Lunes, Agosto 18, 2014

Its SHOWTIME: Palabas na nilalako ang pangit

Teri Malicot

Pangit ka.

Masakit nga naman pagsabihan ka nito. Parang outcast ang matawag na pangit. Not qualified sa ruling class constructed idea of beauty. Nagtatakda nga ito ng boundaries. Klasipikasyon ng maganda ang mayaman at panget ang mahirap.


Naglipana ang iba't-ibang klase ng ganda. Mangyaring sa bansa natin, nakahalaw ang ganda sa mukha ng kolonyal na bansang sumakop sa atin. Sa iba't-ibang rehiyon, iba't-iba ang ganda. Sumisikat ang Kpop. Westernized ang pagtanaw natin ng 'beautiful'. Sumasabay sa trend ang kabataan. Nakakadama ng sense of belonginess ang sumusunod sa uso. Kakatwang nagpupumilit magmukhang Kpop, ang ganitong itsura ay nababagay lang din sa bansang pinagmulan nito.


Si Rene Requestas nakapareha sa pelikula niya ang naggagandahan leading lady. Naalala ko pa si Andrew E, noon 19's na halos lahat na yata ng naggagandahan babaeng artista noon panahon na iyon nakatambal na niya sa pelikula. Ang panget na artista ngayon, ipina partner na rin sa panget or mas panget sa kanya. Worst, nanalo hindi dahil magaling kungdi dahil sa itsura.

Ang mga katutubo, wala silang konsepto ng maganda at pangit. Produksyon pangkomunal ang pinag gugulan nila ng panahon. Pangangailangan ng komunidad ang inuuna.

Sa hirap ng buhay, uunahin ng tao bumili ng pagkain na siyang magiging pangreserbang lakas upang maghanapbuhay uli kinabukasan. Pero kung kinakain ka ng sitwasyon na walang wala kang pambili ng sabon, shampoo at toothpaste, uunahin mo nang problemahin kung paano ka makakaahon kinabukasan sa kumunoy ng matinding kagutuman at kahirapan.


 Matindi ang krisis ng edukasyon sa bansa,  ang dominanteng midya ang pangunahing pinagkukuwanan ng impormasyon. Kung kahunghangan ang binabalita, mababaw at walang saysay, maglilikha ito ng audience na pasibo na hindi matutuhan kumukwestyon, maging kritikal, at salungatin ang mali.


Nakakadismaya lang binabastos ang masa sa Showtime. Sentro ng katatawanan ang bata, matanda, tomboy at bakla pati kung ano man ang makitang diperensiya sa kanila.


Marahil nadala ni Vice Ganda ang kultura sa comedy bar sa National TV. Bumenta nga ito kung tutuusin. Sa break na binigay sa kanya ng ABS-CBN, tatanawin nga naman niya itong utang na loob. Susundin kung anuman ang pinaguutos ng amo niya. Kailangan kumita ang istasyon sa higpit ng kumpetisyon na imintina ang istado nila sa bansa. Para makakuha ng maraming advertisement na siyang pagkukuwanan ng pampasahod sa mga artista na siya naman magpapaalipin sa hindi makataong paggampan ng trabaho.


Lumalala nga ang komersalisasyon ng dominanteng midya. Lahat ng pakulo gagawin. Kahit nakakawalang dangal. At ang subject ay personal na buhay ng contestant. Hindi ito nakakapagturo sa audience ng kabutihan o mag establish ito ng constructive criticism bagkus malabnaw na kaalaman ang maa-absord nila.
H'wag nang pagtakhan na hindi matapos-tapos ang pambu bully maging sa institusyon na edukado ang mga tao kung ganitong uri nga naman ng palabas ang nagdodomina sa bansa.


Marami nang umaangal sa pakikitungo ni Vice Ganda sa masa. Kapag may umaangal, may mali.  Mayroon tayong persepsyon ng moralidad. Ang moralidad ay pagrespekto sa kapwa natin. Rerehistrong tama ang maling aktitud dahil tinatawanan.


Imbes na maging katanggap-tanggap sa lipunan ang kakulangan ng isa,  masusuya ka sa sarili, na ang pangit o kakaiba (tulad ng bakla at tomboy) ay dapat lang laitin. Nawawalan ng self-acceptance ang sinuman kinukutya. Kamumuhian ang  sarili at ang pinagmulan. Magpupumilit magmukhang kaaya-aya sa pamantayan ng makaisang panig na pamantayan ng kagandahan.


Kung ganito ang siste ng dominanteng midya na nagpapalabas ng nakadidismoralisang  palabas tulad ng its Showtime, kawawa ang masa. Api na nga sa abang kalagayan, wala pang puwang na natanggapin ng lipunan.