3:30 p.m
Ganitong oras ako umuuwi tuwing araw ng sabado sa bahay namin sa Bagtason. Madalas naaabutan kong walang tao ang bahay. Tahimik. Iniiwan nilang nakaawang ng kaunti ang pintong yari sa kawayan.
“Walang tao. Nasaan na naman kaya sila.” Pagtataka ko.
Lahat ng mga dalahin ko ay inilapag ko sa upuan. Nagpalit na rin ako ng damit pambahay. Pumunta ako ng kusina upang maghalungkat ng makakain. Dahil nasa probinsya, karaniwang hindi mawawalan ng prutas at lamayo (tuyo). Ayos na ang inihaw na tuyo. Ilalagay ang tuyo sa baga at may ulam na.
Matapos kong ihawin ang tuyo pinainit ko na rin ang kanin habang nagbabalat ng papaya na nagmula pa sa bukid ni lolo biyok.
At hindi dapat mawawala ang kape.
Kaya lang walang mainit na tubig sa thermos.
Pumunta ako ng kusina upang kumuha ng tubig sa banga. Walang laman. Luminga ako sa mga balde at dram. Lahat walang laman. Nahagip din ng pansin ko ang mga naka-imbak na pinagkainan na hindi pa nahugasan. Ang mga agiw sa bintana, sa dingding, at sa may dapog. At mula sa akin kinatatayuan sumilip ako sa may bintanang malapit sa kwarto, hindi rin nailigpit ang higaan.
Uminit ang ulo ko sa nakita. Pagkatapos kumain uumpisahan na ang giyera.
Kumakain ako mag-isa nang bigla kong naramdaman ang paggapang ng kalungkutan. Nakakabingi ang katahimikan.
“Nasaan na kaya ang mga tao dito? Ang tagal naman nila”.
Maya’t –maya pa’y may narinig ako na tinig.
Hahaha. Ano ka ba chinchin! Si Nene,ang kapatid ko.
Ne…Ne.. halika nga muna rito.
Bigla na lang nawala ang tawanan.
Tumayo ako sa kinauupuan ko. Lumapit ako banda kung saan nagmula ang boses.
Malapit sa bintana, nakikinig akong mabuti.
Ne…
paulit ko.
Hala Ne andyan na yata ate mo.
Oo nga.oo nga. Hindi na tayo makakapaglaro.
Pssst... Hwag kayong maingay.
Ne? Nene? Walang sumasagot.
Nene-oh? Nandyan ka ba?
Parang may dumaan na anghel. ‘Ni kaliskis ng katawan nila’y hindi ko naririnig.
Pinagtataguan na naman yata ako.
Mas lalong uminit ang ulo ko.
Neneeeee!!! Hwag ka na magtago dyan. Nariririnig kita! Umuwi ka na ng bahay!
Halos mabaklas ang mga ugat ko sa lalamunan kakasigaw ngunit parang nakipag-usap lang ako sa hangin na kahit kailan man hindi rin ako mapapansin.
Nang wala talagang sumagot ibinaling ko nalang ang sarili sa pagkain.
Maya’t –maya pa'y may naririnig akong umaawit.
Ang pasko ay sasapit, tayo ang mapagsiawit ng magagandang bibig, sa dyos tayo ay umibig...
Si Nene , ang bunso namin kumakanta habang pinapalakpak ang mga kamay. Sa may bintana sa kusina, nakita ko siyang dumaan. Narinig ko ang yabag niyang pumapasok na sa bahay.
Asan si Inay?
Ewan ko po.
Si ate kim mo, umuwi na?
Ewaaaan koooo…
Kumain ka na?
Opoooo…
Wala nang mga tubig sa kusina at kasilyas, mag-igib ka na.
Naglalaro siya ng mga munggo ni Inay, pinalipat-lipat niya ito sa kanyang kamay, hindi na niya pinapansin ang pinag-uutos ko.
Ne, narinig mo sinabi ko?
Opo, ate mamaya na.
Natapos na kong kumain, naisalansan ko na ang lahat ng pinagkainan. Dahil walang tubig dadalhin pa ito sa pozohan. Sampung metro ang layo. Sasapit na ang dapithapon. Malapit nang dumating sila Inay at Itay.
Ne, sige mag-igib ka na. Darating na sila Itay. Pagmamakaawa ko.
Nawiwili na siyang maglaro ng sungka. Napapansin kong hindi niya naririnig ang sinabi ko.
Neneee..
Opo!
Sige na.
Sandali lang po.
Nene, sige na mag-gagabi na.
Sandali lang ateee.
Nakahugas na ko ng pinggan. Nailigpit ko na ang higaan. Magsasaing na ko para sa gabihan ngunit pagtingin ko ang mga balde wala pa rin laman. Na'ndon pa rin siya nag-lalaro ng sungka.
Uminit na naman ang ulo ko.
Nene!!! Sinabihan na kitang mag-igib ka na ah. Mag-gagabi na wala pa rin tayong tubig. Wala tayong iinumin. Ano’t mamaya ka pa kikilos?
Tila siya man ay narindi sa narinig.
Naglalaro pa nga ko eh! Pagmamaktol niya.
Susundin ko naman ang utos mo, hindi ka makapag-hintay. Ngayon nga lang ako maglalaro eh! Dahil marami akong asaymen kanina. Gumawa pa ko mg project sa science namin.
Hindi na ko kumibo. Sa ganitong pagkakataon mahirap nang makipagtalo sa bunso namin. Mababara ka kaagad. Titikom ang bibig mo. Kapag hindi ka makapagtimpi aabot sa sukdulan ang galit mo. Matatagpuan mo na lang may hawak-hawak kang pamalo.
Ngunit ayaw ko siyang saktan. Umabot din sa ilan buwan hindi kami nagkita, nakapag-kwentuhan o nagkatawanan. Dahil palagi akong abala sa eskwelahan. Dahil nga sa napili akong maging punong-patnugot ng pahayagan naming sa kolehiyo ng komersiyo. Ibinuhos ko ang oras sa palilinang ng kakayahan sa pagsusulat. Namumuno sa aktibides sa loob ng paaralan. Nagtuturo mg sayaw sa teatro at marami pang iba.
Nananahimik ako dito sa bahay, dumating-dating ka pa!
Sige ang daldal ni bunso habang nagdadabog, habang nakabusangot ang mukha, habang pinupokpok ang pangsalok sa madadaanan na puno.
Marami pa kong gagawin! Mag-aaral pa ko! May proyekto pa kami sa aralin panlipunan. Magdo-drawing pa ko.
Papalayo na ng papalayo ang kanyang boses. Gayon din mula sa kusina, nadidinig ko ang mabibigat niyang yapak. Mula sa kusina, naulingan ko ang ungol ng pozonegro. Parang namamaos ang tinig nito dahil sa parang nasasaig na ang imbak na tubig sa kailaliman nito sa ubod ng lakas ng pagbabayo ni bunso. Ganito talaga siya, kapag ayaw niyang sumunod, hindi man sumagot ng pabalang, sa mga hinahawakan niyang gamit ibinabaling ang hindi pagsang-ayon. Kung may buhay nga lang ang pozonegro malamang ito’y mananalangin na sana’y dumating na ang El NiƱo upang tumigang ang lupa. Sa gayon, hindi na ito mapipilitan na makapagbuhos ng maraming tubig sa pagmamadali ni bunso na mapuno ang balde.
Kung ano ang puno ng dram ay siya rin ang kapos ng hininga niya. Nakaupo na siya sa upuan sa may balkon. Nakakunot ang noo. Hinahabol ang hininga. Tumabi ako sa kanya. Umusog siya. Umurong ako. Umusog uli. Nang wala na siyang mauusugan, lumipat siya ng kabilang upuan.
Napagod ka ba bunso?
Sa tingin mo?
Hinihingal pa rin ang kanyang tinig.
Pumasok ako ng bahay. Kinuha ko sa bag ang pasalubong. Sampung pirasong chocknut. Mayrefrigerator kami pero ayaw ni Inay gamitin dahil magastos daw sa kuryente.
Oh, ito nene- oh.
Inabot ko sa kanya ang tsokolate ngunit hindi niya pinansin.
Ayaw mo sige kakaninin ko ito.
Edi kainin mo! saksak mo sa baga mo...
Akala ko masisisindak ko siya. Napakamot na lang ako ng ulo. Hindi pala basta-basta mauuto ang bunso namin.
Aww! Aww! Aww!
Si paopao, ang alagang aso ni Inay.
Oh anong oras ka na dumating? Bungad ni Inay
Alas-tres y medja.
Oh bakit nakabusangot ang mukha ni bunso?
Ewan ko sa inyo. Yan kasi si ate.
Ano na naman ang ginawa mo kay bunsokoy ate?
Inutusan ko mag-igib Nay.
Ikaw naman. Ikaw ang matanda dapat ikaw na ang nagkusang mag-igib dahil mas malaki ang katawan mo, gatingting lang ang kay nene-oh!
Inay, pagod ako. Mapapasma ako. Nagbiyahe pa ko mula pa Iloilo. Kaya lalong hindi sumusunod iyan dahil kinukunsinti ninyo ang katamaran.
