Miyerkules, Hunyo 26, 2013

Hinaing ng lesbiyanang walang ama


- Teri Malicot

Isang tugtog ang nagdala sa sa'kin sa nakaraan, Dance with my father- sadyang may kakayahan ang kantang ito na haplusin ang pangarap kong makapiling ang aking ama.

Pagal na ang aking katawan mula sa maghapon pagtatrabaho.
Sa loob ng jeep, naagaw ang pansin ko ng lalaking kalung-kalong ang kanyang anak. Sa bawat pasaherong sumasakay ay iniiwas niya ang anak na masagi. Matiyaga niyang sinasagot ang walang humpay na pagtataka ng anak sa mga napupuna nito sa paligid. Nangingiti akong pinagmamasdan sila nang biglang kumatok ang multo sa aking isipan:

Pinatay ang Papa mo noong namamasukan pa siya bilang tagapagbantay sa farm ni Enrile. Pinapatahimik noon ang maiingay.

Ang linyang ito ay madalas na bumubulong sa akin sa punto na ako’y nakadarama ng pagkainggit. Inggit na matagal nang namumugad sa aking puso. Inggit ang nararamdaman ko sa tuwing ako’y nasusubsob sa putikan nang walang umaako ng tulong.

Oo, alam kong matagal na siyang nahimlay. Hindi na ko kailangan alugin pa sa katotohanan na kahit kailan hindi ko na makakagisnan ang pagmamahal at pang-unawa na nagmula sa ama. Tanggap ko na ito noon pa man. Maliit pa lang ako noon nang iminulat na sa akin ang malagim na kanyang kinahinatnan. Malaki ang aking panghihinayang na hindi ko nakagisnan na may kumakampi sa akin kapag ako’y kinagagalitan. Hindi ko naranasan na may gumagawa ng paraan ayusin ang nasirang sapatos. Hindi ko naranasan kung gaano kasarap ang akayin sa balikat upang makita ang pagtatanghal ng payaso sa kulumpon ng tao sa Luneta. Hindi ko naranasan kung gaano kasarap sa pakiramdam na malaman nasa tabi mo lang ang amang
handang pawiin ang anuman pagtatampo at pagdaramdam na maililibing lang ng pagpahid sa mga luhang naghahanap ng karamay. Hindi ko nakagisnan na may magtanggol sa'kin kapag ako’y naaapi dahil sa aking kapansanan.

Kung sana’y naandito si Papa,
may aakay sa akin kapag ako’y nadadapa.
Kung sana ako’y may ama,
may magtatanggol sa akin laban sa mga mapagsamantala.
Kung sana’y naandito si Papa,
hindi na kailangan pang halungkayin sa panaginip ang inaasam na pantasya: Isang hari at isang prinsesa.

Matagal nang umiikot ang mundo ko ngunit sa bawat pag-ikot nito’y wala 'ni kaunting naligaw na liwanag upang gabayan ako sa pagtahak sa daan na binabalutan ng walang hanggang kadiliman. Kahit sana’y maawa man lang na ako'y pahiramin upang pansumandaling makatakas at maihatid ako sa ibang dimensyon,

sa dimensyon na maaninag ko ang ngiti sa mabibilog na pisngi ng langit sa bawat pagkakataon na titinghala ako upang ipahiwatig na ako ay kabilang sa kanilang paraisong. Sa ibang dimensyon kung saan kusang humahawi ang mga dahon sa lupa upang magbigay galang kahit ano pa man ang kaanyuhan. Sa ibang dimensyon, kung saan hindi magdadalawang isip ang bawat nilalang na nasa iyong paligid na mag-alay ng walang kapantay na respekto. Kaparehas ng respekto na ibinibigay sa mga sinasambang Diyos at santo. Dito sa ibang dimensyon, kung saan mahahawakan ang makahiya ng hindi tumutupi bilang tanda na kahit ano pang pagkakamali ang nagawa, hindi ka nila ikahihiya.

Kung sana’y naandito si Papa,
siya na lang ang kulang upang mabuo ang larawan.
Sana ay naandito siya para mapagmasdan niya kung paano ko binuo ang sarili. Kung paano kong mag-isa binuo ang kaugalian na magtatawid sa akin sa pang-araw-araw na pakikibaka. Ang kaugalian na nakamit ng walang ina at ama sa akin tabi.



Sunday, May 15, 2011 at 4:12pm
Aling Josie's boarding house