Lunes, Agosto 26, 2013

Panganay

    
     -Teri Malicot

Tumihala siya. Tumulo ang dugo sa kanyang noo. Masama ang tingin niya sa tiyahin.

Hindi niya sinasadya. Napalakas lang ng palo. Kasalanan niya dahil pumapalag pa siya. Damang-dama niya ang nagpupuyos na galit sa mga mata ng pamankin. Nahihintakutan na siya.

Dahan-dahan niya hinugot ang tinagong tubo sa likuran ng inidoro. Matagal na siyang nagtitimpi. Nagsasawa na ang katawan niyang tumanggap ng bugbog. Nag-iinit ang kamay niya sa tubo. Hinigpitan niya ang hawak, isang malakas na hampas sa ulo ang pinakawalan niya.

Dumanak ang dugo sa sahig ng kubeta.

                        *****

1975 - 1977

Takbo. Ang awtomatikong rumehistro sa utak niya. Tinitiis niya ang tusok ng bato sa kanyang talampakan. Kabisado niya ang kabundukan ng Valderrama. Mahihirapan silang hanapin siya. 'Ni hindi na sumagi sa isip niyang lumingon at mapag-sino ang humahabol. Hanggat may kumakaluskos, lalo siyang humahagibis ng takbo. Kasing bilis ng tibok ng puso ang hingal niya.

"Putanginang siraulo, nakawala!"

"Maghiwa-hiwalay tayo."

"Mahawakan ko lang siya, isa-isa kong puputulin ang daliri nya!

"Hayaan mo pare, mabibigyan rin natin ng katarungan ang asawa mo."

Dinig niya ang anasan ng mga humahabol sa kanya mula sa tinataguan niyang puno ng balete. Natiyak niyang ilan dipa lang ang layo nila sa kanya. Nanigas siya na parang bato nang narinig niyang palakas nang palakas ang boses nila. Pinigil ang paghinga. Ilan sandali pa ang lumipas, papalayo nang papalayo ang kaluskos. Sumilip siya mula sa loob na nakakurbang kweba na ugat ng balete. Naaninag niya ang ulo ng mga humahabol sa kanya papunta sa kabilang direksyon. Nang wala na siyang maaninag, nagmadali siyang tumakbo papunta sa inaagusan ng talon.

"Hindi n'yo ko mahuhuli. Mga gunggong!" Ang nasabi niya sa sarili.

Buwan ang nilagi niya sa kabundukan ng Valderrama. Nagpalipat-lipat para maiwasan ang nagbabanta sa buhay. Dumayo siya sa pinakatuktok na malayong maabutan ng pagto-troso. May ilan na rin ang magto-troso ang nakakakita sa kanya. Napadpad siya sa boundary ng Valderrama at Iloilo. Isang baranggay ang umampon sa kanya.
Dito niya nakilala si Hanzel, taga-patag, napabilang sa provincial school board, naatasan magturo sa mga baranggay na nasa bundok.

                        *****

1977 - 1997

Binuhat niya ang bunsong anak na si Epet na nahihimbing sa tulog at sabay inalog-alog.
    
     Si Dyun.
     Sinusuntok sa tyan para gisingin. Kahit sino sa mga pinsan       ang      sumusuntok.   Siningitan ng biente ang salawal           habang natutulog.      Nagsumbong ang naglagay. Walang habas     siyang pinagsasapok ng      tiyahin. "Magnanakaw! Palamunin       ka na nga magnanakaw ka pa!"
    
"Yan! Putangina n'yo! Mga Bwisit kayo sa buhay ko!" Padabog niyang binaba si Epet. Lumagapok ang ulo nito sa sahig. Humagulgol ng iyak sa sakit natamo. Kinuha niya ang lantip sa kusina. Isinilid sa beywang. Binuhat ang isang galon ng tuba na may halong emperador at kumuha ng isang plastik ng mani. Agad siyang lumabas ng bahay.

*Lantip - kawangis ng kutsilyo o balisong.

Ikinarga ni Helen si Epet na nahihirapan huminga sa kakaiyak. Pinatahan niya ang bunsong kapatid. Madaling uminit ang ulo ng kanilang ama. Gigil na gigil itong pagbuhatan sila ng kamay.

Maagang naningil ng upa sa lupa ang mga Canja. Kilalang lahi sa Bugasong. Doktor, inhinyero, abogado ang tinapos. Nagmamay-ari ng ektaryang lupa sa San Jose na kabisera ng Antique at mga resort sa isla ng Caluya, Mararison at Nogas. Ang mga Escote na kamag-anak rin nila ay nasa politika. Ito ang ikinaiinit ng ulo ng ama ni Helen. Hindi pa nga natitimbang ang naaning mani, naniningil na kaagad.

"Mga mukhang pera! Yumaman dahil sa kurapsyon!"

Sinapok si Helen ng kanyang ama. Maluha-luha niyang tinitigan ng masama ang ama. Hindi naman siya ang may kasalanan bakit siya ang pinag-iinitan. Pati tuloy si Epet na walang kamalay-malay nadadamay.


Si Helen. Panganay sa anim na magkakapatid. Sumunod sila Noknok, 15, Dadong, 12, Inday, 10, Bebedak, 8 at Epet, 5. Nasa four year highschool na siya nang pahintuin ng ama sa pag-aaral. Nahihiya man siyang aminin na sa edad niyang 19, hindi pa siya makatapos ng sekondarya. Sa maraming beses na huminto siya sa pag-aaral, dumating na sa punto na malabo pa sa napulusyong-tubig ang pag-asang makabalik pa siya sa pag-aaral lalo't siya na ang inaasahan ng pamilya bilang panganay. Maagang namaalam ang ina niyang si Hanzel.

Walang permanenteng hanap-buhay. Kung ano lang ang mapasukan pagkakakitaan. Noon kapanahunan ni GMA, napabilang siya sa mga tagalinis ng kalsada. Nagtinda ng tanim na sibuyas sa palengke. Nagbubunot ng mani sa taniman ng taga-Ilaya. Arawan ang sahuran. Pumapatak na isangdaan, isang araw. Siya rin ang nag-aasikaso ng mga kapatid, sa bahay, pagkain, dumidiskarte ng pambayad sa mga gugugulin. Kailangan niyang maging mautak, kahit h'wag na sa sarili at sa ama kundi para sa mga kapatid.

Inabutan n'ya ang bahay na nangangulot ang noo ng mga tao. Nag-uupakan sila Epet at Bebedak dahil sa Snaku. Pagal na ang katawan niya mula sa maghapon pagbabalat ng mani. Nahihilo na siya sa gutom. Walang panghapunan. Naghuhuramentado ang ama niyang walang naabutan na pagkain sa hapagkainan. Gulping bumugso ang nerbyos sa buo niyang pagkatao. Sa pagitan ng pintig ng puso, tumusok ang pag-asa, si Auntie Isay.  

"Kumuha ka na lang sa kusina ng makakain niyong magkapatid. Ikaw na ang bahala at may gagawin pa ko." Agad tumalikod ang nababalisang si Auntie Isay. Binalikan ang matamlay na alagang kambing sa balkonahe.

Nasa kusina ang basket na bigay ni Auntie Isay. Ang laman ay dalawang tumpok ng saging, daing, tuyo, munggo, kape, asukal na pula at bigas.

Lalabas na si Helen sa balkonahe nang natigil siya sa sinabi ni Auntie Isay. 

"Pinag-iinitan ni Kapitan 'yang mga alagang n'yong baboy. Nakakaperwisyo na raw ang baho. Ipapakatay daw niya para may handa sa piyestahan."

Hindi siya nagpahirap magpalaki ng baboy. Gago ba siya? Kaya matamlay yang kambing mo, Auntie kasi ginahasa ni Kapitan nun isang gabi sa may tamburong.

Muntik na masabi ni Helen. Itinutulak siya ng inis. Pinukol na lang niya ang tingin sa nilalaman ng basket, tsaka niya naisip ang nangangulot na noo ng mga kapatid. Umalis siyang nag-aalinlangan.

Iniiwas ni Helen tumingin sa mga papasalubong sa kanya. May pakpak ang balita, may tenga ang lupa. Kapag nagawi siya kina Auntie Isay at may bitbit, hininging pagkain. Nakadikit na sa mga ibinibitbit niya palabas sa bahay ni Auntie Isay ang inutil na ama at ulirang anak.
Napapalunok na lang siya habang naglalakad pauwi. Hanggat maaari umiiwas siyang lumapit kay Auntie Isay dahil ang paghingi ng tulong ay tunay na nakakabilaok sa aba nilang kalagayan. 

Kagyat kumain ang magkakapatid. Sino man ang mahuli ay mapagbubuntunan ng galit ng ama na maghapong nasa inuman. Beterano na sa laklakan, kung bakit hindi pa matutunan na idiretso sa t'yan ang iniinom, laging katwiran ang sobrang kalasingan ng pag-uumpisa ng kaguluhan at pambubugbog. Naturang may bayag pero nagtatago ang tapang sa espirito ng serbesya.

Pinaunang pinatulog ni Helen ang mga kapatid. Magtulog-tulugan kahit hindi pa inaantok. Paparating na ang ama niya sa loob ng 15 minuto. Babara-bara niyang hinugasan ang ligpitin, nilubog sa tubig na may halong sabon sabay lagay sa planggana, bukas na lang ulitin. Kakarampot ang oras na nalalabi, sasapit na ang ugaling militar ng ama niya.

Dahan-dahan bumubukas ang pintuang kawayan. Impit ang hininga ni Helen. Humihigpit ang paglamukos niya sa unan. Anong napupusuan niyang gawin ngayong gabi? Pinanatili siyang gising ng bagabag. Dumidiin ang yabag ng paa sa sahig na kawayan. Papalakas ng papalakas ang mga yabag na patungo sa kanyang silid. Siguradong papalapit na ang ama niya. Sinungkit-sungkit nito ang kandado ng pintuan ng kanyang silid na binugkos na tali lang. Halatang naiinis na dahil pilit na binabatak ang pintuan. Makailang saglit pa'y sinipa na ito ngunit hindi pa rin nabuksan. Lalong kinabahan si Helen. Mahabang katahimikan at pakiramdaman ang panandaliang naghari.

"Anak, pakihanda muna ako ng kape." Marahan na kumakatok ang ama.

Nagdadalawang isip si Helen kung sasagot siya o hindi. Mabigat ang loob niyang binuksan ang pintuan. Sa kusina, ilang beses niyang pinaikot-ikot ang kutsarita sa tasa matapos ay dinuraan. "H'wag kang gagawa ng masama." Bulong niya sa tasa.

"Dito ka na lang matulog sa labas para mabantayan mo ang kalabaw. Baka makawala." Labag man sa kalooban, sinunod na lang ni Helen ang utos ng ama. Makakawala lang naman ang kalabaw kung hindi naitali. 

Mahaba-haba na ang naitutulog ni Helen nang maramdaman niya ang paggapang ng malamig, magaspang na kamay sa kanyang binti.

  Si Dyun.
  Nasa disi-otso na'y pinapaliguan pa rin ng tiyahin. Lumalaking   binibihisan ng pambabae. Ang bawat pagtanggi ay may katumbas na   kaparusahan; pukpok sa ari, sinisindak at pinapatulog sa         kulungan ng baboy.

"Psssh, h'wag kang mag-iiskandalo kundi ipapakain ko 'tong titi ko kay Bebedak."

Nanigas na parang yelo si Helen. Sa kabila ng sinuungan na panganib, ang kaligtasan pa rin ni Bebedak ang pinangababawan niya. Kaunting galaw lang niya ay nararamdaman niya ang pangangalmot ng tanim ng lantip sa kanyang leeg. Kadugo ang nakaatim gumawa ng ganitong kahalayan. Kasabay ng pagtulo ng kanyang luha ay ang pagtulo ng laway ng ama na tumahak din sa pinag-agusan ng luha. Iisang daan ngunit magkasalungat ang dalang hinain. Nakatulala lang si Helen sa Sto, Nino De Bugasong. Hindi siya humingi ng saklolo, para san pa? Naging mabuti siyang alagad, bakit hinayaan nitong mangyari ang ganitong pagsasamantala sa kanyang pagkababae? Wala. Walanghiya. Walanghiyang D'yos. Manhid sila tulad sa kahoy at marmol kung saan sila yari.

Huminto yumugyog ang papag. Tunog ng sinasaradong zipper ang huling umihip sa pandinig ni Helen. Ipinikit niya ang mga mata, at sa muli niyang pagmulat nakayap na sa kanya si Bebedak.

                        *****

   Si Dyun,
    Nasa walong taon siya. Madaling araw noon kasarapan ng tulog     nang biglang siyang binitbit ng tiyahin. Dumaan sila sa           masisikip na iskinita. Halos hindi na siya makahinga sa      
    higpit ng pagkakabusalsal sa bibig niya. Takbo nang               takbo. Hinahabol sila ng pulis. Bumunggo ang ulo niya sa         tagiliran ng pader ng bahay sa bilang liko ,                     napahagulgol siya sa sakit. Magkakamag-anak na batok ang        pinatikim sa kanya ng   tiyahin. Natunton ng mga pulis ang        ingay. Wala nang ibang  madadaanan. Naipit na sila. Isang        makipot at mahabang daan na inaagusan  ng kanal ang             sinuungan nilang magtiyahin. Pinagtiisan nila   ang amoy ng       kanal. Kasunod nila ang humahabol na mga pulis. Dead end.         Umakyat sila sa bahay para sa bubungan dumaan. Nakataas  na ang   mga baril. "H'wag magpaputok, may kasamang bata!" Bumagsak si     Dyun mula sa ikatlong palapag.

     Nag-iwan ng marka ang pagbagsak na iyon sa kanyang pagkatao.

Gabi na nakauwi si Helen. Naglabandera siya sa pamilya Escote. Mula sa tarangkahan ng hardinan, nadinig niya ang kalampugan ng mga kaldero. 
Nagdali-dali siyang umakyat, sinusuntok ng ama nila si Dadong. Tinatadyakan palabas ng bahay. Nagsusuka si Dadong. Namumutla. Dali sumaklolo si Helen. Buong lakas niya itinulak ang ama papalayo.

"Ano ba 'tay! May sakit na si Dadong, bakit n'yo sinasaktan?"

"Wala nang ginawa yan kapatid mo kundi umiyak ng umiyak, naririndi na tenga ko!"

Hindi na nakipagtalo si Helen. Mataas ang lagnat ni Dadong. Mas kailangan niya bigyan ng atensyon ang may sakit. Inalalayan niya ang kapatid at dumiretso sila sa bahay ni Auntie Isay.

                        ***

Dinala si Dadong sa ospital ni Auntie Isay. Nagka-UTI. Sa ilan oras na nawala si Helen, nahihiwagahan siya ng atmosperang inabutan  sa bahay. Si Inday na animo'y naliligaw ang diwa sa pagitan ng mga talutot ng bulaklak. Kay layo ng tingin. Nagsasalin sa iling at tungo ang mga sinasagot ni Inday sa mga tanong ni Helen. Sinubukan niyang hanapin ang mga kapatid, sa pag-akyat niya sa bahay ay bumungad sa kanya ang lantip na may bahid ng dugo. Kumalat ang dugo mula sa sala hanggang kusina. Inuna ni Helen na  hanapin si Bebedak. Natagpuan niyang itong namamaluktot at nakangiwi ang mukha. Nakahawak siya sa sariling ari.

  Kagabi...

   Ungol ng hayok sa laman ang nangingibabaw sa kabahayan. Apat      na   katao ang nagsasalin-salin sa     dalawang katawan. Pawis    at     lansa ng laway ang humahalo sa maalinsangan gabi. May      katumbas   na sampal ang bawat pagtanggi. Sabunot sa bawat        gigil.     Tangin  iyak lang ang paraan ng paghihiganti.          Walang    magawa  si Noknok  dahil iginapos siya ng mga          kumpare   ng ama niya. Sa  mismong  harapan niya nagaganap ang    pagbababoy kina Bebedak at  Inday. At  ang     mismong   ama      ang humahawak sa braso at binti  ng  mga anak.
     "Demonyo ka 'tay! Demonyo ka!" Namimilipit na sa hirap    si    Noknok. Kinagat ni Epet ang sumasabunot kay Inday ngunit sipa    ang inabot niya. Iginapos siya sa dinggin     sa tabi ni          Noknok. 