Tumahimik na si Inay at hindi na nakipagtalo pa. Parang balewala rin ang hinanain ko. Dahil kahit pagod na si Inay, inaasikaso pa rin ang nagtatampong bunso ng pamilya.
Aguy! Kakawa naman ang bunso namin.
Si itay pala ay mataimtim na nakikinig. Kinalong niya si Nene at pinaupo sa hita niya. Habang hinihimas ang maliliit nitong braso. Si Itay na kanina lang ay naghahasa ng itak. Si itay ay mataimtim pa lang nakikinig sa amin pagtatalo.
At sa pagkakataon na ito nadama kong ako ang may sala.
Natapos ang amin gabihan. Inilipit ko ang mga pinggan. Inaayos naman ni Kim ang higaan. Si Nene, naglalaro ng sungka. Si Nene maya- maya pa'y natutulog na.
Naiwan ang tsokolate sa upuan. Kinuha ko ito’t inilagay sa loob ref.
Si Nene madalas tumabi kay Inay. Kapag wala sila Inay sa kwarto ni ate kim niya natutulog. O kaya kapag ako’y umuwi, sa'kin siya tumatabi. Kahit umuwi sila Itay at Inay mula sa bukid, mas nanaisin niyang tumabi sa'kin. Nais niyang marinig ang akin kwento tungkol sa sentermo, ang lahat ng kababalaghan at katatakutan. Sa malamig na gabi nais niyang tumabi sa'kin. Ngunit sa pagkakataon na ito, siya ay nagdaramdam. Gusto kong pawiin ang kanyang pagtatampo, kung kaya't ngayon gabi ako na tatabi sa kanya.
Lumipas ang buong araw ng linggo. Walang salitang namagitan sa amin dalawa. Pagkaalis nila Itay at Inay, umalis na din si nene papuntang Iraya, sa silid-aklatan ng kanilang munting paaralan, magbabasa ng bookworm.
Ang chocknut na'ndon sa ref.
Umuwi siya bandang hapon na. Muntik pa kaming magkabanggaan sa may hagdanan sa balkon. Nagkagulatan pa kaming dalawa. Walang batian na namagitan sa'min. Lumipas ang maraming oras ng gabi, nan'don siya sa sulok nagbabasa. Itinago ko na ang natirang ulam sa ref at nakita ko ang chocknut na'ndon pa rin.
4:00 am ng lunes.
Maaga kong gumising upang maghanda para sa pagpasok ng dalawa. Babalik na rin ako ng Iloilo. Hindi na rin nakauwi sila Itay at Inay galing bukid. Inihanda ko na ang kanilang uniporme.Pinagsaing ko na sila. Nagpainit na rin ako ng maiinit na tubig pampaligo nila. Dito sa Bagtason t'wing umaga, parang umuulan ng nyebe sa sobrang lamig.
Isa-isa ko na silang ginising. Tinulungan kong mag –ayos ng kanilang gamit bago pumasok sa paaralan. Si nicole humirit pa ng limang piso. Inayusan ko na si bunso. Binigyan ko ng limang piso. Hindi siya nakipagtitigan sa'kin.
Bago sila umalis, nakipaglaro pa ko kay nicole. Si bunso alam niyang ganun din ang gusto kong gawin sa kanya kung kaya't nauna na siyang lumabas.
Nag-aantay na ng dyip si nicole. Nag-umpisa na rin ako mag-impake ng gamit ko. Dalawang buwan akong hindi makakauwi. Hindi lang dahil sa maraming gawain kundi nagititipid sa pamasahe. Naisip kong baunin na lang ang natirang ulam para may makain sa biyahe. Pagkabukas kong ng ref, na'ndon parin pala ang chocknut. Akala ko binaon na niya.
Marami-rami na rin ang dyip ang dumaan. May humaharurot. May humihinto para magpasakay.
May narinig akong pumasok ng bahay. Ah, siguro si paopao lang iyon.
Paopao labas! Pagtaboy ko sa aso namin. Narinig kong lumabas ito.
May humintong dyip.
Matapos kong maayos ang mga dalahin.Inayos ko ang kalat ng dalawa. Muli, sinilayan ko ang buong bahay, si Nene, naalala ko, malalim ang hinugutan ng aking hininga. Magkakalayo kami nang hindi nagkakaayos. Naalala ko ang chocknut.
Siguro babaunin ko na lang ang chocknut hindi naman ito pinansin ni bunso.
At sa pagbukas ko ng ref, nanginang ang aking mga mata, ngiti ko’y umabot hanggang
tenga.
tenga.
Wala na ang chocknut sa ref.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento