Lunes, Marso 19, 2012

steel wool

'Di mapantayan ang kaganahan ni Elena nang simulan niyang ikilos ang katawan sa mga gawain-bahay. Ganito ang laging sumpong niya kapag kabuwanan. Iba siya sa mga kababaihan na parang napako ang katawan sa higaan.

"Unahin ko munang linisin ang kwarto, mamayang hapon ang sala. Mag-iigib muna ako ngayon umaga."

Ang kanyang kasipagan ay ikinagagalak ng kanyang ina. 

"Si elena ah, kabuwanan nito ngayon..."  sambit ni aling marissa sa kanyang sarili.

Habang isinasalin ni elena ang naigib na tubig sa dram sa loob ng palikuran, pinaalalahanan siya ng kanyang ina.

"Anak, hinay-hinay lang sa pgkilos baka mabinat ka." 

"Okey lang ako ina, sayang ang sipag baka mawala pa ito. Masakit ang puson ko, alam n'yo naman na mawawala ang kirot kapag kumikilos ako."


Nag-umpisa maglinis si elena ng kanyang kwarto nang umalis si aling marissa papuntang bukid. Maaga pa siyang umalis upang makarami sa pamimitas ng prutas ng kanilang pagsasaluyhan mamayang hapon.


Nagpupunas si Elena ng lamesa, nagpupunas ng dingding, nagwawalis. Inilipat niya ang ayos ng kagamitan sa anyo na matitipid ang espasyo ng munti nilang kubo.

Walis. Punas. Lipat ng kagamitan, habang manaka-nakang sumasakit ang kanyang puson.

Inabutan siya ng maghapon sa paglilinis. Iniligpit na niya ang kagamitan nang masapol ng mata niya ang kalderong puno ng uling ang katawan. Maselan si aling marissa pagdating sa kalinisan dahil ang pananaw niya kahit hindi yari sa bato ang bahay ang mahalaga maayos at malinis ito. Tumungo siya sa dapugan at kinuha ang kaldero. May kung anong nagdudulot na kaligayahan kay elena ang pagtatanggal ng makapal na uleng na nababalot sa kaldero, lubos niyang kinatutuwaan ang pagkikiskis dito.

"Tiyak na matutuwa nito si ina kapag makita niyang napakalinis ng kaldero namin," bulong niya sarili.

 Hinanap niya ang steel wool sa kusina ngunit hindi niya ito matagpuan. Nakita niya itong nakasabit sa dingding na kawayan. Ang dingding ay nakahaligi sa dapugan na malapit sa palikuran. 


"Siguro naglilinis pa rin hanggang ngayonang anak ko." tanong ni aling marissa sa sarili.

Hindi na siya nagkamali nang maulinigan niyang kumakanta si elena habang nagdidilig sa bakuran nila sa likuran ng kubo.Napatigil siya sa bungad ng pintuan nang mapansin niyang napakalinis ng sala, napalitan ang kurtina, lumawak ang maliit na espasyo sa loob ng kanilang bahay. May tatlong baitang ang hagdanan papasok sa kanilang bahay. Nang nasa ikatlong baitang siya, pagsampa niya sa pinakasahig ay naapakan niya ang doormat. Nadulas siya at muntik nang maumpog ang ulo. Mabuti, napakapit siya kaagad sa hawakan ng pintuan. Saka lamang niya napansin kumikintab sa floorwax ang sahig. Dumiretso na siya dapugan upang maghanda ng kakainin sa hapunan. Nangingiti si aling marissa sa sarili dahil umayos ang munti nilang lutuan. Ang mga kahoy na gagamitin sa pagluluto ay nakasalansan sa isang sulok. Nawala ang mga agiw sa bubungan luminia ang dingding na kawayan na noon ay nababalutan ng itim sanhi ng usok na nagmula sa kahoy na pangsiga. Namangha siya nang makitang luminis ang kaldero na ubod ng itim. Sa bawat panauhin na napapadalaw sa kanilang mula sa ibang baryo, hindi maitago ang pagtataka kung bakit  napakalinis ng kaldero. Paano'y halos lahat sa baryo'y kundi kahoy, uleng ang ginagamit sa pagluluto.

                                                                       ******

Nakahanda na ang pagkain para sa hapunan. Binabalatan ni aling marissa ang mga pinitas na mga prutas. Parang fiesta, simple ngunit napakaraming nakahain sa lamesa. Tinapa at bagoong, ginataan na langka ang ulam. Binuksan ni elena ang kaldero, nilanghap nito ang bango ng kanin bago niya ito inihain. Tahimik ang dalawa habang kumakain, ang tangin maririnig ay ang ingay likha ng pagnguya. Dahil na rin siguro sa maghapon pagta-trabaho, napadami sila ng kain. Nadaragdag sa kaganahan nila ang mabuhaghag na sinaing.

"Siyanga nga pala anak..." pagputol sa katahimikan ni aling marissa."

"Nagmukhang bahay ng tao itong bahay natin ah, at umikintab pa sa linis ang kaldero nang makita ko ito kanina. Magaling anak, magaling! abot hanggang tenga ang kanyang ngiti tanda ng pasasalamat sa kanyang anak.

"Ano bang ipinanglinis mo doon at parang hindi man lang namantsahan ng uling?" 

"Yung steel wool, nay." nangingiti pang sambit ni elena.

"steel wool?" pakunot niyang tugon. " saan mo kinuha?"

"Sa dingding ng dapugan, malapit sa palikuran, nay."


Biglang napamaang si aling marissa, saglit siyang natigil sa pagkain .Nabilaukan yata, hindi parang may gustong ilabas ang kanyang t'yan. Napahawak siya sa kanyang bibig, sa mga nanlilisik niyang mga mata nagpapahiwatig na parang magugunaw na ang mundo.

"Lintik kang bata ka! higit kang baboy sa lahat ng baboy sa kalupaan! Ginagamit ko yung steel wool pangkiskis ng inidoro!"



At hindi lang kirot sa puson ang naramdaman ni elena, kundi ang magkakasunod na kurot na nagmula sa makapangyarihan kamay ng kanyang ina.