Umunat muli siya sa higaan, idinantay ang kanyang mga paa sa malambot na unan. Humiga siya sa posisyon na nakapako sa krus. Kinasisiyahan niya ang malawak na kama. Higit niyang kinahuhumalingan ang paglapad ng kayang katawan sa higaan na para siyang nasa paraiso. Naghahanap ng kalinga ang mabibigat na talukap ng kanyang mga mata.
- Tutulugan mo lang pala ako.
Bumalik siya sa pagkakaupo at tumabi sa kanya. Hinalikan niya ito sa balikat upang pawiin ang kanyang pagtatampo.
- Matutulog muna ako, mamaya.... jack en poy tayo. Sabay kindat niya sa kanya.
Humiga siya nang paharap sa kanya. Nakadantay ang kanyang kanan braso sa mga binti nito. Kahit anong pilit niya hatakin ang diwa, kusa itong nagtatago sa kuweba ng malalim na dimensyon.
-Baka nao-overdose ka na yan.
Ang huli niyang narinig dito, yun lang at at unti-unti nang hinahatak ang diwa niya pailalim sa malawak na kawalan.
-Mahal lalabas ako saglit. Ihahatid ko kay Enteng 'tong wallet niya. Hawak niya ang cellphone, akma siyang tumayo upang lumipat ng upo malapit sa drawer.
-Bakit mo ihahatid? Ipit ang kanyang mga kataga nang tulad sa bini-back mask na tape.
Nagmulat siya ng mga mata, ipinukol ang tingin sa kinaroroonan nito.
-Naiwan niya bago siya umalis.
Ngumitngit sa inis ang kanyang mga ngipin. Senyales na tumututol siya sa nais nitong gawin.
- Madaling araw lalabas ka? Alanganin sa oras, baka kung mapaano ka pa.
-Sandali lang ako mahal, hindi ako magtatagal.
Isang malalim na bugtong-hininga ang isinagot niya dito. Mabigat ang kanyang talukap, pinipigilan nito ang mga paparating na gagambala sa kanyang antok. Ayaw na niyang humaba pa ang prusisyon sa pakikipagpilitan kung sino sa kanilang dalawa ang unang susuko dahil hindi niya kanyang tanggihan ang luho ng kanyang mga mata. Makikipagtigasan siya ng kaunti baka magbago ang isip nito.
Tumayo siya mula sa kinahihigaan. Tila namamanhid ang kalamnan niya sa pisngi, hindi niya maisabulas ang kanyang saloobin kung kaya't dinaan niya ito sa pagmamaktol.
- Gabi na masyado ah. Wala pang ilaw d'yan sa daraanan mo. Alam mong mainit ka sa mga mamang salbahe nanghuhuli ng tutubi.
Sa wakas naisatinig niya ang nais sabihin. Buo at puno ng pag-aalala ang kanyang tinig, pili at maingat siya sa mga binibitiwan salita. Nag-aalala siya na baka mag-iwan ito ng bakas ng pangamba sa kanyang puso at mabuo ang mga katanungan manganganak pa ng maraming katanungan hanggang mauwi ito na nasugpon na ng lohika ang dapat bubuhay sa kanyang emosyon. Magkasalubong ang kilay nito ng tumingin sa kanya.
Hinagkan niya ito sa noo tanda na sinisiguro niya na walang mangyayaring masama sa sarili.
- Nagagalit ka na. Pabilog ang buka ng kanyang bibig nang binigkas niya ito. Sa tono ng isang batang umaamin ng pagkakamali na may halong pagmamakaawa.
- Baka nag-aantay na don si Enteng, mahal.
Lumambot ang kanyang puso ng malambing na pakiusap nito.
- Sige alis ka na. Mag-iingat ka at dalian mo.
Diniin niya ang salitang 'mag-ingat'. Ewan, hindi niya maintindihan ang ingay ng gabi. Nagsasamo ang bilis ng tibok ng puso na nagdudulot ng kaba sa twing naririnig ang pagra-rap ng mga butiki, sa pag-aalala na dumadaloy sa isipan na sumusulpot sa falsettong tahol ng mga punkistang aso. Ang hangin, hindi maintindihan kung saan gagawi. Kung sisipol ng init sa hilaga o kung magbubugtong-hininga ng hamog sa kanluran. Ang saboy ng liwanag mula sa mga poste at bombilya sa labas ng kabayahan, malabnaw ito na pinaghalong liwanag na parang dugo sanhi ng pagtarak ng korona ng liwanag na mala-araw ang kulay. Iba-iba ang hinain ng bawat elemento. Hindi maintindihan ngunit organisado ang mga elementong ito na sumasaklaw sa buong gabi. Hindi maintindihan ang ipaparamdam, ngunit sentralisado ang bawat gawain at hakbangin ng mga ito na namumugad sa bawat sulok ng kanyang pagkatao.
Nangangamoy kandila.
Niyakap niya ito sabay piningot sa ilong.
- Tulog ka muna. Malapit lang ang kanto, yung pinaghatiran natin kay Enteng kanina.
Hindi niya inintindi pa ang sinasabi nito. Umunat na muli siya sa higaan, idinantay ang kanyang mga paa sa malambot na unan. Humiga siya sa posisyon na nakapako sa krus. Kinasisiyahan niya ang malawak na kama. Nahuhumaling ang kanyang katawan sa pagkakalapad sa higaan para siyang nasa paraiso. Naghahanap ng kalinga ang mabibigat na talukap ng kanyang mga mata.
Hindi na siya nagpasama sa minamahal dahil alam niyang takaw-antok ito.
Hindi na rin siya sumama dahil buo ang tiwala niyang makakauwi ito ng maayos.
Sa kanto nga lang naman iyon...
Dumampi ang malamig na hangin sa kanyang katawan. Mapamulat siya ng kaunti sa ginaw na hatid ng mahamog na gabi. Sa kanyang pagmulat, nakita niyang nakaawang ng kaunti ang pintuan, kumakaway ang kurtina nang hanginan ito. Natanaw niya ang malabnaw na liwanag na tumatama sa labas ng bahay, parang may pigura ng tao ang nakita niyang anino.
Pinilit niyang inimulat ang mga mata ngunit tila nakatali ng garter ang dulo ng kayang talukap sa pang-ibabang dulo nito na kahit anong pilit niyang ibukas ay sumasarado rin ito pagkatapos.
Naiinip na siya...
Pumasok ka na Liezel, maglalaro na tayo ng jack en poy... Sabi ng kanyang utak.
Tumupi ang kanyang mga mata na sumasamba sa makahiya.
- Mary, gising na.
Mariin na halik sa batok ang nagpagising sa kanya. Hinarap niya kaagad ang pinagmulan nito.
-Bakit ang tagal mo? Bigkas niya habang humihikab.
Hindi na ito sumagot. Siniil siya kaagad ng halik nito. Mainit, marubdob, matakaw. Hinubaran siya nito sa unang pagkakataon. Nagpaubaya naman siya ng tulad sa isang alipin.
Kanina ka pa nakahubad? Siya ay nakayap dito habang binibilog ng hinlalaki niya ang nipol nito na parang clay. Malungkot na mukha lang ang sumagot sa kanyang tanong.
Nagpaubaya sila sa bawat utos ng kanilang mga katawan. Sumasayaw sila sa tugtugin ng malalim na gabi.
Kumukulo ang tubig. Umapaw ang kulo nito sa mga sanga
ng kanyang mga ugat papunta sa kanyang pusod
upang sa huli ay magbunsod ng alarma sa kada
sulok ng kanyang tigang na laman.
konti na lang...
Umungol siya sa tindi ng init na nagpapalabgab sa mga alaalang kulang ng konsepto, sa mga alaalang namaalam ang tingkad ng kulay.
Sabay-sabay na napuno ang kada sulok,
tumulo ang sobra,
nag-flush ang tubig sa inidoro.
Napaigtad siya nang magising. Agad niyang kinapa ang foam. Basa ito.
Bumalik siya sa pagkakahiga. Umunat na muli siya sa higaan, idinantay ang kanyang mga paa sa malambot na unan. Humiga siya sa posisyon na nakapako sa krus. Kinasisiyahan niya ang malawak na kama. Nahuhumaling ang kanyang katawan sa pagkakalapad sa higaan na para siyang nasa paraiso. Inaantok pa siya.
Lumingon siya sa kanan, wala sa tabi niya si Liezel. Nakita niyang nakaawang ng kaunti ang pintuan, kumakaway ang kurtina nang hanginan ito.
Umupo siya sa gilid ng higaan, kinuha niya ang cellphone sa gilid ng lamshade. Nagbasa siya ng mga text messages. Binuksan niya ang unregistered number:
Mary, si Enteng 2. Nand'yan pb si Liezel? kanina ko pa cya antay di2 sa kan2.
Binaba niya ang cellphone. Binuksan niya ang drawer na katabi ng kanyang kama kung saan nakatago ang sleeping spills na iniinom niya. Nakita niya ang wallet ni Enteng.
Tinignan niya ang oras sa digital alarm clock sa gilid ng lamshade.
November 28, 1:05 am.
Hinawakan niya ng mahigpit ang wallet. Nag-uunahan umagos ang luha sa kanyang mga mata.
Death anniversary ni Liezel.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento