Miyerkules, Hunyo 26, 2013

Hinaing ng lesbiyanang walang ama


- Teri Malicot

Isang tugtog ang nagdala sa sa'kin sa nakaraan, Dance with my father- sadyang may kakayahan ang kantang ito na haplusin ang pangarap kong makapiling ang aking ama.

Pagal na ang aking katawan mula sa maghapon pagtatrabaho.
Sa loob ng jeep, naagaw ang pansin ko ng lalaking kalung-kalong ang kanyang anak. Sa bawat pasaherong sumasakay ay iniiwas niya ang anak na masagi. Matiyaga niyang sinasagot ang walang humpay na pagtataka ng anak sa mga napupuna nito sa paligid. Nangingiti akong pinagmamasdan sila nang biglang kumatok ang multo sa aking isipan:

Pinatay ang Papa mo noong namamasukan pa siya bilang tagapagbantay sa farm ni Enrile. Pinapatahimik noon ang maiingay.

Ang linyang ito ay madalas na bumubulong sa akin sa punto na ako’y nakadarama ng pagkainggit. Inggit na matagal nang namumugad sa aking puso. Inggit ang nararamdaman ko sa tuwing ako’y nasusubsob sa putikan nang walang umaako ng tulong.

Oo, alam kong matagal na siyang nahimlay. Hindi na ko kailangan alugin pa sa katotohanan na kahit kailan hindi ko na makakagisnan ang pagmamahal at pang-unawa na nagmula sa ama. Tanggap ko na ito noon pa man. Maliit pa lang ako noon nang iminulat na sa akin ang malagim na kanyang kinahinatnan. Malaki ang aking panghihinayang na hindi ko nakagisnan na may kumakampi sa akin kapag ako’y kinagagalitan. Hindi ko naranasan na may gumagawa ng paraan ayusin ang nasirang sapatos. Hindi ko naranasan kung gaano kasarap ang akayin sa balikat upang makita ang pagtatanghal ng payaso sa kulumpon ng tao sa Luneta. Hindi ko naranasan kung gaano kasarap sa pakiramdam na malaman nasa tabi mo lang ang amang
handang pawiin ang anuman pagtatampo at pagdaramdam na maililibing lang ng pagpahid sa mga luhang naghahanap ng karamay. Hindi ko nakagisnan na may magtanggol sa'kin kapag ako’y naaapi dahil sa aking kapansanan.

Kung sana’y naandito si Papa,
may aakay sa akin kapag ako’y nadadapa.
Kung sana ako’y may ama,
may magtatanggol sa akin laban sa mga mapagsamantala.
Kung sana’y naandito si Papa,
hindi na kailangan pang halungkayin sa panaginip ang inaasam na pantasya: Isang hari at isang prinsesa.

Matagal nang umiikot ang mundo ko ngunit sa bawat pag-ikot nito’y wala 'ni kaunting naligaw na liwanag upang gabayan ako sa pagtahak sa daan na binabalutan ng walang hanggang kadiliman. Kahit sana’y maawa man lang na ako'y pahiramin upang pansumandaling makatakas at maihatid ako sa ibang dimensyon,

sa dimensyon na maaninag ko ang ngiti sa mabibilog na pisngi ng langit sa bawat pagkakataon na titinghala ako upang ipahiwatig na ako ay kabilang sa kanilang paraisong. Sa ibang dimensyon kung saan kusang humahawi ang mga dahon sa lupa upang magbigay galang kahit ano pa man ang kaanyuhan. Sa ibang dimensyon, kung saan hindi magdadalawang isip ang bawat nilalang na nasa iyong paligid na mag-alay ng walang kapantay na respekto. Kaparehas ng respekto na ibinibigay sa mga sinasambang Diyos at santo. Dito sa ibang dimensyon, kung saan mahahawakan ang makahiya ng hindi tumutupi bilang tanda na kahit ano pang pagkakamali ang nagawa, hindi ka nila ikahihiya.

