-Teri Malicot
Tumihala siya. Tumulo ang
dugo sa kanyang noo. Masama ang tingin niya sa tiyahin.
Hindi niya sinasadya.
Napalakas lang ng palo. Kasalanan niya dahil pumapalag pa siya. Damang-dama
niya ang nagpupuyos na galit sa mga mata ng pamankin. Nahihintakutan na siya.
Dahan-dahan niya hinugot ang
tinagong tubo sa likuran ng inidoro. Matagal na siyang nagtitimpi. Nagsasawa na
ang katawan niyang tumanggap ng bugbog. Nag-iinit ang kamay niya sa tubo.
Hinigpitan niya ang hawak, isang malakas na hampas sa ulo ang pinakawalan niya.
Dumanak ang dugo sa sahig ng
kubeta.
*****
1975 - 1977
Takbo. Ang awtomatikong rumehistro
sa utak niya. Tinitiis niya ang tusok ng bato sa kanyang talampakan. Kabisado
niya ang kabundukan ng Valderrama. Mahihirapan silang hanapin siya. 'Ni hindi
na sumagi sa isip niyang lumingon at mapag-sino ang humahabol. Hanggat may
kumakaluskos, lalo siyang humahagibis ng takbo. Kasing bilis ng tibok ng puso
ang hingal niya.
"Putanginang siraulo,
nakawala!"
"Maghiwa-hiwalay
tayo."
"Mahawakan ko lang
siya, isa-isa kong puputulin ang daliri nya!
"Hayaan mo pare,
mabibigyan rin natin ng katarungan ang asawa mo."
Dinig niya ang anasan ng mga
humahabol sa kanya mula sa tinataguan niyang puno ng balete. Natiyak niyang
ilan dipa lang ang layo nila sa kanya. Nanigas siya na parang bato nang narinig
niyang palakas nang palakas ang boses nila. Pinigil ang paghinga. Ilan sandali
pa ang lumipas, papalayo nang papalayo ang kaluskos. Sumilip siya mula sa loob
na nakakurbang kweba na ugat ng balete. Naaninag niya ang ulo ng mga humahabol
sa kanya papunta sa kabilang direksyon. Nang wala na siyang maaninag, nagmadali
siyang tumakbo papunta sa inaagusan ng talon.
"Hindi n'yo ko
mahuhuli. Mga gunggong!" Ang nasabi niya sa sarili.
Buwan ang nilagi niya sa
kabundukan ng Valderrama. Nagpalipat-lipat para maiwasan ang nagbabanta sa
buhay. Dumayo siya sa pinakatuktok na malayong maabutan ng pagto-troso. May
ilan na rin ang magto-troso ang nakakakita sa kanya. Napadpad siya sa boundary
ng Valderrama at Iloilo. Isang baranggay ang umampon sa kanya.
Dito niya nakilala si
Hanzel, taga-patag, napabilang sa provincial school board, naatasan magturo sa
mga baranggay na nasa bundok.
*****
1977 - 1997
Binuhat niya ang bunsong
anak na si Epet na nahihimbing sa tulog at sabay inalog-alog.
Si Dyun.
Sinusuntok sa tyan para gisingin. Kahit sino sa mga pinsan ang sumusuntok. Siningitan ng biente ang salawal habang natutulog. Nagsumbong ang naglagay. Walang habas siyang pinagsasapok ng tiyahin.
"Magnanakaw! Palamunin ka na nga magnanakaw ka pa!"
"Yan!
Putangina n'yo! Mga Bwisit kayo sa buhay ko!" Padabog niyang binaba si
Epet. Lumagapok ang ulo nito sa sahig. Humagulgol ng iyak sa sakit natamo.
Kinuha niya ang lantip sa kusina. Isinilid sa beywang. Binuhat ang isang
galon ng tuba na may halong emperador at kumuha ng isang plastik ng mani. Agad
siyang lumabas ng bahay.
*Lantip -
kawangis ng kutsilyo o balisong.
Ikinarga ni
Helen si Epet na nahihirapan huminga sa kakaiyak. Pinatahan niya ang bunsong
kapatid. Madaling uminit ang ulo ng kanilang ama. Gigil na gigil itong
pagbuhatan sila ng kamay.
Maagang naningil ng upa sa
lupa ang mga Canja. Kilalang lahi sa Bugasong. Doktor, inhinyero, abogado ang
tinapos. Nagmamay-ari ng ektaryang lupa sa San Jose na kabisera ng Antique at
mga resort sa isla ng Caluya, Mararison at Nogas. Ang mga Escote na kamag-anak
rin nila ay nasa politika. Ito ang ikinaiinit ng ulo ng ama ni Helen. Hindi pa
nga natitimbang ang naaning mani, naniningil na kaagad.
"Mga mukhang pera!
Yumaman dahil sa kurapsyon!"
Sinapok si Helen ng kanyang
ama. Maluha-luha niyang tinitigan ng masama ang ama. Hindi naman siya ang may
kasalanan bakit siya ang pinag-iinitan. Pati tuloy si Epet na walang
kamalay-malay nadadamay.
Si Helen. Panganay sa anim na magkakapatid. Sumunod sila Noknok, 15,
Dadong, 12, Inday, 10, Bebedak, 8 at Epet, 5. Nasa four year highschool na siya
nang pahintuin ng ama sa pag-aaral. Nahihiya man siyang aminin na sa edad
niyang 19, hindi pa siya makatapos ng sekondarya. Sa maraming beses na huminto
siya sa pag-aaral, dumating na sa punto na malabo pa sa napulusyong-tubig ang
pag-asang makabalik pa siya sa pag-aaral lalo't siya na ang inaasahan ng
pamilya bilang panganay. Maagang namaalam ang ina niyang si Hanzel.
Walang
permanenteng hanap-buhay. Kung ano lang ang mapasukan pagkakakitaan. Noon
kapanahunan ni GMA, napabilang siya sa mga tagalinis ng kalsada. Nagtinda ng
tanim na sibuyas sa palengke. Nagbubunot ng mani sa taniman ng taga-Ilaya.
Arawan ang sahuran. Pumapatak na isangdaan, isang araw. Siya rin ang
nag-aasikaso ng mga kapatid, sa bahay, pagkain, dumidiskarte ng pambayad sa mga
gugugulin. Kailangan niyang maging mautak, kahit h'wag na sa sarili at sa ama
kundi para sa mga kapatid.
Inabutan n'ya
ang bahay na nangangulot ang noo ng mga tao. Nag-uupakan sila Epet at Bebedak
dahil sa Snaku. Pagal na ang katawan niya mula sa maghapon pagbabalat ng mani.
Nahihilo na siya sa gutom. Walang panghapunan. Naghuhuramentado ang ama niyang
walang naabutan na pagkain sa hapagkainan. Gulping bumugso ang nerbyos sa buo
niyang pagkatao. Sa pagitan ng pintig ng puso, tumusok ang pag-asa, si Auntie
Isay.
"Kumuha ka
na lang sa kusina ng makakain niyong magkapatid. Ikaw na ang bahala at may
gagawin pa ko." Agad tumalikod ang nababalisang si Auntie Isay. Binalikan
ang matamlay na alagang kambing sa balkonahe.
Nasa kusina ang
basket na bigay ni Auntie Isay. Ang laman ay dalawang tumpok ng saging, daing,
tuyo, munggo, kape, asukal na pula at bigas.
Lalabas na si
Helen sa balkonahe nang natigil siya sa sinabi ni Auntie Isay.
"Pinag-iinitan
ni Kapitan 'yang mga alagang n'yong baboy. Nakakaperwisyo na raw ang baho.
Ipapakatay daw niya para may handa sa piyestahan."
Hindi siya
nagpahirap magpalaki ng baboy. Gago ba siya? Kaya matamlay yang kambing mo,
Auntie kasi ginahasa ni Kapitan nun isang gabi sa may tamburong.
Muntik na masabi
ni Helen. Itinutulak siya ng inis. Pinukol na lang niya ang tingin sa nilalaman
ng basket, tsaka niya naisip ang nangangulot na noo ng mga kapatid. Umalis
siyang nag-aalinlangan.
Iniiwas ni Helen
tumingin sa mga papasalubong sa kanya. May pakpak ang balita, may tenga ang
lupa. Kapag nagawi siya kina Auntie Isay at may bitbit, hininging pagkain.
Nakadikit na sa mga ibinibitbit niya palabas sa bahay ni Auntie Isay ang inutil
na ama at ulirang anak.
Napapalunok na
lang siya habang naglalakad pauwi. Hanggat maaari umiiwas siyang lumapit kay
Auntie Isay dahil ang paghingi ng tulong ay tunay na nakakabilaok sa aba nilang
kalagayan.
Kagyat kumain ang
magkakapatid. Sino man ang mahuli ay mapagbubuntunan ng galit ng ama na
maghapong nasa inuman. Beterano na sa laklakan, kung bakit hindi pa matutunan
na idiretso sa t'yan ang iniinom, laging katwiran ang sobrang kalasingan ng
pag-uumpisa ng kaguluhan at pambubugbog. Naturang may bayag pero nagtatago ang
tapang sa espirito ng serbesya.
Pinaunang
pinatulog ni Helen ang mga kapatid. Magtulog-tulugan kahit hindi pa inaantok.
Paparating na ang ama niya sa loob ng 15 minuto. Babara-bara niyang hinugasan
ang ligpitin, nilubog sa tubig na may halong sabon sabay lagay sa planggana,
bukas na lang ulitin. Kakarampot ang oras na nalalabi, sasapit na ang ugaling
militar ng ama niya.
Dahan-dahan
bumubukas ang pintuang kawayan. Impit ang hininga ni Helen. Humihigpit ang
paglamukos niya sa unan. Anong napupusuan niyang gawin ngayong gabi? Pinanatili
siyang gising ng bagabag. Dumidiin ang yabag ng paa sa sahig na kawayan.
Papalakas ng papalakas ang mga yabag na patungo sa kanyang silid. Siguradong
papalapit na ang ama niya. Sinungkit-sungkit nito ang kandado ng pintuan ng
kanyang silid na binugkos na tali lang. Halatang naiinis na dahil pilit na
binabatak ang pintuan. Makailang saglit pa'y sinipa na ito ngunit hindi pa rin
nabuksan. Lalong kinabahan si Helen. Mahabang katahimikan at pakiramdaman ang
panandaliang naghari.
"Anak,
pakihanda muna ako ng kape." Marahan na kumakatok ang ama.
Nagdadalawang
isip si Helen kung sasagot siya o hindi. Mabigat ang loob niyang binuksan ang
pintuan. Sa kusina, ilang beses niyang pinaikot-ikot ang kutsarita sa tasa
matapos ay dinuraan. "H'wag kang gagawa ng masama." Bulong niya sa
tasa.
"Dito ka na
lang matulog sa labas para mabantayan mo ang kalabaw. Baka makawala."
Labag man sa kalooban, sinunod na lang ni Helen ang utos ng ama. Makakawala
lang naman ang kalabaw kung hindi naitali.
Mahaba-haba na
ang naitutulog ni Helen nang maramdaman niya ang paggapang ng malamig,
magaspang na kamay sa kanyang binti.
Si Dyun.
Nasa disi-otso na'y pinapaliguan pa rin ng
tiyahin. Lumalaking binibihisan ng
pambabae. Ang bawat pagtanggi ay may katumbas na kaparusahan; pukpok sa ari, sinisindak at pinapatulog sa kulungan ng baboy.
"Psssh,
h'wag kang mag-iiskandalo kundi ipapakain ko 'tong titi ko kay Bebedak."
Nanigas na
parang yelo si Helen. Sa kabila ng sinuungan na panganib, ang kaligtasan pa rin
ni Bebedak ang pinangababawan niya. Kaunting galaw lang niya ay nararamdaman
niya ang pangangalmot ng tanim ng lantip sa kanyang leeg. Kadugo ang
nakaatim gumawa ng ganitong kahalayan. Kasabay ng pagtulo ng kanyang luha ay
ang pagtulo ng laway ng ama na tumahak din sa pinag-agusan ng luha. Iisang daan
ngunit magkasalungat ang dalang hinain. Nakatulala lang si Helen sa Sto, Nino
De Bugasong. Hindi siya humingi ng saklolo, para san pa? Naging mabuti siyang
alagad, bakit hinayaan nitong mangyari ang ganitong pagsasamantala sa kanyang
pagkababae? Wala. Walanghiya. Walanghiyang D'yos. Manhid sila tulad sa kahoy at
marmol kung saan sila yari.
Huminto yumugyog
ang papag. Tunog ng sinasaradong zipper ang huling umihip sa pandinig ni Helen.
Ipinikit niya ang mga mata, at sa muli niyang pagmulat nakayap na sa kanya si
Bebedak.
*****
Si Dyun,
Nasa walong taon siya. Madaling araw noon
kasarapan ng tulog nang biglang
siyang binitbit ng tiyahin. Dumaan sila sa masisikip na iskinita. Halos hindi na siya makahinga sa
higpit ng
pagkakabusalsal sa bibig niya. Takbo
nang takbo. Hinahabol sila ng pulis.
Bumunggo ang ulo niya sa tagiliran ng pader ng bahay sa bilang liko , napahagulgol siya sa sakit. Magkakamag-anak na batok
ang pinatikim sa kanya ng tiyahin. Natunton
ng mga pulis ang ingay. Wala nang ibang madadaanan. Naipit na sila. Isang makipot at
mahabang daan na inaagusan ng kanal
ang sinuungan nilang magtiyahin. Pinagtiisan nila ang amoy ng kanal. Kasunod nila ang humahabol na mga pulis. Dead
end. Umakyat sila sa bahay para sa bubungan dumaan. Nakataas na ang mga baril. "H'wag magpaputok, may kasamang bata!"
Bumagsak si Dyun mula sa ikatlong
palapag.
Nag-iwan ng marka ang pagbagsak na iyon sa
kanyang pagkatao.
Gabi na nakauwi
si Helen. Naglabandera siya sa pamilya Escote. Mula sa tarangkahan ng hardinan,
nadinig niya ang kalampugan ng mga kaldero.
Nagdali-dali
siyang umakyat, sinusuntok ng ama nila si Dadong. Tinatadyakan palabas ng
bahay. Nagsusuka si Dadong. Namumutla. Dali sumaklolo si Helen. Buong lakas
niya itinulak ang ama papalayo.
"Ano ba
'tay! May sakit na si Dadong, bakit n'yo sinasaktan?"
"Wala nang
ginawa yan kapatid mo kundi umiyak ng umiyak, naririndi na tenga ko!"
Hindi na
nakipagtalo si Helen. Mataas ang lagnat ni Dadong. Mas kailangan niya bigyan ng
atensyon ang may sakit. Inalalayan niya ang kapatid at dumiretso sila sa bahay
ni Auntie Isay.
***
Dinala si Dadong
sa ospital ni Auntie Isay. Nagka-UTI. Sa ilan oras na nawala si Helen,
nahihiwagahan siya ng atmosperang inabutan
sa bahay. Si Inday na animo'y naliligaw ang diwa sa pagitan ng mga
talutot ng bulaklak. Kay layo ng tingin. Nagsasalin sa iling at tungo ang mga
sinasagot ni Inday sa mga tanong ni Helen. Sinubukan niyang hanapin ang mga
kapatid, sa pag-akyat niya sa bahay ay bumungad sa kanya ang lantip na
may bahid ng dugo. Kumalat ang dugo mula sa sala hanggang kusina. Inuna ni
Helen na hanapin si Bebedak. Natagpuan
niyang itong namamaluktot at nakangiwi ang mukha. Nakahawak siya sa sariling
ari.
Kagabi...
Ungol ng hayok sa laman ang nangingibabaw
sa kabahayan. Apat na katao ang
nagsasalin-salin sa dalawang katawan.
Pawis at lansa ng laway ang humahalo sa
maalinsangan gabi. May katumbas na sampal
ang bawat pagtanggi. Sabunot sa bawat gigil. Tangin iyak lang ang paraan ng paghihiganti. Walang magawa si Noknok dahil iginapos siya ng mga kumpare ng ama niya. Sa mismong harapan
niya nagaganap ang pagbababoy kina Bebedak at Inday. At ang mismong ama ang humahawak sa braso at binti ng mga anak.
"Demonyo ka 'tay! Demonyo ka!"
Namimilipit na sa hirap si Noknok.
Kinagat ni Epet ang sumasabunot kay Inday ngunit
sipa ang inabot niya. Iginapos siya sa dinggin sa
tabi ni Noknok.
Tila agunyas ang ingay ng mga kuliglig na
nakikiramay kasabay ang pagpag ng mga hinubad na damit. Kinaladkad si Noknok ng kanyang ama papunta sa ilalim ng kubo kung saan nakatago ang mga kagamitan sa
pangunguma. Pinaghahampas ang katawan niya ng makapal
na lubid. Nilubayan lang si Noknok ng ama nang
nanlalata na ang katawan niya. Naaninag ni Noknok
sa ama ang kalasingang nito kahit nasa parteng
madilim ito umiihi. Nakalas na n'ya ang
tali sa kamay,
dinampot niya ang lantip na naiwanan nito sa
kanyang tabi.
May pruweba na
siyang hawak na may nangyari kagabi nang wala siya para magbantay kay Dadong sa
hospital. Matinding hinagpis ang namuo sa mga mata ni Helen nang hindi na
masaklolohan ng pagtitimpi ay naging luhang balisawsaw sa paghahanap ng
katarungan. Hinimas-himas niya ang likod ni Bebedak upang mabawasan ang
dinaranas na hirap. Bumalik sa alaala ni Helen ang gabing inabuso siya ng
sariling ama.
Itim na may
bahid ng dugo ang paningin niya sa paligid.
Sa hangin niya
ibinulong na tutuparin niya ang nag-iisang pangarap na matagal nang inaasam
nilang magkakapatid.
Bumababa si
Helen sa ilalim ng kubo. Natagpuan niyang namimilipit sa sakit ang ama.
Nagkalat ang dugo sa paligid. Nagtamo ito ng maraming saksak sa iba't-ibang
parte ng katawan. Nakikiusap ang ama niya na dalhin siya pagamutan. Humingi ng
patawad. Ngunit bingi si Helen.
"Ngayon
natuto kang makiusap."
Tugma ang
panahon upang balikan ang nagdaan itinakwil sila ng kapalaran nang ito'y
nagbukang-liwaway subalit maaga pa ang takip-silim upang iwan silang hindi pa
bumabangon mula sa kinasaklakan.
Kinuha ni Helen
ang makapal na lubid na ipinapangtali sa kalabaw. Pinaikot ng isang beses sa
leeg ng kanyang ama. Binuhol n'ya ang isang dulo sa puno ng niyog at ang
kabilang dulo ay itinali sa kalabaw. Itinali niya pati ang kamay at paa.
Sinipat niyang maigi ang tali at niyugyog upang malaman na hindi luluwang ang
pagkakabuhol sa bawat dulo. Sampung beses niya pinalo ang kalabaw upang umusad.
Siniguro niyang hindi na humihinga ang ama pagbalik niya sa puwesto nito.
Dilat ang mata.
Agad na ibinalot ni Helen ang katawan ng ama. Tinabunan ng lupa ang dugong
nagkalat. Inalalayan niya si Noknok na humihikbi, magdamag ito na nagmumukmok
sa madilim na sulok. Umakyat sila at
tumuloy sa silid. Isa-isa niya inayusan at binihisan ang mga kapatid.
***
Si Dyun,
Makailan ulit siyang tumangkang tumakas sa bahay ng kanyang tiyahin. Ngunit nahuhuli rin siya matapos. Ginagapos siya sa hagdanan. Nananatili siyang nakatayo
hanggat di pa nagsasawa ang tiyahin niya
sa pagsusugal. Pinapatay ang
sigarilyo sa hubad niyang katawan. May
kakambal na sapok ang bawat mura kapag
natatalo. Wala na siyang natirang respeto sa
sarili dahil ang mismong tinuturing niyang pamilya
ay di siya pinahalagahan. Wala na siyang nakukuhang
kunsuelo maliban sa natatanggap niyang pananadista ng pamilya ng kanyang tiyahin. Ultimo sa panaginip ay hinahabol siya ng
mga kamaong sabik sa pananakit. Pinagsilbihan niya ang bawat taong nakatira
at nakisilong sa kanilang tahanan sa pangangailangan
nila mula ulo hanggang paa sa inaakalang may kaunting maibabalik sa kanya. Ngunit, ang mismong pamilya
ay maraming dinadalang personal na
problema na sa loob ng mahabang panahon
ay lalong lumalala. Mga alitan na hindi nareresolba,
problema ng naghihikahos at ang pagkawala
sa katinuan.
Pinatay ng ina ni Dyun ang asawa. Pinahiran ng likidong lason ang bibig nito habang
natutulog. Hinalikan at ininom ang natirang likido. Walang nakaalam sa nangyari dahil sa takot na mabulgar ang baho ng pamilya, agad na
dinispatsya ang mga labi. Ang tiyahin na kapatid
ng kanyang ina ang kumupkop kay Dyun.
Ang bahay na kanyang kinalakihan ang tanging saksi sa bawat araw na iniinda niya ang kumikirot na pasa at ang kwento sa likuran ng sugat.
Si Dyun sa kanyang pinagdaanan na sa murang edad ay hindi nakayanan
ang bigat, animo'y repleksyon sa salamin
na bumalik sa kanya ang mga naganap.
Si Dyun na ama ni Helen.
***
Madaling araw, nakapalibot
ang magkakapatid sa pinaglibingan ni Dyun. Hindi na kailangan na marinig ang
tinig kusang nangungusap ang katahimikan namumugad sa bawat isa sa kanila.
Nauupos na ang kandila.
Lahat ay nakatulala. Walang bakas ng luha. Tahimik. Sa unang pagtilaok ng
manok, isa-isa silang naghugas ng kamay sa kalapit na batis.
Huling silip ng
pamamaalam mula sa mga matang nabahiran ng biglang pangungulila. Tumapak ang
bigat ng hakbang sa lupa, tutungo sila sa landas na nangangako ng pagbangon.
Hahayaan na pawiin ng hangin ang bakas ng taksil na kahapon. Maghihilom at
maghihilom din ang sariwang sugat. Mag-uumpisa sila mula sa wala. Mag-uumpisa
kahit mangapa.
***
Hindi pa
sumisikat ang araw. Ikinando ni Helen ang pintuan ng bahay. Pinagmasdan niya ang bawat kanto, ang haba at ang lapad
nito. Maliit man ituring ay naging matibay itong kanlungan ng maraming
karanasan na nagpainog sa bawat kabanatang bumuo ng kanilang kaisipan at
kaugalian.
Saglit siyang
natigilan, dumampi ang malamig na hangin sa kanyang batok. Tumayo ang balahibo
niya sa buong katawan. Nanghina ang
kanyang mga tuhod. Sa tagal ng titig niya sa bahay, napagtanto niyang walang
maitatagong kasaysayan dahil patuloy na naghahanap ng kasagutan ang mga
katanungan ng kasalukuyan. Nakikinita niya na darating ang panahon na
maniningil ang kahapon. Siguro, aantayin na lamang niya itong sunduin siya.
Nilingon niya
ang mga kapatid na bakas sa mukha ang iba't ibang anyo ng lungkot. Napakalayo
pa ang lalakbayin mula sa baryo Bagtason patungo sa masukal na kagubatan ng
Valderrama. Pinayuhan niya ang mga kapatid na mahahanap ang maayos na buhay sa
tahimik at malayong lugar kung saan malimit ang pagdalaw ng multo ng nakaraaan.
Nagsisikip ang kanyang dibdib ngunit sinikap niyang pinaintindi sa kanila ang
kabutihan ng paglalayo.
Bitbit nila Dado
at Noknok ang ilan mga kagamitan. Si Inday ay inaalalayan ang tumatangis na mga
nakababatang kapatid na sila Epet at Bebedak.
Tinatanaw ni
Helen ang pagtawid ng mga kapatid sa ilog na may kipkip na pangako ng maliwanag
na bukas sa bawat puso ng isa. Unti-unti na silang nawawala sa kanyang
paningin. Binuksan niya ang kandado ng pintuan ng bahay. Umupo siya sa papag.
Tuminghala sa Sto. Nino De Bugasong. Sa huling pagkakataon ay sana dinggin ang
kanyang hiling na patnubayan ang mga kapatid at ilayo sa kapahamakan.
May layunin
siyang tutuparin. Kahit ano pa man mangyari, kahit ang pagtupad ng layunin ay
siyang hahadlang na makapiling ang minamahal na mga kapatid. Hindi angkop ang
bigat ng responsibilidad sa katawan nangingilala pa sa pagdarahop. Aakuin niya
ang hirap kahit salubungin siya ng madilim na bukas dahil alam niya na sa dulo
nito ay ang liwanag,
"Pansamantala
lang ito. Pangako, magkakasama rin tayong lahat."
* Kuya Toto's Boarding house
August 26, 2013, nang natapos