Lunes, Agosto 26, 2013

Kasero

    - Teri Malicot

Pinupukpok ang yerong 'singnipis na ng balat,
maaaninag ang yupi mula sa hampas,
malinaw ang marka ng pinagdaanan
sa ilalim ng maraming uri ng dahas.

Sabay-sabay ang pag-aayos na tila orkestra,
ang tunog ng pukpok ay may karampatan
na daing na magsimula.

Binubukbok na ang pundasyon kahihintay,
nalamigan na tutong na ang sinasandok
ng kutsara, tubig-ulan ang nakababad
sa balde, nakasalalay ang lilim at init
sa butas na plastik at kahoy. Ang mga lata
ng sardinas na lang ang nakaiintindi
ng kalam ng sikmura. Naiba ang nakagawian
para lamang magbigay daan sa katiwasayan ng iilan. 

Kawalan ang hatid ng panahon
sa pagdadamot ng araw, demoralisa
nang ginahaman ang mga karapatan
at binibilang na tulong ang itinira.

Sino ba ang may hawak ng karapatan
ariin ang yaman kung nauna nang inilaan
ang gamit nito sa kabutihan
at kapakinabangan ng sangkatauhan.     

Sa loob ng sirkulong pinagtutuunan
ang materyal at pansarili;

Kailan pa matitikman ang himbing
kung sa paglapad ng likuran sa malamig
na sahig ay bumungad ang nagbabanta
muling kalangitan?

*para sa mga nawalan ng tahanan,

St. Joseph, San Juan
Brgy. Corazon de Jesus, San Juan

at sa mga nag-aantay maibalik ang ari

at pamumuhay. 



Kuya Toto's Boarding house
August 26, 2013

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento