Biyernes, Disyembre 19, 2014

on wattpad

Ang karamihan ng nabasa ko sa wattpad, may temang fantasy. Fantasy ng isang modelong babae (hugis ng ilong at labi, tabas ng buhok at kilay at sexyng katawan), pisikal na kaanyuhan na kaakit-akit sa lalaki. Mga physical qualities ng lalaki na mala prinsipe (mayaman, matangkad, maputi na halos wala ka nang maipipintas sa sobrang perpekto ng deskripsyon), mala Snow White, Beauty and the Beast at knight in shining armour ang peg ng mga character. Kawangis ang plot at setting sa dayuhan bansa (kundi pa malayo sa reyalidad ng totoong ganap at sanhi).

yan ho ay hindi nagsasalamin ng totoong buhay. Nasaan diyan cultural landscape natin? hindi natin kultura yan. Dayuhan na kultura iyan. Naghihirap tayo. Sa lahat ng aspekto ng buhay natin, naghihirap tayo. Apektado ang ugali natin ng mga nagaganap sa paligid natin.

 Ang mga akda ay dapat kumakaharap sa usapin ng lipunan, sa ganitong paraan naitataas ang antas ng kaisipan ng mga mambabasa. Sa ganitong paraan sila mapapalaya. Mapapalaya sa maraming uri ng represyon na dinadanas nila. Ipaalam sa kanila kung bakit sila naghihirap. Ipaalam sa kanila kung bakit sila inaapi.

Kaya nga nagiging effective ang machineries ng reactionary sa mga kabataan dahil sa mababaw at malalapot na akda. Paano sila mag iisip ng ikabubuti para sa sarili nila kung ganyan uri ng panitikan ang nababasa nila? Ano ang maabsord nila? Romance. Kababawan. Hindi natin magagamit ang ideolohiya ng romansa para supilin ang mapang aping uri. Ang mga karaniwang mambabasa ay walang sapat na kaalaman esensiya ng literary criticism. Ugaling arogante ang igiit na dapat alam nilang maghusga ng akda at sasabihan pang nasa mambabasa naman iyon kung susundin nila nilalaman o hindi. Hwag tayong maglokohan, walang substance na nakukuha sa wattpad at sa mga kauring akda nito kundi turuan ang mambababsa na maging pasibo at tanggapin ang kapalaran na parang ito ang itinakda ng Maylikha sa kanila.

Linggo, Agosto 24, 2014

Puna sa Death Proof ni Quentin Tarantino


Teri  Malicot

Sadistic nga siguro dahil tuwang tuwa ako sa Death Proof ni Quentin Tarantino. Isang maniac ang sumasadista ng mga sexy at magagandang babae gamit ang kotse niya. Pinapatakbo niya ng mabilis ang sasakyan habang ang nasa passenger seat ay walang seatbelt. Sa bandang huli, nakahanap siya ng katapat.

Characters


Transition ng main characters. Aakalain na ang pinakitang bida noon una ay sila rin ang kakalaban sa kontrabida sa huli.
Ini expect kong makaka survive ang ilan characters matapos ang car crash. Ang dapat na survivors ay siyang maghihiganti. Tipikal na magpapa plastic surgery or magpapagaling ng ilan buwan o taon upang e regain ang dangal at pisikal na lakas. Binuwag ng Death Proof ang kumbensyunal na paghihiganti ng bida laban sa kontrabida. Sa kalagitnaan ng pelikula, sumulpot ang ikalawang grupo ng babae na siyang maghihiganti sa psychopath stuntman na si Mike na ginampanan ni Kurt Russell.
Magaganda ang unang grupo na binubuo ng tatlong modelong kababaihan na main characters sa unang yugto ng pelikula. Ang ikalawang grupo ng kababaihan naman bagamat hindi man kalevel ng ganda ng nauna, nasa role nila ang matapang. Silang pangalawang grupo ng kababaihan ang tatatak sa isipan ng viewers bilang sila ang nag take revenge para sa unang grupo ng kababaihan though walang kaugnayan ang naunang grupo sa pangalawang grupo. 
Sadyang mahahaba ang script ng characters. Boring na nga sa sobrang haba. Unlike sa pelikulang Kill Bill, mahahaba man ang linya ng characters, hindi ito naging boring, may pihit agad ng maaksyong eksena.


Music

Lagi kong nagugustuhan ang mga soundtrack sa mga pelikula ni Quentin. Tumutugma ang music sa kwento ng pelikula, sa ending nito o sa bawat eksena, nagre raise ito ng paniniwala sa viewers na lalo silang nagiging attach sa pelikula.
Non-original music ang karamihan na OST ng Death Proof, ang Chick Habit ng April March na pinatugtog matapos upakan ng pangalawang grupo ng kababaihan si Mike ay naghahayag ng tagumpay laban kay Mike at sa pinaramdam niyang nerbyos at takot sa bingit ng kamatayan.


Scenes

Tawang-tawa ako sa eksena na humihingi ng tawad si Mike sa ikalawang grupo ng kababaihan habang sila ay nasa kalsada't kapwa binabangga ang kotse ng bawat isa. Ginagaya nila ang pagmamakaawa ni Mike na parang bang lalong inaasar. Kuhang-kuha ng scriptwriter ang karaniwang kaganapan tulad halimbawa sa isang batang nagmamaakawa ng pang-unawa. Kakatwa lang na isang maniac character na pumatay ng mga babae na walang kalaban-laban, humihingi si Mike ng kapatawaran. Twist of fate ika nga. Wala sa hinagap niya na makakaganti sila.


Kritik

Ang pagkatuwa ko sa pelikula ito at sa ginampanan ng role ng kababaihan ay pangunahin dahilang ng pagkri kritik ko sa pelikula. Mas pagtutuunan ko ng pansin dito ang ginampanan na character ng kababaihan at ang paglaban nila sa machismong aktitud na ginampanan ng antagonist na siya rin repleksyon ng machismong kultura ng kalalakihan.


Hindi nalalayo sa reyalidad ang ilan eksena sa Death Proof tulad na lang halimbawa na nakahanap ng katapat si Mike sa katauhan ng pangalawang grupo ng kababaihan. Sa uri ng lipunan ng bansa na ‘class structured’, conscious or unconsciously, posibleng maapakan ng upper class ang lower class, tunggalian sa pampulitika at pang ekonomiyang kapangyarihan. Sa lagay ng pelikula, pagpapakita na ang babae bilang materyal na bagay ng mga kalalakihan, ang pag-sasayaw sa harap ng lalaki na madalas din makikita sa ilan pang pelikula ni Tarantino,ang pagsusuot ng maiiksing damit, ang pagbagsak at pagwawagi ng kababaihan ay kung ano ang pagtanaw niya sa mga kababaihan bilang siya na scriptwriter din ng nasabing pelikula.
Napaglalaro ni Tarantino ang characters sa mga pelikula niya. Nagagamit sa iba’t-ibang paraan ang kalakasan at kahinaan na natural na katangian ng tao tungo sa mga posibilidad na ikaaangat o ikalulugmok nito.


Hindi nga ba’t sa atin lipunan, sa kalakhan persepsyon na uugat pa rin sa misedukasyon, tinatanaw lang ang babae bilang isang materyal? Kungdi man pamparausan ay nalilimitahan lang sa gawain pambahay? Isama pa rito ang tumaas na rate pinagsasamantalahan kababaihan.
Nagpakita ang Death Proof ng paglaban sa katauhan ng kababaihan na kapag nadehado o nasaktan mag-uudyok ito ng pagganti higit pa nga sa naipadamang represyon sa kanila.
Lumilikha ang lipunan ng maraming uri ng sakit gayon man ang mga constituents na nakapaloob rito ay apektado. Hindi imposibleng makalikha ng maniac ang lipunan ganoon naglilikha ito ng demands na labis sa kakayahan ng indibiduwal sa kanyang natural na paligid. Psychological sickness tulad ng nababaliw, nauulirat, nagpapakamatay, behavioral disorders tulad dermatillomania ang pinakamadaling solusyon upang makatakas sa reyalidad. Coping mechanism na nila ang ganitong uri ng sakit bilang end means ng kanilang paghihirap at makasabay sa agos ng mundo.


Sa kabuuan aspekto, isa pa rin itong mainstream na pelikula na ang pinatatampukan lamang ay makadulot ng entertainment sa mga manonood. Matapos ang pelikula, walang pagklaripikasyon  ng conflict o enlightenment sa parte ng manonood .



                                           https://www.youtube.com/watch?v=btjQ0Ty6o2M




Lunes, Agosto 18, 2014

Its SHOWTIME: Palabas na nilalako ang pangit

Teri Malicot

Pangit ka.

Masakit nga naman pagsabihan ka nito. Parang outcast ang matawag na pangit. Not qualified sa ruling class constructed idea of beauty. Nagtatakda nga ito ng boundaries. Klasipikasyon ng maganda ang mayaman at panget ang mahirap.


Naglipana ang iba't-ibang klase ng ganda. Mangyaring sa bansa natin, nakahalaw ang ganda sa mukha ng kolonyal na bansang sumakop sa atin. Sa iba't-ibang rehiyon, iba't-iba ang ganda. Sumisikat ang Kpop. Westernized ang pagtanaw natin ng 'beautiful'. Sumasabay sa trend ang kabataan. Nakakadama ng sense of belonginess ang sumusunod sa uso. Kakatwang nagpupumilit magmukhang Kpop, ang ganitong itsura ay nababagay lang din sa bansang pinagmulan nito.


Si Rene Requestas nakapareha sa pelikula niya ang naggagandahan leading lady. Naalala ko pa si Andrew E, noon 19's na halos lahat na yata ng naggagandahan babaeng artista noon panahon na iyon nakatambal na niya sa pelikula. Ang panget na artista ngayon, ipina partner na rin sa panget or mas panget sa kanya. Worst, nanalo hindi dahil magaling kungdi dahil sa itsura.

Ang mga katutubo, wala silang konsepto ng maganda at pangit. Produksyon pangkomunal ang pinag gugulan nila ng panahon. Pangangailangan ng komunidad ang inuuna.

Sa hirap ng buhay, uunahin ng tao bumili ng pagkain na siyang magiging pangreserbang lakas upang maghanapbuhay uli kinabukasan. Pero kung kinakain ka ng sitwasyon na walang wala kang pambili ng sabon, shampoo at toothpaste, uunahin mo nang problemahin kung paano ka makakaahon kinabukasan sa kumunoy ng matinding kagutuman at kahirapan.


 Matindi ang krisis ng edukasyon sa bansa,  ang dominanteng midya ang pangunahing pinagkukuwanan ng impormasyon. Kung kahunghangan ang binabalita, mababaw at walang saysay, maglilikha ito ng audience na pasibo na hindi matutuhan kumukwestyon, maging kritikal, at salungatin ang mali.


Nakakadismaya lang binabastos ang masa sa Showtime. Sentro ng katatawanan ang bata, matanda, tomboy at bakla pati kung ano man ang makitang diperensiya sa kanila.


Marahil nadala ni Vice Ganda ang kultura sa comedy bar sa National TV. Bumenta nga ito kung tutuusin. Sa break na binigay sa kanya ng ABS-CBN, tatanawin nga naman niya itong utang na loob. Susundin kung anuman ang pinaguutos ng amo niya. Kailangan kumita ang istasyon sa higpit ng kumpetisyon na imintina ang istado nila sa bansa. Para makakuha ng maraming advertisement na siyang pagkukuwanan ng pampasahod sa mga artista na siya naman magpapaalipin sa hindi makataong paggampan ng trabaho.


Lumalala nga ang komersalisasyon ng dominanteng midya. Lahat ng pakulo gagawin. Kahit nakakawalang dangal. At ang subject ay personal na buhay ng contestant. Hindi ito nakakapagturo sa audience ng kabutihan o mag establish ito ng constructive criticism bagkus malabnaw na kaalaman ang maa-absord nila.
H'wag nang pagtakhan na hindi matapos-tapos ang pambu bully maging sa institusyon na edukado ang mga tao kung ganitong uri nga naman ng palabas ang nagdodomina sa bansa.


Marami nang umaangal sa pakikitungo ni Vice Ganda sa masa. Kapag may umaangal, may mali.  Mayroon tayong persepsyon ng moralidad. Ang moralidad ay pagrespekto sa kapwa natin. Rerehistrong tama ang maling aktitud dahil tinatawanan.


Imbes na maging katanggap-tanggap sa lipunan ang kakulangan ng isa,  masusuya ka sa sarili, na ang pangit o kakaiba (tulad ng bakla at tomboy) ay dapat lang laitin. Nawawalan ng self-acceptance ang sinuman kinukutya. Kamumuhian ang  sarili at ang pinagmulan. Magpupumilit magmukhang kaaya-aya sa pamantayan ng makaisang panig na pamantayan ng kagandahan.


Kung ganito ang siste ng dominanteng midya na nagpapalabas ng nakadidismoralisang  palabas tulad ng its Showtime, kawawa ang masa. Api na nga sa abang kalagayan, wala pang puwang na natanggapin ng lipunan.



Sabado, Agosto 2, 2014

Ikalimang Kataksilan

Teri  Malicot


Historikal ang halik ni Hudas kay Hesukristo. Simbolo ng kataksilan. Isa itong pamamaraan ni Hudas upang mahinuha ng mga Romano ang itsura ng anak ng D'yos gayon madali nila siyang madakpan. Pinako sa krus, namatay, resureksyon-namatay at muling nabuhay. 
Kung hindi ito ginawa ni Hudas, hindi raw maililigtas ang sangkatauhan sa kasalanan nito. 
SONA ni Noynoy. Inaantabayanan iyan ng buong bansa. Pag-uulat ng Pangulo ng pinagyayabang achievements ng kanyang administrasyon. Anticipating and sensational. Sinabi kong 'pinagyayabang' dahil kung tutuusin nandyan pa rin ang mukha ng kahirapan. Lumalala ang sinasabi niyang 'sinalong problema' mula sa naunang administrasyon. Dinagdagan niya ang sakit ng lipunan. Pinatapak niya sa dayuhan ang dangal ng bansa sa katauhan ng busabos na Imperyalistang Amerika. Katunayan iyan ng magpauto siya kay Obama at sumailalim sa EDCA, at pagtangging kampihan ang kababayan natin pinaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa Sabah. 
Dinadaan sa rhetorical para mapagtibay ang kasinungalingan. Tipong nagmamakaawa para makuha ang simpatya. Emosyon ang dinadagit, lalakipan ng gawa-gawang datos para magmukhang totoo. Taktika ng desperadong Pangulong parang batang nagmamakaawang h'wag paluin ng mas nakatatanda sa kanya. 
H'wag nang sabihin na hindi sapat ang apat na taon para baguhin ang sistema. Paano niya mababago ang sistema kung lalo pa nga niyang pinabubulok ito. Pagpapatupad ng DAP na pinagmukhang legal na porma ng korupsyon. Ginamit ang DAP sa panunuhol. Hudikatura na ang nagdeklara na 'unconstitutional' ang DAP over sa Ehekutibong na mayroon lamang kapangyarihan magpatupad ng batas. Pangulong umaastang batas. Repleksyon ng ugaling Spoiled Brat. 
Demanding ang pagbabago. Kahit gasgas na, persuasive ang dating nito. Epektibong panghikayat dahil mayroon glimpse ng pag-asa mapaiba-iba man ng mukha ang nagsasabi. Bagong mukha bagong pag-asa. Dismayado ang papangakuan mo ng pagbabago kung pakitang-tao lamang ito at hindi nadama ng repress na sector ng lipunan na siyang tunay na nakakaranas ng iba’t-ibang porma ng hirap, malamang sa malamang mamuo ang pagtutol sa panig nila. Sa pagre report ni Pangulong Noynoy ng mga pagbabago sa ilalim ng administrasyon niya, tila baga walang nahinuha ang tagapakinig niya sa mga naunang usapin panglipunan na taliwas na pinagmamalaki niya sa SONA. 
Matutumbok na pangloloko ang SONA. SONAng maituturing halik ni Hudas – kataksilan sa Pilipino.



http://www.goodfilipino.com/2014/07/reaction-paper-guide-for-SONA-2014.html

Lunes, Hulyo 14, 2014

humanities

may mas magandang kwento ang taong mas nakaranas ng matinding kasawian.


Martes, Hulyo 1, 2014

quotes tungkol sa bawang

sa sobrang mahal ng bawang, darating ang panahon na  magiging status quo na ang hininga na amoy bawang.

- athena

Martes, Hunyo 17, 2014

Football over food



ang mga larawan na ginamit  ay nagmula rito:

http://attitude.co.uk/world-cup-hotties-ezequiel-lavezzi/lavez4/

http://i916.photobucket.com/albums/ad5/beatrizposada/brazil/DSCF8211.jpg

http://en.wikipedia.org/wiki/FIFA_World_Cup_Trophy#mediaviewer/File:Jules_rimet.jpg

http://www.ndtv.com/article/india/food-security-bill-may-not-achieve-much-say-activists-405564

Linggo, Hunyo 15, 2014

SELF-INDULGENCE


-Teri Malicot

Ilan gabi ko na siyang minamanmanan mula sa bintana ng tinutuluyan kong kwarto. Mula sa ikalawang palapag tanaw ko ang kabuuang ng nasa ibaba. Magkatapat ang bahay namin. Sampung metro lang ang layo. Yari sa kalahating semento at kawayan ang bahay niya. Creepy ang lugar: madilim, hiwa-hiwalay ang bahay na napapalibutan ng puno. Nasa dulo ng downtown ang bed space na nakuha ko. Sa Davao city na ako nakakuha ng trabaho. Medyo malapit lapit sa probinsiya naming sa Antique.

Nagtataka ako kung bakit siya naghuhukay. Alas-dos ng madaling araw, inuumpisahan niya ang paghuhukay sa bakanteng lote sa gilid ng kanyang bahay. Umaabot ng dalawang oras. Dire-diretso. Walang hinto. Galit na galit ang ugat niya sa braso. Kitang-kita ko sa noo niya ang hirap na parang ‘ni minsan ay hindi ko napansin gumaang.

May mga araw na nawiwili akong panoorin siya. Minsan, sinasamahan ko ng inom ng san mig. Kahit papaano pampaalis ng pagod. Minsan kapag nauulirat  ako walang mapagbalingan ng inis, binabato ko siya.          

Dumadating sa pagkakataon na awa ang nararamdaman ko para sa kanya. Kung gaano ko siya nakikitang hirap sa paghuhukay ng lupa, nakikita ko sa nangangaliti niyang ugat na mayroon siyang pinupursige.

Umuwi akong mainit ang ulo dahil delay ang sahod. Nababagabag ako ng mga utang. Binibilang ko ang dumaang mga butiki at ipis sa kisame para makatulog. Pinatugtog ko ang New World ng DeVothcKa. Hirap pa rin ako makatulog. Marinig ko pa lang ang text message tone ng cellphone ko. Alam kong may halong hingi ang text na iyun. Kada oras akong tine-text ng kapatid kong nasa Antique na magpadala ng pambayad niya ng tuition fee dahil kung hindi siya makakabayad, hindi siya pakukuwanin ng exam. Hindi siya makakapagtapos ng pag-aaral. Walang magandang kinabukasan na mag-aantay sa kanya. Baka matulad ng kapalaran kay Nanay. Magkakarugtong. Chain reaction. Kung maari lang sanang putulin at tumalon. Yung wala nang hirap na pagdadaanan. Bakit ba dumadaan sa proseso. Bakit ba ang hirap kitain ng pera.  Magagalit sila sa’kin kapag wala akong naibigay. Lalabas akong walang kwentang ate. Walang silbing anak. Mamumutaktak ng mura ang bibig ng hitad kong Ina. Magdadala ng lalaki sa bahay. Ikakatwiran na naman niyang hindi ako nagpapadala ng pera. Kailangan niya manglalaki kungdi mamatay sila sa gutom. Kumakayod sa paghuhuthot sa mga lalaki ang nanay ko. Marangal na trabaho yan para sa kanya. Kumpara daw sa politiko. Yumayaman sa pangungurakot. Dahil kung dangal lang din naman ang pag-uusap, kapos d’yan ang Pilipino. Wala na raw Pilipinong nabubuhay ng marangal. Dahil buhay ka pa, pinapatay ka na. Iniiwasan kong makipagtalo sa kanya. Nauuwi sa sumbatan. Parang sirang plaka na paulit-ulit na sasabihin niluwal lang ako sa puwertahan niya. Nanay nga siyang maituturing. Umiinit ang ulo kapag walang pera.

Sa dami ng alalahanin na dumadalaw tuwing napapapikit ako, tuluyan na rin ako napaidlip.

Dug. Dug. Dug. 

Puta, alas kuwatro na ng maaga, bago pa lang ako nakatulog. Sumilip ako sa bintana. Naghuhukay na naman siya.

Hoy! Magpatulog ka.

Sobrang bad trip ko, binato ko siya ng bote ng san mig. Tinitigan niya ako ng masama. Doon ko lang napagmasdan ang buong niyang mukha. Matangos ang ilong. Maputi. Mala Amanda Page ang hugis ng bibig at tabas ng mukha. Bata pa ang itsura pero bakas ang guhit ng katandaan sa noo.  Parang pilit na tumanda ang itsura niya. Isa lang ang kapansin-pansin sa kanya; tapyas ang tenga. Markado ang leeg niya ng peklat. Kahit sa mga braso at binti.

 Namamaos na ko kasusuway sa kanya. Tuloy pa rin siya sa paghuhukay. Hindi marunong umintindi. Ang sarap niyang sapukin. Sinabi na ngang gusto ko pang matulog.
*****

 Ramdam ko ang init ng tanghali buhat sa double deck na hinihigaan ko. Basang-basa ng pawis  ang unan. Shit, alas dos na pala ng hapon. Mabigat ang katawan kong tumayo. Masakit ang muscles ko sa balikat at sa ibabang parte ng likuran. Sumasakit ang tagiliran ng kamay ko kapag inuunat. Naninigas kapag bagong gising. Ito na yata ang tinatawag na metacarpal syndrome na nakukuha sa maghapon pagtitipa sa keyboard. Yung mga mata ko parang pinipiga nung minulat ko. Putang inang kapitalista, binubugbog ka sa trabaho. Sinusulit yung minimum wage. Sa opisina, lahat ng puwedeng ipagawa sa’yo, ipapagawa. Multi-tasking. Triple ang trabaho pero pang single ang sahod. Kaya ako, kahit alam kong gawin, nagkukuwari akong hindi ko alam. Nagtatanga-tangahan. Pinakamabisang excuses ‘yun. Hindi ka kagagalitan. Matitipid ang lakas. Eh akala mo nga naman kasi. Malay mo ba. Ah, hindi ko kasi alam eh. Ganun. O magbisi-busy-han para hindi mautusan.  Taena, dapat mautak ka para mapagtagumpayan mo ang hirap ng buhay.

Dug. Dug. Dug.

Takte, ibig sabihin hindi pa siya natutulog ‘gang ngayon?
Nagmadali akong sumilip sa bintana. Malalim na ang hukay. Hindi ko na maaninag ang ulo niya.
Ano bang plano niyang gawin sa hukay ? Usap-usapan na serial killer siya. Nagimbestiga ang baranggay n’un nakaraan linggo dahil nagreklamo ang kapitbahay na katabi ng boarding house na tinutuluyan ko. Samu't-sari ang naihapag na reklamo. Aswang, magnanakaw, pedo, rapist, pulubi, ex convict at marami pa. Mahirap paniwalaan ang reklamo nila. Palagi nilang binu bully ang weirdo namin kapitbahay. Kalilipat lang kase. Palibhasa hindi nakapasa sa pamantayan nila ng mabuting kapitbahay kung ano ano na ang inisip. Nung nalaman nilang posibleng siyang gumanti. Nagtagpi tagpi sila ng kwento para mapaalis. Takot lang nilang sila ang mailibing nang buhay. Mabilis pa sa biente-kwatro oras, naunahan pa ng panghuhusga ang balita. Bakit ba sinasanay ang sarili sa mga madaliang solusyon. Sabagay, mababalewala nga naman ang esensiya ng panghuhusga kung may konsepto pa ng pagsasaliksik.

Matapos ang papunta-pabalik ng baranggay at ng pulis. Wala silang nakuhang ebedensiya. Wala naman kasing nababalitaan na may nawawala o napapatay sa loob ng baranggay. Bahala sila sa buhay nila. Masyado na kong maraming iniisip para alalahanin pa ang misteryosong kumag na yun. 
*****

Nasa five thousand piraso na tseke ng BDO yung in-encode namin kanina. Pito kaming merchant ng pipitsugin outsourcing company. Naka-leave pa ang tatlo. Imbes na ala-una ng madaling araw ang uwi ko, nag OT  ‘gang alas-tres. Pagod na pagod na ko. Alas kuwatro ng medaling araw na ako nakauwi ng boarding house. Ah, magre-resign na ko. Bukas hahanap ako ng ibang trabaho. Matutulog na muna ako.

Dug! Dug! Dug!

Yan na naman siya. Nagmadali akong tumayo sa higaan.

Hoy! ano ba. Magpatulog ka naman. Wala ka bang kapaguran?

Nabigla ako sa nakita. Putol ang mga daliri niya sa kaliwang kamay. Tumutulo ang dugo sa lupa. Pinagsabihan ko siya. Hindi niya ako pinansin. Ano ba  ‘to? Nababaliw na yata siya.

Bumaba ako ng boarding house. Tinutulak ako ng kuryusidad. Hinay-hinay akong lumakad bababa ng hagdanan. Konting langitngit tiyak tatahol na agad ang aso ng landlady namin. Ayaw ko na munang may makaalam ng gagawin ko. Tutuklasin kong mag-isa ang lihim niya. Ang lihim niyang naiuugnay sa lagim ng gabi at ang mga nakaakibat na tanong nito.
 *****

Mabuti nakalabas ako ng boarding house nang hindi tumahol ang aso. Tinatanaw ko siya mula sa trangkahan ng bahay niya. Hindi siya natitinag kahit patuloy na umaagos ang dugo mula sa kaliwang kamay niya. Makailan beses pang paghuhukay. Huminto siya saglit at luminga sa paligid. Binitawan niya ang pala. Tumuloy siya loob ng bahay. Sa mga sandaling pabago-bago ng desisyon dahil sa kaba, paurong-sulong ang paa, at tulak ng pagtataka, nabuo na rin ang loob kong sundan siya papasok sa kanyang bahay.

Dumungaw ako sa bintana malapit sa kusina. Umaalingasaw ang baho. Amoy patay na dagang inuuod, malansa. Mas malansa pa sa nabasang napkin na may regla. Nakatakip na ang ilong ko pero tumatagos pa rin ang baho. Naduduwal-duwal na ko pero pinigilan ko. Tangina baka marinig niya ko. Mahirap nang mailibing ng buhay. Ilan beses siyang nagpapunta-pabalik sa lamesa na nasa kusina. Tadtad ng marka ng hiwa at mantsa ng dugo ang lamesa. Parang tadtaran ng karne na makikita sa palengke. Kumuha siya ng kaldero. Nilagyan niya ng mainit na tubig at binuhusan ng suka. Nilubog niya ang kanan kamay. Sumigaw siya sa hapdi. Makailan ulit.  Akala ko ginagamot niya ang sarili, laking gulat ko nang simulang niyang kayurin ang balat niya sa kanan braso. Kinayod niya nang kinayod hanggang makita ang pinakaloob. Kitang-kita ko na umaagos ang dugo. Kitang kita ko ang ugat niya at umusli ang buto. Pagkakita ko, naalala ko ang kinain ko kanina na tocino. Ganun na ganun ang itsura. Binuhusan ng alcohol.  Noong aksidente kong nahiwa ang balat sa daliri, hangin pa lang ang dumadapo mahapdi na paano pa kaya hiwain ang sariling balat?

Nagdadalawang-isip akong tulungan siya. Pinangangambahan ko ang susunod na magaganap. Paano ko siya matutulungan kung hindi ko pa natutuklas ang katotohanan.

Lumabas siya ng bahay dala ang nakasabit na kaldero sa kanan braso niya at hila-hilang sako. Nakabalot na ang kaliwang kamay niya ng bandage. Binuhos niya ang laman ng sako; mga patay na daga, nabulok na karne, ipis at patay na ibon. Umalingasaw ang amoy na nabubulok na karne. Sinamantala ko na ang pagkakataon, pumasok ako sa bahay niya. Sa sala, bumungad sa’kin ang mga katagang nakasulat sa dingding ng bahay.

Walang mabuti sa mundo. Nagkukunyari lang tayong lahat.
The last capitalist we hang shall be the one who sold us the rope.
Nilikhang masama ang sangkatauhan.
Galit ako sa sarili ko.
Reason has always existed, but not always in a reasonable form.

Marami pang inskripto. Yung iba parang nakasulat sa Arabic o latino. Hindi ko na maintindihan. Hindi ko na rin naiintindihan ang nararamdaman ko. Gusto ko nang umuwi. May nagtutulak lang sa’kin na ipagpatuloy. Nasa sahig ang kutsilyo, icepick at gunting. Naka display ang buto ng daga, ibon at pusa. Sa kisame, nakasulat ang pangungusap na nagsasaad ng pagbabanta. Maraming binanggit na pangalan at argumento. Siguro sa ganitong paraan niya nailalabas ang galit. Bakit ayaw niyang diretsuhin sa tao? Pipi ba siya? Uuwi na ko masyado nang mabigat ang binabasa at nakikita ko.

Pinihit ko ang pintuan. Hindi ako naging maagap. Pagbukas ko ng pintuan siya ang bumungad. Nagkatitigan kaming dalawa. Akala ko isasaksak niya sa'kin ang hawak niyang kutsilyo ngunit tinabig niya ko at dumiretso siya sa loob. Nagkakandarapa siyang maghanap.

 Nawawala ang hintuturo ko.

Sumugod siya sa’kin at itinutok ang dulo ng kutsilyo sa leeg ko.

Wala akong ginagalaw. Hwag mo kong papatayin.

Nawawala ang isa kong daliri. Nakakahiya. Kailangan kong ilibing ang daliri ko.
Maibabalik ko lang ang dangal ko kapag nailibing ang parte ng katawan ko na nadungisan.

Naguguluhan ako sa sinasabi niya. Parte ng katawan ang kapalit ng pagbabalik ng dangal sa sarili? Natatakot na ko sa kanya.

Wala akong alam sa sinasabi mo.
Idiniin niya lalo ang kutsilyo.  Naramdaman ko ang hapdi ng pagkakatusok sa leeg ko. Binabraso niya ang dibdib ko. Nahihirapan akong huminga. Naglalabasan ang ugat sa mga mata niya. Galit na galit siya. Lalong siyang lumalakas sa galit.

 Nawawala ang isa kong daliri. Yung hintuturo. Malaki ang kapalit ng nawawala kong daliri. Kahihiyan ang aabutin ko.

Bigla niya akong tinulak. Naunang dumausdos ang mukha ko sa sahig. Hindi ako kaagad nakabawi, mahigpit ang pagkakasabunot niya sa buhok ko. Dinampot niya ang nakakalat na icepick sa sahig. Itinurok niya sa bandang likuran bahagi ng katawan ko. Pilit niya akong pinapaamin na ako ang kumuha ng nawawala niyang hintuturo. Pilit ko rin binabalik ang sagot na wala akong alam.

Binitawan niya rin ako sa huli. Napagtanto niya siguro na inosente ako sa inaakusa niya sa’kin. Sinuot niya ang jacket na nakasabit sa dingding. Agad siyang lumabas ng bahay. Sinundan ko siya. Tumalon siya sa hukay. Tumama ang kanan paa niya sa nakausling bato. Napahiyaw siya sa sakit. Sumisigaw. Nagmumura. Inuunto niya ang ulo. Tapos ay sasabunutan ang sarili. Paulit-ulit niyang sinasabing wala siyang kwentang tao. Aabutin ko ang kamay ko sa kanya upang tulungan siyang makaahon. Sinaksak niya ng kutsilyo ang palad ko. Mabuti dumaplis lang. Kung tutulungan ko siya at ganito ang iginaganti niya sakin, pabayaan ko na lang. Maiiskandalo pa ako. Ayokong maibaling sa’kin ang galit ng tao sa kanya. Mukhang hindi ko kakayanin.  

Tama na. Ayoko na. Sinimulan kong hinakbang ang paa palayo. Maghahanap pa ako ng trabaho bukas. Ako ang panganay, umaasa sa'kin ang pamilya ko.
*****

Dug! Dug! Dug!

Tumayo na ko sa higaan dahil sa ingay. Ramdam ko ang init ng tanghali buhat sa double deck na hinihigaan ko. Basang-basa ng pawis ang unan. Shit, alas kuwatro na pala ng hapon. Mabigat ang katawan kong tumayo. Masakit ang muscles ko sa buong katawan.

Pinapaayos pala ng landlady namin yung pintuan ng kwarto namin. Sumilip ako sa bintana. Tahimik ang bahay niya. Naka lock ang pintuan. Tumutugma ang liwanag ng hapon sa aliwalas ng paligid. Maayos ang natatanaw ko sa ibaba. Mapayapa.  

Iika-ika akong naglakad papuntang banyo. Maghihilamos para mahimasmasan.
Masarap damhin ang lamig ng tubig. Nakita ko sa salamin ang peklat ko sa leeg. Maganda ang hubog ng katawan ko kahit puyat at hindi nakakain sa tamang oras kakatrabaho. H’wag lang pansinin ang peklat sa buong katawan ko.  

Halos isang buwan na akong hindi nakakadalaw sa therapist ko. Sabi niya disorder na raw ang sakit. Dermatillomania ang tawag. Hindi ko na nabibili ng SSRI na anti-depressant na kailangan kong inumin. Pinambayad ko pala sa upa sa bahay ang natitirang pera ko sa bangko. Uu nga pala, hindi pa pala ako nakapagpadala ng pampabayad ng matrikula ng kapatid ko.

Aray, kumikirot na naman ang ulo ko.

Maghahanap na ako ng bagong trabaho bukas. Kailangan ko nang ayusin ang sarili. Teka, uka-uka ang buhok ko. Gugupitin ko ang parteng buhaghag. Konting gupit sa itaas, konting gupit sa gilid. Ayan maayos na. Magka trabaho nga ako, mabubuhay pero kapag may pera lagi na lang mamumublema sa gagastusin. Namumublema para magkaroon at mauubos lang din sa huli. Kakabit sa pagiging panganay ko ang obligasyon sa pamilya. Pati ang maraming problema kung paano sila pananatilihing buhay. Kinamot ko ng gunting ang leeg ko. Masarap sa pakiramdam. Diniin ko ng kaunti. Kaunti. At kaunti pa. Lumabas ang dugo. Tuluyang kong ibinaon ang gunting.










































12th Ateneo National Writers Workshop - alaala

Nakanaman! ako yan! hindi ko na matandaan kung ano ang sinasabi ko dyan. haha.

Sabado, Hunyo 14, 2014

Larong Mapagbiro (International Human Rights Day)

Performance Poetry for International Human Rights Day, December 10, 2013


here the link from Youtube. Video posted by Zari L.



Biyernes, Mayo 30, 2014

ramdom tots

tinitinghala ang kalangitan mula sa kalupaan ng Mindanao.

ilan beses ko na rin naikot ang downtown, nagpasikot-sikot, nagbakasaling maisakatuparan ang layunin. wala akong alam sa kanila at kung bakit sila naririto. pero tulad nila, humihinga rin ako sa maraming dahilan. kumikilos para sa sariling laban. parang sa lumang pelikula ko lang naririnig ang busina ng multicab. natatakot akong ibagsak ang side door, sa kalumaan parang matatanggal. mukhang kakabiyahe lang ni kuya. pero napansin kong tagaktak na ang pawis niya.

nakita ko na ang mukha ni ate na nagtitinda ng gamot na pampalaglag sa quiapo sa mukha ng tinderang may bangketa ng tinging yosi. paikot-ikot ang mobile ng pulis. ilan beses kaya siyang hinuli?

kahit saan lupalop pa tumungtong, wala pa rin kaayusan. paano kaya nakikita ng malaking estatwa ng agila sa rizal park ang nasa paligid niya.

Buti pa ang mga ibon, nakakatapak sa lupa.

tumutusok sa balat ko ang init ng araw, mukhang hindi matitibag ang munisipyo ng davao. Noon nakaraan linggo pa mahaba ang pila ng kumukuha ng permit.

tuminghala ako sa langit, nakakabulag ang sinag ng araw.

napayuko ako, basag pala ang lupang inaapakan ko.

Mindanao, hahanapin namin ang katarungan.

Huwebes, Abril 10, 2014

Hand Wash


7th Palihan Rogelio Sikat, Fellow

Nag-aayos ako ng NSPC namin sa Davao. Ilan araw na rin ako naging busy. Pagbukas ko ng FB, boom. Kinu-congratulate ako ng mga kakilala kong manunulat. Eneweys, natutuwa ako, dalawang Palihan ang attend ko ngayon taon. Serve the People.


http://www.panitikan.com.ph/content/15-manunulat-napili-para-sa-prs-7
http://kalatasliteraryezine.wordpress.com/2014/04/11/fellows-ika-7-palihang-rogelio-sicat/

Miyerkules, Abril 2, 2014

12th Ateneo National Writers Workshop, fellow for poetry in Filipino

Galing ako sa schools, nag hop ako ng pub sa Intramuros, nag-invite ako sa mga guilder na puwedeng mag media coverage ng protest action for ToFI. Alas-kuwatro ng hapon na ako natapos. Sumaglit lang ako sa Mendio ipara abutan ko ng props ang mga kasama. Hinihingal ako dahil naghahabol ako ng deadline dahil yung mismong araw na iyon ay huling araw ng pagsumite para sa Ateneo National Writers Workshop.

Edi ito na, tinakbo ko na ang escalator sa LRT Katipunan station, sumakay na ko ng tricycle dahil hindi ko alam ang Ateneo. Inabot kami ng matagal sa guard house, ang daming kemeruit ni kuya guard, eventually, pinapasok din naman kami. Mabuti ang nasakyan kong tricycle, inihatid ako mismo sa building na pagpapasahan ko ng requirements. Less hassle na sakin maglakad. Pagod na rin kasi mula sa paglilibot ng mga schools.

Itong-ito na talaga, edi yun, sumalubong sakin si lady guard, in fairness naman kay ate, alam niya kaagad kung saan ako pupunta, at isa pang in fairness dahil hindi na ko na hassle sa kanya, pinapunta niya ako sa Department of Filipino. Pagpasok ko, kinuha ang brown envelope at sinabihan tatawagan na lang. Lumabas ako ng office, sumalubong sakin ang matamis na ngiti ni ate lady guard, kinamusta niya ako. Marami na raw ang nagpasa, hwag daw akong mawalan ng pag-asa, baka daw makuha ako. Lumabas ako ng Ateneo, na parang nakalutang sa hangin. Bahala na, ang nasabi ko sarili ko.

Ilan araw na rin ang lumipas, nagsusulat ako ng maikling kwento nang biglang nag ring ang cp ko, tapos ayun na, Isa raw ako sa Fellow ng 12th ANWW. Yiiiipppppiiihh!

(aayusin ko na lang uli to, inaantok na kasi ako, maaga pa ang pakat bukas)



http://www.panitikan.com.ph/content/fellows-12th-ateneo-national-writers-workshop-named

http://kalatasliteraryezine.wordpress.com/2014/03/24/fellows-12th-ateneo-national-writers-workshop/

Lunes, Enero 20, 2014

Planong header ng blog

Kusina


-Teri Malicot

Nakataob pa rin ang tasa,
kasama ang ibang kasangkapan,
walang imik na tinatanggap ang kapalaran;
silang mga imahe ng pinagsasamantalahan
na papansinin lamang kung kailangan.

Dumaan ang patumpik na mga sandali,
nalihis, ikinahon ang turing
sa dalawang sulok ng pakinabang;
ang mga matang nakatuon sa liwanag,
bulag sa bagabag, natatabingan ng anino
ang mukha ng kahirapan.
Pansinin dili ang kanilang silbi
sa panahong may nalagas
sa kanilang sarili.

Nakasalansan ang pinggan,
palito ng posporo ang laki ng puwang,
sa hugis nila mapagtatanto ang hangganan,
ang pagbibigay halaga na nagtatapos kapag sila
ay isinalansan na sa paminggalan.
Silang katulad sa nagbungkal na hanggang sa huli ay
pinagkakaitan ng lupang sakahan.

Nababanggaan sa liit ng espasyo,
ang pagtatama ng katawan ay
lumilikha ng musikang bumabanghay
sa kanilang kahinaan.
Paulit-ulit itong tutugtog,
iihip sa tenga ng uhaw sa yaman,
aping bilanggo ng karahasan.

-----

Ang dumi sa ilalim,
naiwanan bakas,
o kapilas,
parang nasirang kabahayan ng maralitang
pinagkaitan, ang hangad
na mauuwi lamang sa basurahan.

palitan man ng luma ang bago,
ang timbangan ng kabutihan at kasamaan 
mapanganib kung
hawak ng isang porsyento.
Daan-taon umayon,
sipag at tyaga ang sangkap,
disilusyon sa pag-unlad.
Ayusin, nilisin, takpan,
babalik at babalik sa pinagmulan,
dahil nakalapad na tatsulok ang lipunan.

Martes, Enero 14, 2014

Araw-araw nakatakip ang orasan sa MRT

 - Teri Malicot

Natagpuan ko ang sarili na muling humahakbang ang mga paa. Sumasabay sa tutunguhin ng panawagan at pagtugon na mamuhay. Parang hindi ko mahugot ang pag-asa sa kinakalawang ng riles.Tila hindi ko matatagpuan ang pangarap sa makulay na stored value ticket. Pagkainip ang hatid sa akin ng ilang minutong pag-aantay sa pagdating ng tren na kalaunan ay magdudulot ng pangamba. Pangamba na kailan ko pa matitikman ang tunay na kabuluhan sa nakagisnan ng pagsusulsi ng naghihiwalay na hibla ng pamantayan. Lagi at lagi akong napapaisip ng angkop na hugis na maaaring mailalapat upang maging katanggap-tanggap. Ilang tao pa kaya ang bibilangin upang sumapat ang kagustuhan at tuluyan nang umusad. Kahit sa umpisa pa lamang ay alam na ang tatahaking hirap, patuloy pa rin sa pagtangkilik dahil nauuwi rin naman ang pagpili sa pagtitiis.

Dito, nagmumukha mang mabagal ang oras, nagmamadali ang lahat batay sa pangangailangan. Tulad ng mga paa ko na kusang umuusad sa nagdudumilat na tingkad ng yellow lane. Alam kong kapangahasan ang lumampas sa itinakda, ngunit masasabi kong kapag oras ng kagipitan, nagkakaisa ang mga pakiramdam nasa pareho at iba mang terminal.

Natututo na manglamang ang ilan dala ng kagipitan. Makatotohanang nakapagpapasya ang sino man na kumapit sa patalim kung ganap ang kakulangan at kagipitan. Walang natatakot, lahat sumusubok sumiksik sa loob, bahala nang may maapakan, bahala nang may maiwanan. Isasalba ang sarili sa kadahilanan na may umaasa. Tampok ang espasyong naiiwanan ng libong umuukupa sa trahedya ng kawalang-bahala. Madalang ang naaatim na lumingon at magpasalamat. Kaluwagan nga ang hatid ng pagbubukas ng pintuan, ngunit pansamantala lamang ito at maituturing na huwad na kalayaan na siyang magbibigay daan sa mas lalong kaapihan. Ang bawat kilos at pananalita ay maihahalintulad sa pintuan na ang katangian lamang ay magkubli at magparaya.

Katuwang ang hagdanan upang itong naghahanap ay kadyat na makaabot sa kani-kanilang tipanan. Ang hagdanan naman ay likha lamang at iba-iba rin ang katangian. Magkaiba ang iksi at haba, tibay at hina. Iba ang mukha ng hakbang ng mga paang tumatahak sa konkretong hagdanan, nadadagdagan ang kalbaryo sa pagbaba palabas ng istasyon. Sasabak sila sa walang katapusang labanan. Kaya, kakaunti na lamang ang kanilang panahong pagtuunan ng pansin ang mga nagaganap sa kanilang paligid. Makikisimpatya lang ang magbibigay kung may sobrang mahuhugot sa bulsa. Pantawid-gutom ng napabayaan. Ang barya mula sa benta ng yosi at kendi ay mahahati pa sa maraming gastusin. Nakakasikip sa paningin ang mga eksenang tumutunghay sa bawat kwentong may sugat na pinagsusumikapang gamutin. Nakakapigil-hiningang makita na ang mga pasahero ay tumitigil lamang upang makipagpalitan ng pangangailangan. Kay dalang o mas sapat na sabihin na hindi kailangang bilangin pa sa daliri para lamang masabi na sa kabila ng paghahari ng kawalang katarungan ay mayroon nagmamalasakit.

Sino pa ang may lakas ng loob na sambitin ang panawagan ng inaaapi at pinababayaan? Kung ultimong ang iilang kakapitan ay nag-aalilangang magbigay ng malinaw na kasagutan. Itong bang hawakan na nakasabit at kinakapitan ng mga kamay na dumaan na sa sunod-sunod na pagsubok at marupok sa tukso ng luho? Paanong masasabi na sila ay nilikha upang gabayan at tulungan ang mga napapagod nang mga kamay?

Hanggang sa masanay at makagawian ang pagkakanya-kanya. Sa napakaliit na puwang ay pilit na pinagkakasya ang sarili kahit maging alanganin ang pagkakatayo at sumikip ang paghinga. Iindahin ang hirap dahil takot na maiwanan ng panahon. Ang pansamantalang libangan ay ang tumanaw sa labas. Ito ang libangan na mapaglinlang sa sino mang mapapatingin. Paniniwalain kang pangangailangan ang mga magagarang sapatos at damit ng mga higanteng bulletin na nakahilera sa EDSA. Paniniwalain kang kulang ka sa araw na ito at magpakailanman ay hindi sapat ang iyong sarili. At bago ka pa makarating sa pupuntahan, pudpud na ang dangal at ipagkakamali mo, na ang benepisyong makukuha sa masikhay na paninilbihan para sa iilan ay muli lamang nagbabalik sa nawala.

Ganito ko nasasaksihan ang mga kaganapan sa MRT. Tulad ko at tulad din ng iba, na natatangay ng agos. May naiiwanan at napagsasamantalahan. Lahat ay kandidatong maging biktima ayon sa kanilang kahinaan. At kahit pa ang nasa lugar ay posibleng mayuyungyungan ng anino ng kasamaan, nasasalamin ng mga mata ko ang bawat detalyeng nakapaloob sa istayon ng MRT.Lumilipas silang tila ilaw sa aking paningin at nagtatatak ng kasaysayan sa aking alaala. Isa ako sa mga dumadakila sa kabila ng pagpasan ng bigat nito sa akin. Isa ako sa mga bawat araw na matapos duraan sa mukha ay nahihilang bumalik. Isa ako, sa mga walang magawa.

Kailan pa darating ang kahustuhan kung laging kapos ang sapat? Kailan pa maisasakatuparan ang tama kung hinahadlangan ang pagwawasto? Kailan ka pa mabibigyan ng malinaw na kasagutan kung binubulag ng panghuhula?

Nahuli ang mga dumating. Mawawalan ang mga paparating. Nakatakip pa rin ang orasan sa MRT. Naghihintay ng walang katiyakan. Tinatanaw na lamang mula sa malayo ang pag-asa.





Desyembre 1, 2013
Beki house