Lunes, Hunyo 24, 2013

Huwebes ng hapon ng suot mo ang dilaw na tsinelas


- Teri Malicot

Hayaan mong haplusin ko ang iniwan mong bakas sa higaan. Dadamhin ng kamay ko ang anino ng iyong alaala. Pipilitin kong sariwain ang mapayapa mong idlip, ang kaluskos na likha ng paglingap ng iyong katawan sa init. Magbabalik-tanaw ako sa unang araw na humingi ka ng paumanhin sa inaakalang naglikha ng mantsa ang antala ng ikaw ay dumating. Noon araw din iyon na kusang natinag ang harang kumukubli sa mailap kong pagsuyo. Gagawin ko ang mga bagay na ito upang saglit na pawiin ang kalungkutan kahit na may kalakip itong kirot sa pagtahak sa mga lugar na iyong nagawian. Gagawin ko ito kahit malikha pa ito ng panibagong sugat. 

Lumuluma ang imahe ng bintana ng inalis mo ang kurtina. Naalala ko kung paano mo binigyan ng magandang kahulugan ang tinataglay na kasimplehan ng mga bagay. Lumagay ka lang sa kanilang tabi ay nabubuhay ang kumukupas na kulay, tumitingkad ang ganda na lumisan kasama ng panahon. Sadyang nakapanghahalina ang angkin mong hiwaga. Paano ba mahahangad na madaanan ng iyong pansin ang isang katulad kong isinasantabi dahil kulang ang pakinabang. Pinakakaasam ko ang iyong paglapit at mahawakan ng malambot mong kamay. Kahit panandalian lang, ikalulugod ko na nadama ko ang iyong palad, dahil alam ko na pili lang ang pinaglalaanan ng espasyo sa pagitan ng iyong mga daliri. 

Sa sandaling punta mo upang kuwanin ang mga natirang gamit ay siyang tumitiwalag ang kapraso ng kabuuan ng aking sarili. Makailan ulit kong hinayaan umihip sa akin pandinig ang binabalot mong damit. Pansamantala kong binulag ang mata upang makayanan ko ang paroon-parito mo sa harapan ko, naghahanda ka sa muli mong pamamaalam. 

Dama ko ang lawak ng kwarto ngunit kalakip ng paglawak na ito ay sumisikip ang bawat sulok na animo'y napabayaan na halaman na yumuyupi na sa pagkalanta. At sa puntong yumuyuko na ang talutot, lilisanin ng lakas, magpapaubaya na ito sa kawalan hanggang maging abo. Wala ng matitirang bakas. Kung wala ng magpapaala, tiyak ang pagkalimot. Hindi pa ako handang kalimutan ka. Hindi pa ako handang sunduin ng pag-iisa. Wala sa hinagap ko ang kahandaan dahil nagbabakasali ako na maaari pang magbago ang tinatakbo ng mga kaganapan. Baka sakaling dumapo sa iyo ang pagdadalawang-isip. Sa pag-aagawan ng dapat at ng gusto, masasabi ko na nagkaroon din ako ng puwang sa'yo. 

Hindi ko hiniling ang lungkot noon oras na inihakbang mo na ang mga paa palabas ng pintuan ngunit sa pag-alis mo kumatok ito at pinagbuksan ko dahil nalalaman kong kailangan ko itong patuluyin upang muli kang makasama kahit pa sa madilim na sulok ng pangungulila. 

Lahat ng binibitiwan mong salita, mga kilos, sa katanghalian nanunuot sa akin gunita. Nanunudyo ang mailap na hangin, nag-iiwan ito ng lungkot kung dumaplis sa akin balat. 
Nangangapa ako sa paglalarawan, saan ka ba napaparoon? Sino ang kaagapay mo? Gaano na ba kabigat ang suliranin nasa iyong balikat? Gusto kitang samahan sa pinakapeligrong bahagi na tatahakin sa pag-abot mo ng pangarap. Gusto kong akuin ang dusa na posible mong makasama sa pagputi ng iyong mga buhok. 

Kung nalalaman mo lang, tuwing gabi muli akong nabubuhay, nanabik ako sa pagbukas ng pintuan, inaantay ko ang pagdating mo. Kinasisiya kong pagmasdan ka sa takip-silim, tinitinghala ko ang tanglaw mong tinataglay mula sa madilim kong mundo. Animo'y ikaw ang buwan sa malawak na kalangitan, sa'yo lang nagmumula ang liwanag ng gabi. 

Tuluyan ka nang lumisan. Tinipon ko ang lakas upang makayanan ko ang pag-alis mong walang senyales ng pagbabalik. Malabo mangako ang kahapon dahil wala itong binigay na kasiguruduhan. Nakabinbin lang sa hangin ang sagot kung masusuklian ba ng pagkakataon ang pinangakong pag-aantay. Marahil napapagitnaan tayo ng nagtatayugan pangamba, takot at ng kasalukuyan kalagayan kung kaya't umaasa tayo sa kakayahan ng panahon burahin ang anuman tumatak sa sipi ng atin isipan. 

Tinutugis ko ang nagkakait. Kinamumuhian ko ang nagpaparatang. Tunay ang hangarin ko at dalisay hanggang sa huling hininga ko ito mapapatunayan. Kung maaari lamang pakiusapan silang tatanggi ay buong buhay ko pag-uukulan ng oras at lakas. Hindi ako susuko hanggat hindi ko nakukuha ang kanilang basbas. Lalong hindi ako manghihinayang sa lahat ng susuungin hirap dahil higit sa lahat ikaw ang pinag-aalayan ko. 

Minahal ko ang kaliit-liitan na iyong pag-aari, ang paghahanap mo sa mga nawawala, ang ukit ng alalahanin sa iyong mukha, ang pinakamaingat na pakikitungo, ang mahinahon na pagpupuna sa mali at ang pinakasimpleng nilalapat na aral sa oras ng hindi pagkakaunawaan. 

Mahal ko ang bawat tungkol sa'yo. Walang paano, gaano at bakit. Tanawin mo ang dagat sa hapon. Baka sakaling magkasalubong ang dinadama natin. Baka sakaling magkaisa ang gumugulo sa atin isipan. Baka sakaling magkasundo ang tibok ng puso natin.

Mag-aantay ako sa kabila ng bilang ng taon. Mananabik ako sa araw na ikaw ang magbubukas ng pintuan. Patuloy kitang mamahalin, malayo man magtagpo ang mga bagay na pinapahalagahan natin. 


Room 3




Ang may-ari ng blog

Teri Malicot 

Redefining socially constructed ideas of beauty