Kung sana’y naandito si Papa,
siya na lang ang kulang upang mabuo ang larawan.
Sana ay naandito siya para mapagmasdan niya kung paano ko binuo ang sarili. Kung paano kong mag-isa binuo ang kaugalian na magtatawid sa akin sa pang-araw-araw na pakikibaka. Ang kaugalian na nakamit ng walang ina at ama sa akin tabi.



Sunday, May 15, 2011 at 4:12pm
Aling Josie's boarding house

Lunes, Hunyo 24, 2013

Huwebes ng hapon ng suot mo ang dilaw na tsinelas


- Teri Malicot

Hayaan mong haplusin ko ang iniwan mong bakas sa higaan. Dadamhin ng kamay ko ang anino ng iyong alaala. Pipilitin kong sariwain ang mapayapa mong idlip, ang kaluskos na likha ng paglingap ng iyong katawan sa init. Magbabalik-tanaw ako sa unang araw na humingi ka ng paumanhin sa inaakalang naglikha ng mantsa ang antala ng ikaw ay dumating. Noon araw din iyon na kusang natinag ang harang kumukubli sa mailap kong pagsuyo. Gagawin ko ang mga bagay na ito upang saglit na pawiin ang kalungkutan kahit na may kalakip itong kirot sa pagtahak sa mga lugar na iyong nagawian. Gagawin ko ito kahit malikha pa ito ng panibagong sugat. 

Lumuluma ang imahe ng bintana ng inalis mo ang kurtina. Naalala ko kung paano mo binigyan ng magandang kahulugan ang tinataglay na kasimplehan ng mga bagay. Lumagay ka lang sa kanilang tabi ay nabubuhay ang kumukupas na kulay, tumitingkad ang ganda na lumisan kasama ng panahon. Sadyang nakapanghahalina ang angkin mong hiwaga. Paano ba mahahangad na madaanan ng iyong pansin ang isang katulad kong isinasantabi dahil kulang ang pakinabang. Pinakakaasam ko ang iyong paglapit at mahawakan ng malambot mong kamay. Kahit panandalian lang, ikalulugod ko na nadama ko ang iyong palad, dahil alam ko na pili lang ang pinaglalaanan ng espasyo sa pagitan ng iyong mga daliri. 

Sa sandaling punta mo upang kuwanin ang mga natirang gamit ay siyang tumitiwalag ang kapraso ng kabuuan ng aking sarili. Makailan ulit kong hinayaan umihip sa akin pandinig ang binabalot mong damit. Pansamantala kong binulag ang mata upang makayanan ko ang paroon-parito mo sa harapan ko, naghahanda ka sa muli mong pamamaalam. 

Dama ko ang lawak ng kwarto ngunit kalakip ng paglawak na ito ay sumisikip ang bawat sulok na animo'y napabayaan na halaman na yumuyupi na sa pagkalanta. At sa puntong yumuyuko na ang talutot, lilisanin ng lakas, magpapaubaya na ito sa kawalan hanggang maging abo. Wala ng matitirang bakas. Kung wala ng magpapaala, tiyak ang pagkalimot. Hindi pa ako handang kalimutan ka. Hindi pa ako handang sunduin ng pag-iisa. Wala sa hinagap ko ang kahandaan dahil nagbabakasali ako na maaari pang magbago ang tinatakbo ng mga kaganapan. Baka sakaling dumapo sa iyo ang pagdadalawang-isip. Sa pag-aagawan ng dapat at ng gusto, masasabi ko na nagkaroon din ako ng puwang sa'yo. 

Hindi ko hiniling ang lungkot noon oras na inihakbang mo na ang mga paa palabas ng pintuan ngunit sa pag-alis mo kumatok ito at pinagbuksan ko dahil nalalaman kong kailangan ko itong patuluyin upang muli kang makasama kahit pa sa madilim na sulok ng pangungulila. 

Lahat ng binibitiwan mong salita, mga kilos, sa katanghalian nanunuot sa akin gunita. Nanunudyo ang mailap na hangin, nag-iiwan ito ng lungkot kung dumaplis sa akin balat. 
Nangangapa ako sa paglalarawan, saan ka ba napaparoon? Sino ang kaagapay mo? Gaano na ba kabigat ang suliranin nasa iyong balikat? Gusto kitang samahan sa pinakapeligrong bahagi na tatahakin sa pag-abot mo ng pangarap. Gusto kong akuin ang dusa na posible mong makasama sa pagputi ng iyong mga buhok. 

Kung nalalaman mo lang, tuwing gabi muli akong nabubuhay, nanabik ako sa pagbukas ng pintuan, inaantay ko ang pagdating mo. Kinasisiya kong pagmasdan ka sa takip-silim, tinitinghala ko ang tanglaw mong tinataglay mula sa madilim kong mundo. Animo'y ikaw ang buwan sa malawak na kalangitan, sa'yo lang nagmumula ang liwanag ng gabi. 

Tuluyan ka nang lumisan. Tinipon ko ang lakas upang makayanan ko ang pag-alis mong walang senyales ng pagbabalik. Malabo mangako ang kahapon dahil wala itong binigay na kasiguruduhan. Nakabinbin lang sa hangin ang sagot kung masusuklian ba ng pagkakataon ang pinangakong pag-aantay. Marahil napapagitnaan tayo ng nagtatayugan pangamba, takot at ng kasalukuyan kalagayan kung kaya't umaasa tayo sa kakayahan ng panahon burahin ang anuman tumatak sa sipi ng atin isipan. 

Tinutugis ko ang nagkakait. Kinamumuhian ko ang nagpaparatang. Tunay ang hangarin ko at dalisay hanggang sa huling hininga ko ito mapapatunayan. Kung maaari lamang pakiusapan silang tatanggi ay buong buhay ko pag-uukulan ng oras at lakas. Hindi ako susuko hanggat hindi ko nakukuha ang kanilang basbas. Lalong hindi ako manghihinayang sa lahat ng susuungin hirap dahil higit sa lahat ikaw ang pinag-aalayan ko. 

Minahal ko ang kaliit-liitan na iyong pag-aari, ang paghahanap mo sa mga nawawala, ang ukit ng alalahanin sa iyong mukha, ang pinakamaingat na pakikitungo, ang mahinahon na pagpupuna sa mali at ang pinakasimpleng nilalapat na aral sa oras ng hindi pagkakaunawaan. 

Mahal ko ang bawat tungkol sa'yo. Walang paano, gaano at bakit. Tanawin mo ang dagat sa hapon. Baka sakaling magkasalubong ang dinadama natin. Baka sakaling magkaisa ang gumugulo sa atin isipan. Baka sakaling magkasundo ang tibok ng puso natin.

Mag-aantay ako sa kabila ng bilang ng taon. Mananabik ako sa araw na ikaw ang magbubukas ng pintuan. Patuloy kitang mamahalin, malayo man magtagpo ang mga bagay na pinapahalagahan natin. 


Room 3




Ang may-ari ng blog

Teri Malicot 

Redefining socially constructed ideas of beauty

Sabado, Hunyo 15, 2013

Ang mga daing ng buknutin na boarder - paglalakbay sa bawat sulok ng binubukbok na boarding house sa biglang liko at ang paghahanap sa kutsara


  
 ni Teri Malicot

Hinayaan ko na ang sandals
na nangalahati kakakutkot ng daga,
ibinigay ko na sa dating kasama
ang pitsel na naputol ang hawakan
at trash can na nabungian.

Mabigat sa loob kong iwanan sila,
wala man kwentang ituring,
malaki ang naitulong ng munti
nilang silbi sa mga araw
na may nalalagas sa kanilang sarili.

Nagkapatung-patong na ang mga gagawin,
hinahanap ko sa bawat espasyo ang hangin;
panakaw pa ang hugot ng hininga,
masikip pagitnaan ng labanan
ng pigil at ng gusto.

Itong mga excess baggage, 
alitan, patagong ngitian na iiwanan
ko kasama ang alaala ng pagsasama.
Magpapaulit-ulit ako sa lalakbayin
hanggat magpantay ang kuntento.

Lumiko ako sa isang iskinita,
nagkalat ang nakabuyangyang
na napkin pati ang mga sama ng loob
ng aso at pusa na ang kulay ay animo'y
may diarrhea. Kumalabit sa'kin ang inis.

Isa-isa kong binuklat ang mga gamit
na nakalagay sa sako matapos
ang mahabang suyuan at pakiusapan.
Room 3 ang pinili ko dahil mahiwaga,
na tulad sa kwebang ninanais dungawin.

Napapapikit na ko ng mata
nang naggatungan ng galit at insulto
ang kanina lang nagkakatuwaan.
Sa mundong hangin ang ingay,
alikabok lang ang katahimikan.

Kinaaayawan kong dumating ang araw ng kababaihan
ko. Maliban sa mabilis ang fluctuations ng mood,
mabilis din napupuno ang sampayan. Mahirap magtanggal
ng mantsa, higit lalo ng sinampay iba,
hindi basta-basta natatanggal ng kusot ang galit.

Isang umaga para akong nauntog sa nakita,
biglang sakit ang akin nadama,
pinugaran ng anay ang mga naisantabing akda.
Nagtapon ako ng panahon na iniwan nakabukas,
na tumiklop sa masalimuot na pagtatapos.

Mabuti pa itong mga insekto na nakikisilong,
pagkain lang ang hangganan ng problema.
Natutuldukan ang pamumuhay ng kasimplehan.
Makasariling pagnanasa ang gumuguhit ng linya
kaya humahaba ang walang katapusan paghahangad.

Tulad ng paghahangad kong muling humanap
ng ibang matitirhan. Ika nga, mas maayos
ang nililipatan. Natagpuan ko ang sarili
kong dinudugtong ang mga putol-putol
na pagpapasiya. Kumatok ka, natigil ang lahat.

Binitiwan ko ang ginagawa. Sa katagalan,
nabura na sa isip ko ang kalituhan.
Nawili akong pagmasdan ang mga paraan
ng pag-aalaga mo sa iyong mga kagamitan.
May prinsipyo ang bawat hakbang.

Mula sa pagkukusot hanggang sa pagsasampay,
sa pagliligpit ng higaan, sa pagsasalansan
ng mga gamit, pagtitiklop ng mga damit,
ang iyong salita, may haplos ng pag-iingat.
Minsan kong inaasam na iyo'y maging ari-arian.

Nakagiginhawa yata ang madaanan ng iyong kamay.
Mapalad ang unan na dinadantayan
ng iyong ulo at ang kumot
na yumayakap sa iyong katawan.
Nasa kanila ang karapatan bigyan ka ng katiwasayan.

Sa gitna ng ingay likha ng kalampugan
ng kaldero't pinggan, basagan ng bote't
sumbatan, palitan ng murahan sa katabing
kompyuteran, tunog pa lang ng iyong lakad
ay may dala ng kapayapaan.    

May sukat ang haba at lapad ng higaan, pintuan;
planado ang lugar na kanilang kinalalagyan.
Ang labas at loob na kagandahan ay hindi mabibilang,
higit pa ang halaga mo sa kinakahon na bagay,
nararapat ka sa pakikitungo na hustong pinapanday.

Ang nakasisilaw na ilaw mula sa marupok na poste
ng meralco na tumatagas sa bintana ng atin kwarto,
kung tumama sa iyong katawan ay nabibigyan
mo ng kakaibang kariktan. Sa iyong angkin kagandahan
ay nahuhubdan ng estetika ang isang obra maestra.

Totoong sa pinakapinong trabaho, may diperensiyang
nagtatago. Katulad ng bagong tayong bahay,
may uusbong at uusbong na sira. Parang tao rin
pagdating sa mga nagugustuhan, kapag may depekto
naghahanap ng remedyo. Naghahanap ng kapalit.

Malaki man o maliit, sapat nang matustusan ang kawalan.
Tulad ng kutsarang naligaw, hinahanap-hanap
dahil may ginagampanan ito sa iyong kakuntentuhan,
tulad ko na naglalakbay upang hanapin ang mga mumunting
kapilas sa akin pagkatao; iyo lamang makukumpleto.


*Ang unang pagbasa ng tula sa harap ng isang magandang dilag
Para sa'yo Dea
6-11-2013