     Tila agunyas ang ingay ng mga kuliglig na nakikiramay           kasabay ang      pagpag ng mga hinubad na damit.   Kinaladkad     si  Noknok ng kanyang      ama papunta sa     ilalim ng kubo     kung  saan nakatago ang mga      kagamitan     sa pangunguma.     Pinaghahampas ang katawan niya ng      makapal na lubid.         Nilubayan lang si Noknok ng ama    nang nanlalata na ang         katawan  niya. Naaninag ni     Noknok    sa ama ang               kalasingang nito  kahit nasa    parteng   madilim ito umiihi.     Nakalas na n'ya    ang tali sa      kamay,    dinampot niya       ang   lantip na    naiwanan   nito      sa kanyang tabi.

         
May pruweba na siyang hawak na may nangyari kagabi nang wala siya para magbantay kay Dadong sa hospital. Matinding hinagpis ang namuo sa mga mata ni Helen nang hindi na masaklolohan ng pagtitimpi ay naging luhang balisawsaw sa paghahanap ng katarungan. Hinimas-himas niya ang likod ni Bebedak upang mabawasan ang dinaranas na hirap. Bumalik sa alaala ni Helen ang gabing inabuso siya ng sariling ama.

Itim na may bahid ng dugo ang paningin niya sa paligid.

Sa hangin niya ibinulong na tutuparin niya ang nag-iisang pangarap na matagal nang inaasam nilang magkakapatid.

Bumababa si Helen sa ilalim ng kubo. Natagpuan niyang namimilipit sa sakit ang ama. Nagkalat ang dugo sa paligid. Nagtamo ito ng maraming saksak sa iba't-ibang parte ng katawan. Nakikiusap ang ama niya na dalhin siya pagamutan. Humingi ng patawad. Ngunit bingi si Helen.

"Ngayon natuto kang makiusap."

Tugma ang panahon upang balikan ang nagdaan itinakwil sila ng kapalaran nang ito'y nagbukang-liwaway subalit maaga pa ang takip-silim upang iwan silang hindi pa bumabangon mula sa kinasaklakan.

Kinuha ni Helen ang makapal na lubid na ipinapangtali sa kalabaw. Pinaikot ng isang beses sa leeg ng kanyang ama. Binuhol n'ya ang isang dulo sa puno ng niyog at ang kabilang dulo ay itinali sa kalabaw. Itinali niya pati ang kamay at paa. Sinipat niyang maigi ang tali at niyugyog upang malaman na hindi luluwang ang pagkakabuhol sa bawat dulo. Sampung beses niya pinalo ang kalabaw upang umusad. Siniguro niyang hindi na humihinga ang ama pagbalik niya sa puwesto nito.

Dilat ang mata. Agad na ibinalot ni Helen ang katawan ng ama. Tinabunan ng lupa ang dugong nagkalat. Inalalayan niya si Noknok na humihikbi, magdamag ito na nagmumukmok sa madilim na sulok.  Umakyat sila at tumuloy sa silid. Isa-isa niya inayusan at binihisan ang mga kapatid.

                          ***
     Si Dyun,

     Makailan ulit siyang tumangkang tumakas sa bahay ng kanyang      tiyahin. Ngunit    nahuhuli rin siya matapos.   Ginagapos        siya sa hagdanan. Nananatili siyang nakatayo hanggat di pa        nagsasawa ang tiyahin niya sa      pagsusugal.   Pinapatay        ang sigarilyo sa hubad niyang katawan. May kakambal na sapok      ang bawat mura      kapag natatalo. Wala na siyang                natirang respeto   sa sarili dahil ang mismong tinuturing        niyang      pamilya   ay di siya pinahalagahan. Wala na          siyang    nakukuhang kunsuelo maliban sa natatanggap              niyang    pananadista ng     pamilya ng kanyang   tiyahin.        Ultimo sa panaginip ay hinahabol siya ng mga    kamaong          sabik sa pananakit. Pinagsilbihan niya ang bawat taong            nakatira at nakisilong sa kanilang tahanan sa                    pangangailangan nila mula ulo      hanggang paa sa                inaakalang   may kaunting maibabalik      sa kanya. Ngunit,      ang   mismong   pamilya ay maraming     dinadalang personal      na problema na sa     loob ng   mahabang panahon ay lalong        lumalala. Mga alitan    na   hindi     nareresolba, problema      ng naghihikahos at ang      pagkawala sa katinuan.

     Pinatay ng ina ni Dyun ang asawa. Pinahiran ng                    likidong lason ang bibig nito habang natutulog.                  Hinalikan     at ininom ang natirang likido. Walang              nakaalam sa   nangyari dahil sa takot na mabulgar ang baho        ng pamilya,   agad na dinispatsya ang mga labi.      Ang          tiyahin na    kapatid ng kanyang ina ang   kumupkop kay          Dyun. Ang bahay na kanyang kinalakihan     ang tanging saksi      sa bawat araw na      iniinda niya ang kumikirot na pasa at      ang kwento sa     likuran ng      sugat.

     Si Dyun sa kanyang pinagdaanan na sa murang edad ay hindi      nakayanan ang bigat, animo'y repleksyon sa salamin na            bumalik sa kanya ang mga naganap.

     Si Dyun na ama ni Helen.

                        ***

Madaling araw, nakapalibot ang magkakapatid sa pinaglibingan ni Dyun. Hindi na kailangan na marinig ang tinig kusang nangungusap ang katahimikan namumugad sa bawat isa sa kanila.

Nauupos na ang kandila. Lahat ay nakatulala. Walang bakas ng luha. Tahimik. Sa unang pagtilaok ng manok, isa-isa silang naghugas ng kamay sa kalapit na batis.

Huling silip ng pamamaalam mula sa mga matang nabahiran ng biglang pangungulila. Tumapak ang bigat ng hakbang sa lupa, tutungo sila sa landas na nangangako ng pagbangon. Hahayaan na pawiin ng hangin ang bakas ng taksil na kahapon. Maghihilom at maghihilom din ang sariwang sugat. Mag-uumpisa sila mula sa wala. Mag-uumpisa kahit mangapa.
                                               
                                                            ***

Hindi pa sumisikat ang araw. Ikinando ni Helen ang pintuan ng bahay. Pinagmasdan  niya ang bawat kanto, ang haba at ang lapad nito. Maliit man ituring ay naging matibay itong kanlungan ng maraming karanasan na nagpainog sa bawat kabanatang bumuo ng kanilang kaisipan at kaugalian.

Saglit siyang natigilan, dumampi ang malamig na hangin sa kanyang batok. Tumayo ang balahibo niya sa buong katawan.  Nanghina ang kanyang mga tuhod. Sa tagal ng titig niya sa bahay, napagtanto niyang walang maitatagong kasaysayan dahil patuloy na naghahanap ng kasagutan ang mga katanungan ng kasalukuyan. Nakikinita niya na darating ang panahon na maniningil ang kahapon. Siguro, aantayin na lamang niya itong sunduin siya.

Nilingon niya ang mga kapatid na bakas sa mukha ang iba't ibang anyo ng lungkot. Napakalayo pa ang lalakbayin mula sa baryo Bagtason patungo sa masukal na kagubatan ng Valderrama. Pinayuhan niya ang mga kapatid na mahahanap ang maayos na buhay sa tahimik at malayong lugar kung saan malimit ang pagdalaw ng multo ng nakaraaan. Nagsisikip ang kanyang dibdib ngunit sinikap niyang pinaintindi sa kanila ang kabutihan ng paglalayo.

Bitbit nila Dado at Noknok ang ilan mga kagamitan. Si Inday ay inaalalayan ang tumatangis na mga nakababatang kapatid na sila Epet at Bebedak.

Tinatanaw ni Helen ang pagtawid ng mga kapatid sa ilog na may kipkip na pangako ng maliwanag na bukas sa bawat puso ng isa. Unti-unti na silang nawawala sa kanyang paningin. Binuksan niya ang kandado ng pintuan ng bahay. Umupo siya sa papag. Tuminghala sa Sto. Nino De Bugasong. Sa huling pagkakataon ay sana dinggin ang kanyang hiling na patnubayan ang mga kapatid at ilayo sa kapahamakan.

May layunin siyang tutuparin. Kahit ano pa man mangyari, kahit ang pagtupad ng layunin ay siyang hahadlang na makapiling ang minamahal na mga kapatid. Hindi angkop ang bigat ng responsibilidad sa katawan nangingilala pa sa pagdarahop. Aakuin niya ang hirap kahit salubungin siya ng madilim na bukas dahil alam niya na sa dulo nito ay ang liwanag,

"Pansamantala lang ito. Pangako, magkakasama rin tayong lahat."




* Kuya Toto's Boarding house
August 26, 2013, nang natapos

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento