Politika. Pag-ibig. Kasarian. Buhay. Kultura. Sining at Panitikan. Mga nagtatagong likha sa gabi.
Lunes, Enero 20, 2014
Kusina
-Teri Malicot
Nakataob pa rin ang tasa,
kasama ang ibang kasangkapan,
walang imik na tinatanggap ang kapalaran;
silang mga imahe ng pinagsasamantalahan
na papansinin lamang kung kailangan.
Dumaan ang patumpik na mga sandali,
nalihis, ikinahon ang turing
sa dalawang sulok ng pakinabang;
ang mga matang nakatuon sa liwanag,
bulag sa bagabag, natatabingan ng anino
ang mukha ng kahirapan.
Pansinin dili ang kanilang silbi
sa panahong may nalagas
sa kanilang sarili.
Nakasalansan ang pinggan,
palito ng posporo ang laki ng puwang,
sa hugis nila mapagtatanto ang hangganan,
ang pagbibigay halaga na nagtatapos kapag sila
ay isinalansan na sa paminggalan.
Silang katulad sa nagbungkal na hanggang sa huli ay
pinagkakaitan ng lupang sakahan.
Nababanggaan sa liit ng espasyo,
ang pagtatama ng katawan ay
lumilikha ng musikang bumabanghay
sa kanilang kahinaan.
Paulit-ulit itong tutugtog,
iihip sa tenga ng uhaw sa yaman,
aping bilanggo ng karahasan.
-----
Ang dumi sa ilalim,
naiwanan bakas,
o kapilas,
parang nasirang kabahayan ng maralitang
pinagkaitan, ang hangad
na mauuwi lamang sa basurahan.
palitan man ng luma ang bago,
ang timbangan ng kabutihan at kasamaan
mapanganib kung
hawak ng isang porsyento.
Daan-taon umayon,
sipag at tyaga ang sangkap,
disilusyon sa pag-unlad.
Ayusin, nilisin, takpan,
babalik at babalik sa pinagmulan,
dahil nakalapad na tatsulok ang lipunan.
Martes, Enero 14, 2014
Araw-araw nakatakip ang orasan sa MRT
- Teri Malicot
Natagpuan ko ang sarili na muling humahakbang ang mga paa. Sumasabay sa tutunguhin ng panawagan at pagtugon na mamuhay. Parang hindi ko mahugot ang pag-asa sa kinakalawang ng riles.Tila hindi ko matatagpuan ang pangarap sa makulay na stored value ticket. Pagkainip ang hatid sa akin ng ilang minutong pag-aantay sa pagdating ng tren na kalaunan ay magdudulot ng pangamba. Pangamba na kailan ko pa matitikman ang tunay na kabuluhan sa nakagisnan ng pagsusulsi ng naghihiwalay na hibla ng pamantayan. Lagi at lagi akong napapaisip ng angkop na hugis na maaaring mailalapat upang maging katanggap-tanggap. Ilang tao pa kaya ang bibilangin upang sumapat ang kagustuhan at tuluyan nang umusad. Kahit sa umpisa pa lamang ay alam na ang tatahaking hirap, patuloy pa rin sa pagtangkilik dahil nauuwi rin naman ang pagpili sa pagtitiis.
Dito, nagmumukha mang mabagal ang oras, nagmamadali ang lahat batay sa pangangailangan. Tulad ng mga paa ko na kusang umuusad sa nagdudumilat na tingkad ng yellow lane. Alam kong kapangahasan ang lumampas sa itinakda, ngunit masasabi kong kapag oras ng kagipitan, nagkakaisa ang mga pakiramdam nasa pareho at iba mang terminal.
Natututo na manglamang ang ilan dala ng kagipitan. Makatotohanang nakapagpapasya ang sino man na kumapit sa patalim kung ganap ang kakulangan at kagipitan. Walang natatakot, lahat sumusubok sumiksik sa loob, bahala nang may maapakan, bahala nang may maiwanan. Isasalba ang sarili sa kadahilanan na may umaasa. Tampok ang espasyong naiiwanan ng libong umuukupa sa trahedya ng kawalang-bahala. Madalang ang naaatim na lumingon at magpasalamat. Kaluwagan nga ang hatid ng pagbubukas ng pintuan, ngunit pansamantala lamang ito at maituturing na huwad na kalayaan na siyang magbibigay daan sa mas lalong kaapihan. Ang bawat kilos at pananalita ay maihahalintulad sa pintuan na ang katangian lamang ay magkubli at magparaya.
Katuwang ang hagdanan upang itong naghahanap ay kadyat na makaabot sa kani-kanilang tipanan. Ang hagdanan naman ay likha lamang at iba-iba rin ang katangian. Magkaiba ang iksi at haba, tibay at hina. Iba ang mukha ng hakbang ng mga paang tumatahak sa konkretong hagdanan, nadadagdagan ang kalbaryo sa pagbaba palabas ng istasyon. Sasabak sila sa walang katapusang labanan. Kaya, kakaunti na lamang ang kanilang panahong pagtuunan ng pansin ang mga nagaganap sa kanilang paligid. Makikisimpatya lang ang magbibigay kung may sobrang mahuhugot sa bulsa. Pantawid-gutom ng napabayaan. Ang barya mula sa benta ng yosi at kendi ay mahahati pa sa maraming gastusin. Nakakasikip sa paningin ang mga eksenang tumutunghay sa bawat kwentong may sugat na pinagsusumikapang gamutin. Nakakapigil-hiningang makita na ang mga pasahero ay tumitigil lamang upang makipagpalitan ng pangangailangan. Kay dalang o mas sapat na sabihin na hindi kailangang bilangin pa sa daliri para lamang masabi na sa kabila ng paghahari ng kawalang katarungan ay mayroon nagmamalasakit.
Sino pa ang may lakas ng loob na sambitin ang panawagan ng inaaapi at pinababayaan? Kung ultimong ang iilang kakapitan ay nag-aalilangang magbigay ng malinaw na kasagutan. Itong bang hawakan na nakasabit at kinakapitan ng mga kamay na dumaan na sa sunod-sunod na pagsubok at marupok sa tukso ng luho? Paanong masasabi na sila ay nilikha upang gabayan at tulungan ang mga napapagod nang mga kamay?
Hanggang sa masanay at makagawian ang pagkakanya-kanya. Sa napakaliit na puwang ay pilit na pinagkakasya ang sarili kahit maging alanganin ang pagkakatayo at sumikip ang paghinga. Iindahin ang hirap dahil takot na maiwanan ng panahon. Ang pansamantalang libangan ay ang tumanaw sa labas. Ito ang libangan na mapaglinlang sa sino mang mapapatingin. Paniniwalain kang pangangailangan ang mga magagarang sapatos at damit ng mga higanteng bulletin na nakahilera sa EDSA. Paniniwalain kang kulang ka sa araw na ito at magpakailanman ay hindi sapat ang iyong sarili. At bago ka pa makarating sa pupuntahan, pudpud na ang dangal at ipagkakamali mo, na ang benepisyong makukuha sa masikhay na paninilbihan para sa iilan ay muli lamang nagbabalik sa nawala.
Ganito ko nasasaksihan ang mga kaganapan sa MRT. Tulad ko at tulad din ng iba, na natatangay ng agos. May naiiwanan at napagsasamantalahan. Lahat ay kandidatong maging biktima ayon sa kanilang kahinaan. At kahit pa ang nasa lugar ay posibleng mayuyungyungan ng anino ng kasamaan, nasasalamin ng mga mata ko ang bawat detalyeng nakapaloob sa istayon ng MRT.Lumilipas silang tila ilaw sa aking paningin at nagtatatak ng kasaysayan sa aking alaala. Isa ako sa mga dumadakila sa kabila ng pagpasan ng bigat nito sa akin. Isa ako sa mga bawat araw na matapos duraan sa mukha ay nahihilang bumalik. Isa ako, sa mga walang magawa.
Kailan pa darating ang kahustuhan kung laging kapos ang sapat? Kailan pa maisasakatuparan ang tama kung hinahadlangan ang pagwawasto? Kailan ka pa mabibigyan ng malinaw na kasagutan kung binubulag ng panghuhula?
Nahuli ang mga dumating. Mawawalan ang mga paparating. Nakatakip pa rin ang orasan sa MRT. Naghihintay ng walang katiyakan. Tinatanaw na lamang mula sa malayo ang pag-asa.
Desyembre 1, 2013
Beki house
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)