Lunes, Marso 19, 2012

steel wool

'Di mapantayan ang kaganahan ni Elena nang simulan niyang ikilos ang katawan sa mga gawain-bahay. Ganito ang laging sumpong niya kapag kabuwanan. Iba siya sa mga kababaihan na parang napako ang katawan sa higaan.

"Unahin ko munang linisin ang kwarto, mamayang hapon ang sala. Mag-iigib muna ako ngayon umaga."

Ang kanyang kasipagan ay ikinagagalak ng kanyang ina. 

"Si elena ah, kabuwanan nito ngayon..."  sambit ni aling marissa sa kanyang sarili.

Habang isinasalin ni elena ang naigib na tubig sa dram sa loob ng palikuran, pinaalalahanan siya ng kanyang ina.

"Anak, hinay-hinay lang sa pgkilos baka mabinat ka." 

"Okey lang ako ina, sayang ang sipag baka mawala pa ito. Masakit ang puson ko, alam n'yo naman na mawawala ang kirot kapag kumikilos ako."


Nag-umpisa maglinis si elena ng kanyang kwarto nang umalis si aling marissa papuntang bukid. Maaga pa siyang umalis upang makarami sa pamimitas ng prutas ng kanilang pagsasaluyhan mamayang hapon.


Nagpupunas si Elena ng lamesa, nagpupunas ng dingding, nagwawalis. Inilipat niya ang ayos ng kagamitan sa anyo na matitipid ang espasyo ng munti nilang kubo.

Walis. Punas. Lipat ng kagamitan, habang manaka-nakang sumasakit ang kanyang puson.

Inabutan siya ng maghapon sa paglilinis. Iniligpit na niya ang kagamitan nang masapol ng mata niya ang kalderong puno ng uling ang katawan. Maselan si aling marissa pagdating sa kalinisan dahil ang pananaw niya kahit hindi yari sa bato ang bahay ang mahalaga maayos at malinis ito. Tumungo siya sa dapugan at kinuha ang kaldero. May kung anong nagdudulot na kaligayahan kay elena ang pagtatanggal ng makapal na uleng na nababalot sa kaldero, lubos niyang kinatutuwaan ang pagkikiskis dito.

"Tiyak na matutuwa nito si ina kapag makita niyang napakalinis ng kaldero namin," bulong niya sarili.

 Hinanap niya ang steel wool sa kusina ngunit hindi niya ito matagpuan. Nakita niya itong nakasabit sa dingding na kawayan. Ang dingding ay nakahaligi sa dapugan na malapit sa palikuran. 


"Siguro naglilinis pa rin hanggang ngayonang anak ko." tanong ni aling marissa sa sarili.

Hindi na siya nagkamali nang maulinigan niyang kumakanta si elena habang nagdidilig sa bakuran nila sa likuran ng kubo.Napatigil siya sa bungad ng pintuan nang mapansin niyang napakalinis ng sala, napalitan ang kurtina, lumawak ang maliit na espasyo sa loob ng kanilang bahay. May tatlong baitang ang hagdanan papasok sa kanilang bahay. Nang nasa ikatlong baitang siya, pagsampa niya sa pinakasahig ay naapakan niya ang doormat. Nadulas siya at muntik nang maumpog ang ulo. Mabuti, napakapit siya kaagad sa hawakan ng pintuan. Saka lamang niya napansin kumikintab sa floorwax ang sahig. Dumiretso na siya dapugan upang maghanda ng kakainin sa hapunan. Nangingiti si aling marissa sa sarili dahil umayos ang munti nilang lutuan. Ang mga kahoy na gagamitin sa pagluluto ay nakasalansan sa isang sulok. Nawala ang mga agiw sa bubungan luminia ang dingding na kawayan na noon ay nababalutan ng itim sanhi ng usok na nagmula sa kahoy na pangsiga. Namangha siya nang makitang luminis ang kaldero na ubod ng itim. Sa bawat panauhin na napapadalaw sa kanilang mula sa ibang baryo, hindi maitago ang pagtataka kung bakit  napakalinis ng kaldero. Paano'y halos lahat sa baryo'y kundi kahoy, uleng ang ginagamit sa pagluluto.

                                                                       ******

Nakahanda na ang pagkain para sa hapunan. Binabalatan ni aling marissa ang mga pinitas na mga prutas. Parang fiesta, simple ngunit napakaraming nakahain sa lamesa. Tinapa at bagoong, ginataan na langka ang ulam. Binuksan ni elena ang kaldero, nilanghap nito ang bango ng kanin bago niya ito inihain. Tahimik ang dalawa habang kumakain, ang tangin maririnig ay ang ingay likha ng pagnguya. Dahil na rin siguro sa maghapon pagta-trabaho, napadami sila ng kain. Nadaragdag sa kaganahan nila ang mabuhaghag na sinaing.

"Siyanga nga pala anak..." pagputol sa katahimikan ni aling marissa."

"Nagmukhang bahay ng tao itong bahay natin ah, at umikintab pa sa linis ang kaldero nang makita ko ito kanina. Magaling anak, magaling! abot hanggang tenga ang kanyang ngiti tanda ng pasasalamat sa kanyang anak.

"Ano bang ipinanglinis mo doon at parang hindi man lang namantsahan ng uling?" 

"Yung steel wool, nay." nangingiti pang sambit ni elena.

"steel wool?" pakunot niyang tugon. " saan mo kinuha?"

"Sa dingding ng dapugan, malapit sa palikuran, nay."


Biglang napamaang si aling marissa, saglit siyang natigil sa pagkain .Nabilaukan yata, hindi parang may gustong ilabas ang kanyang t'yan. Napahawak siya sa kanyang bibig, sa mga nanlilisik niyang mga mata nagpapahiwatig na parang magugunaw na ang mundo.

"Lintik kang bata ka! higit kang baboy sa lahat ng baboy sa kalupaan! Ginagamit ko yung steel wool pangkiskis ng inidoro!"



At hindi lang kirot sa puson ang naramdaman ni elena, kundi ang magkakasunod na kurot na nagmula sa makapangyarihan kamay ng kanyang ina.



Linggo, Marso 11, 2012

Atlas

Kung ang buong mundo ay tatalikod mula sa
akin kinatatayuan,
Kung ang lahat ng planeta’y maliligaw sa kanyang
tamang kinalalagyan,
Kung ang talon ay magdadamo’t ng tubig sa
kanyang aagusan,
Kung ang mga bulaklak ay manunumpang hindi na mamumukadkad
magpakailanman,
Kung  ang mga dyos ay ipag-uutos
sa kalangitan
na bumuhos ng walang humpay
na pag-ulan
Bulungan ang mga
Bulkan
At kalabitin ang
kalupaan
Hudyat ng mapangahas na
Kawasakan.
  
Kung ang lahat ng ito’y magaganap dahil sa

                                  atin pag-iibigan…

Luluhod ako sa bubog sa utos ng mga tala
sa kalangitan
Uusal ng dasal
ng kapatawaran.
Kahit pa ako’y patawan ng higit na mabigat
na kaparusahan,
Igagawad ang aking kaluluwa sa
kanilang makapangharihan.
Isasabit na tila medalya sa kanilang leeg
na tanda ng karangalan,
Karangalang na sila'a magiging modelo
Sila ay tapapagtanggol kuno ng sangkatauhan
huwad silang modelo na nagtatago 
sa prinsipyo ng simbahan.
Bibliya ang kanilang saligang-batas
na kanlungan ng kanilang kamangmangan.
Ibubuhos ang lakas manunbalik
lamang ang kapayapaan.
Kahit ang isang patak ng dugong magbibigay pag-asang
bubuhay sa akin nahimlay
na katawan,
ay iaalay kay Bathala nang
walang pag-aalinlangan.
Sa kahit na gaanong katinik
na daanan,
malalampasan ang mahirap
na paraan,
Pipilitin silang ibalik sa dati
nilang kaayusan,
Kahit pa ako’y hingal at
pawisan
nanghihina’t nangiginig sa gutom
ang kalamnan,
tatayo’t-tatayo
ako,
pagmasdan mo kong ipagpapatuloy
ang laban.
Patutunayan kong ang nararamdaman natin sa isa’t-isa
ay hindi kasalanan.





-ang paglikha ng tula sa gitna ng umiigting na pag-iibigan
       ng dalawang babaeng magkaiba ang mundong iniikutan,
               lalong tumatamis sa kabila ng kapaitan dulot ng mapaghusagan kalibutan-

Hidlaw

ang sigaw ng ibon sa himpapawid

ang lagaslas ng tubig mula sa ilog

ang kaluskos ng mg dahon nangalaglag sa lupa

ang sipol ng hangin sa katanghalian

                  sa gitna ng palayan

                  nakikipagtalastasan sa kalikasan

                 sa akin pagpikit

                 ang mga ito'y tila iyong tinig

Libingan

May isang malaking hukay. Ang hukay ay sadyang ginawa upang gawin libingan. Inilibing ng gumawa ng hukay ang sarili. Kung ano ang ang mga dahilan niya ay siyang hindi ko lubusan maunawaan. Ang tangin naarok ng mata ng aking isipan ay ang anino ng kasaysayan:

gusto niyang maitago ang parte ng kanyang pagkatao na nadungisdan. Ang dungis yaon, na siya rin mismo ang nagbahid.
Sa tinagal-tagal, umalingasaw ang masangsang na amoy n amatagal niyang itinatago. Alerto siya sa magaganap, may nakahanda palagi na pala. Muli niyang bubungkalin ang lupa. Palalaliman niya ang hukay.  Ibabaon niya ang parte ng kanyang sarili na nadungisan.

Takot, pangamba, gustong iiwas ang sarili sa kahihiyan. Ang mga ito ay parang ipo-ipung nagpaikot-ikot sa kanyang kalooban. Hindi niya namalayan kay lalim na ng kanyang nahukay. Umabot ito sa sandaling hindi na niya maabot ang ibabaw ng lupa. Pinipilit niya pumaibabaw. Tinungtungan niyaang mga batong nakadikit sa lupa. Nagsusumidhi ang kanyang loob na makalis sa hukay. Subalit nabigo siya sa hangarin, nagkagalos lang ang buo niyang katawan. Umupo siyang hinahabol ang hininga. 

Lumalalim na ang gabi hudyat na ito na magsisilabasan ang mga likha na sa silim ng gabi nabubuhay.

Maliban sa kuliglig, sumasabay sa ingay ng gabi ang kalabog ng likha ng daga sa kanyang t’yan. Kumakalam na ang sikmura niya. Lalong sumasakit ang ulo sa nalalanghap na nabubulok nang parte ng kamyang katawan na nasa kanyang harapan. Habang hawak ng kaliwa niyang kamay ang t’yan, hinihilot naman ng kanan kamay nito ang parang mabibiyak sa sakit ng ulo. Nanunuyo na ang kanyang lalamunan, sumisikip na ang dibdib sa kakulangan ng hangin sa loob ng hukay. Napaidlip na siya sa hirap na dinadanas, pagkamulat ng kanyang mga mata, nagulat siya sa nakita. Halos kalahati ng katawan niya ay natatakpan ng mga daga. Mga daga na kasing laki ng pusa. Ang mga sugat sa kanan bahagi ng kanyang braso ay pinutakti ng mga uod. Nang maramdaman ng daga na nagkamalay na siya, nakipagtitigan ang mga ito sa kanya na parang nanunudyo, at ang iba’y parang nagagalit. Nakita pa niyang sabay-sabay ang mga itong pinunasan ang kanilang bibig gamit ang dila. Tila ba ang mga daga'y sarap na sarap sa natikman. Hinawi niya ang mga daga ng kanan kamay,lahat ang nagsipagtakbuhan. Maiingay. Nakakarindi ang ingay sa pandinig.


Mamukat-mukat niya kalahati na ng katawan niya ang nakain ng mga daga. Ang mga uod sa kanan bahagi ng braso niya ay palaki ng palaki habang inuubos nito ang laman. Nararamdaman niya na gumagapang na ang mga ito patungo sa kanyang tenga. Iwinasiwas niya ang kanan braso, halos paubos na rin pala ang mga ito. Gusto na niyang sumigaw upang humingi ng saklolo, gagpumilit siyang tumayo ngunit nabali lang ang buto niya sa paanan. Hilong-hilo na siya at hindi malamamn ang gagawin.

Sa pagod kakaisip, napaidlip muli siya, sa pagkamulat ng kanyang mga mata  ay may hamunado na sa kanyang harapan. Kumilos siya para ito’y  abutin at kainin. Sarap na sarap siya. Matamis. Maninamnam. Tumulo pa ng sarsado nito sa gilid ng kanyang bibig. Napakarami na ng kanyang nakain nang bigla siyang sabayan ng daga at parang sarap na sarap din ito. Nagtataka siya.Nagkatitigan  silang dalawa.  S'ya na nagtataka kung bakit nakikihati ang daga sa kanyang hamunado. Gayundin, ang daga na parang nagtataka ang mga titig kung bakit siya kumakain ng laman ng tao!
Sa mga titig ng daga niya napagtanto na sariling katawan na pala niya ang kinakain. Hindi niya alam kung halusinasyon lang ang lahat, ngumiti pa sa kanya ang daga at  saka ito kumaripas ng takbo.


                                                    ************************************


Tumulo ang pulang likido sa kanyang mga mata. Napatingin siya sa kanyang dibdib, may mahabang nakaumbok na gumagapang papunta sa kanyang puso.  Sa ulo man niya ay may nararamdaman na kiliti. Mga ilan minuto pa’y nangisay-ngisay na siya kasabay ang pagtirik ng kanyang mga mata.

Sumikat ang araw, ang sinag nito’y umabot sa kanyang kinaroroonan.

Dalawang malulusog na uod ang lumabas sa butas ng kanyang ilong.

Linggo, Marso 4, 2012

Panauhin



Malumanay kung dumalaw ang pangungulila,
dayuhan bumibisita
tuwina sa pag-iisa.

Ang mga kapuluan himbing nang nakahilata,
milya ang dipa,
nakahatag sa pagitan ng pagtatama ng mga mata.

Mapanglaw ang bawat sulok ng
gabing nangangamusta,
sa mga dayaming naging kuna
ng dalawang damdamin umaawit
ng iisang ritmo at tugma.
Kasabwat ang simoy ng hangin nagbabadya,
na maghahatid ng lamig sa kaibuturan
ng kaluluwang ninakawan ng sigla.

Nalulunod sa lumbay ang diwa...

Madamot ang ulap na tumatabing sa mga gunita
na tanging sa kislap ng mga bituin
magmumula,
 ang pangarap na sa panaginip
ginanap ang dula,
na ang unang takbo ng kabanata,

ay mahaplos ang iyong mukha.