid. Maayos ang natatanaw ko sa ibaba. Mapayapa.  

Iika-ika akong naglakad papuntang banyo. Maghihilamos para mahimasmasan.
Masarap damhin ang lamig ng tubig. Nakita ko sa salamin ang peklat ko sa leeg. Maganda ang hubog ng katawan ko kahit puyat at hindi nakakain sa tamang oras kakatrabaho. H’wag lang pansinin ang peklat sa buong katawan ko.  

Halos isang buwan na akong hindi nakakadalaw sa therapist ko. Sabi niya disorder na raw ang sakit. Dermatillomania ang tawag. Hindi ko na nabibili ng SSRI na anti-depressant na kailangan kong inumin. Pinambayad ko pala sa upa sa bahay ang natitirang pera ko sa bangko. Uu nga pala, hindi pa pala ako nakapagpadala ng pampabayad ng matrikula ng kapatid ko.

Aray, kumikirot na naman ang ulo ko.

Maghahanap na ako ng bagong trabaho bukas. Kailangan ko nang ayusin ang sarili. Teka, uka-uka ang buhok ko. Gugupitin ko ang parteng buhaghag. Konting gupit sa itaas, konting gupit sa gilid. Ayan maayos na. Magka trabaho nga ako, mabubuhay pero kapag may pera lagi na lang mamumublema sa gagastusin. Namumublema para magkaroon at mauubos lang din sa huli. Kakabit sa pagiging panganay ko ang obligasyon sa pamilya. Pati ang maraming problema kung paano sila pananatilihing buhay. Kinamot ko ng gunting ang leeg ko. Masarap sa pakiramdam. Diniin ko ng kaunti. Kaunti. At kaunti pa. Lumabas ang dugo. Tuluyang kong ibinaon ang gunting.










































12th Ateneo National Writers Workshop - alaala

Nakanaman! ako yan! hindi ko na matandaan kung ano ang sinasabi ko dyan. haha.