-Teri Malicot
Nakataob pa rin ang tasa,
kasama ang ibang kasangkapan,
walang imik na tinatanggap ang kapalaran;
silang mga imahe ng pinagsasamantalahan
na papansinin lamang kung kailangan.
Dumaan ang patumpik na mga sandali,
nalihis, ikinahon ang turing
sa dalawang sulok ng pakinabang;
ang mga matang nakatuon sa liwanag,
bulag sa bagabag, natatabingan ng anino
ang mukha ng kahirapan.
Pansinin dili ang kanilang silbi
sa panahong may nalagas
sa kanilang sarili.
Nakasalansan ang pinggan,
palito ng posporo ang laki ng puwang,
sa hugis nila mapagtatanto ang hangganan,
ang pagbibigay halaga na nagtatapos kapag sila
ay isinalansan na sa paminggalan.
Silang katulad sa nagbungkal na hanggang sa huli ay
pinagkakaitan ng lupang sakahan.
Nababanggaan sa liit ng espasyo,
ang pagtatama ng katawan ay
lumilikha ng musikang bumabanghay
sa kanilang kahinaan.
Paulit-ulit itong tutugtog,
iihip sa tenga ng uhaw sa yaman,
aping bilanggo ng karahasan.
-----
Ang dumi sa ilalim,
naiwanan bakas,
o kapilas,
parang nasirang kabahayan ng maralitang
pinagkaitan, ang hangad
na mauuwi lamang sa basurahan.
palitan man ng luma ang bago,
ang timbangan ng kabutihan at kasamaan
mapanganib kung
hawak ng isang porsyento.
Daan-taon umayon,
sipag at tyaga ang sangkap,
disilusyon sa pag-unlad.
Ayusin, nilisin, takpan,
babalik at babalik sa pinagmulan,
dahil nakalapad na tatsulok ang lipunan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento