Isang umagang nagpupugay,
ang babati sa iyong nakamit na tagumpay.
Ang mga pighati at alinlangan
delubyo ito sa lansangan.
Ang mga sinulid at makinilya dito sa Bagtason ang tahanan.
Ito'y hindi magbubukas sa mapanupil na kahadlangan.
Kagipitan nanahan sa mga pahanon ginugol,
ang kwento ng kanyang buhay ay itataguyod,
kahit ang bukid sa tan-ayan ay tuyot.
Ituring ginintuan ito pamana sa nagmamartsang bagong sibol.
Hunos-diling iniinda ang rayuma
hatid ng inaanay na hagdanan
patungo sa katandaan.
Ang pagpapawis sa hirap,
uma ang itsura ng makinilya sa harap
kalakip sa bawat indak,
na sumasaliw sa bawat hiyaw ng padyak,
na dumadaing sa bawat hila't pagpag,
iiyak ang hinagpis
sapagkat ang tanging hangad ay masilayan
ang ngiting magpapatingkad sa iba't ibang kulay
na mag-uugnay sa kanyang nakaraan at kasalukuyan
at magsusulsi sa kanyang kabubuan
pagkatao't angkin kakayahan,
na siyang susuyo
sa mabangis na sugo
upang isuko
ang pana
taglay ang dagta
na lalason sa iyong likha
at magpupunla
ng kawalan ng pag-asa.
Saan man bahagi,
dumampi ang hapdi
o malalang sakit na hahagpos
sa kanyang munting katawan,
habang ibinubulong ang epiko
tuwing kabilugan ng buwan
sa ugoy ng hinabul na duyan
siya ay mahihimbing....
mapapatahan...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento