Politika. Pag-ibig. Kasarian. Buhay. Kultura. Sining at Panitikan. Mga nagtatagong likha sa gabi.
Biyernes, Hunyo 20, 2014
Martes, Hunyo 17, 2014
Football over food
http://attitude.co.uk/world-cup-hotties-ezequiel-lavezzi/lavez4/
http://i916.photobucket.com/albums/ad5/beatrizposada/brazil/DSCF8211.jpg
http://en.wikipedia.org/wiki/FIFA_World_Cup_Trophy#mediaviewer/File:Jules_rimet.jpg
http://www.ndtv.com/article/india/food-security-bill-may-not-achieve-much-say-activists-405564
Linggo, Hunyo 15, 2014
SELF-INDULGENCE
-Teri Malicot
Ilan gabi ko na siyang
minamanmanan mula sa bintana ng tinutuluyan kong kwarto. Mula sa ikalawang
palapag tanaw ko ang kabuuang ng nasa ibaba. Magkatapat ang bahay namin.
Sampung metro lang ang layo. Yari sa kalahating semento at kawayan ang bahay
niya. Creepy ang lugar: madilim, hiwa-hiwalay ang bahay na napapalibutan ng
puno. Nasa dulo ng downtown ang bed space na nakuha ko. Sa Davao city na ako
nakakuha ng trabaho. Medyo malapit lapit sa probinsiya naming sa Antique.
Nagtataka ako kung bakit siya
naghuhukay. Alas-dos ng madaling araw, inuumpisahan niya ang paghuhukay sa
bakanteng lote sa gilid ng kanyang bahay. Umaabot ng dalawang oras.
Dire-diretso. Walang hinto. Galit na galit ang ugat niya sa braso. Kitang-kita
ko sa noo niya ang hirap na parang ‘ni minsan ay hindi ko napansin gumaang.
May mga araw na nawiwili akong
panoorin siya. Minsan, sinasamahan ko ng inom ng san mig. Kahit papaano
pampaalis ng pagod. Minsan kapag nauulirat
ako walang mapagbalingan ng inis, binabato ko siya.
Dumadating sa pagkakataon na
awa ang nararamdaman ko para sa kanya. Kung gaano ko siya nakikitang hirap sa
paghuhukay ng lupa, nakikita ko sa nangangaliti niyang ugat na mayroon siyang
pinupursige.
Umuwi akong mainit ang ulo
dahil delay ang sahod. Nababagabag ako ng mga utang. Binibilang ko ang dumaang
mga butiki at ipis sa kisame para makatulog. Pinatugtog ko ang New World ng
DeVothcKa. Hirap pa rin ako makatulog. Marinig ko pa lang ang text message tone
ng cellphone ko. Alam kong may halong hingi ang text na iyun. Kada oras akong
tine-text ng kapatid kong nasa Antique na magpadala ng pambayad niya ng tuition
fee dahil kung hindi siya makakabayad, hindi siya pakukuwanin ng exam. Hindi siya
makakapagtapos ng pag-aaral. Walang magandang kinabukasan na mag-aantay sa
kanya. Baka matulad ng kapalaran kay Nanay. Magkakarugtong. Chain reaction.
Kung maari lang sanang putulin at tumalon. Yung wala nang hirap na pagdadaanan.
Bakit ba dumadaan sa proseso. Bakit ba ang hirap kitain ng pera. Magagalit sila sa’kin kapag wala akong
naibigay. Lalabas akong walang kwentang ate. Walang silbing anak. Mamumutaktak
ng mura ang bibig ng hitad kong Ina. Magdadala ng lalaki sa bahay. Ikakatwiran
na naman niyang hindi ako nagpapadala ng pera. Kailangan niya manglalaki kungdi
mamatay sila sa gutom. Kumakayod sa paghuhuthot sa mga lalaki ang nanay ko. Marangal
na trabaho yan para sa kanya. Kumpara daw sa politiko. Yumayaman sa
pangungurakot. Dahil kung dangal lang din naman ang pag-uusap, kapos d’yan ang
Pilipino. Wala na raw Pilipinong nabubuhay ng marangal. Dahil buhay ka pa,
pinapatay ka na. Iniiwasan kong makipagtalo sa kanya. Nauuwi sa sumbatan. Parang
sirang plaka na paulit-ulit na sasabihin niluwal lang ako sa puwertahan niya. Nanay
nga siyang maituturing. Umiinit ang ulo kapag walang pera.
Sa dami ng alalahanin na
dumadalaw tuwing napapapikit ako, tuluyan na rin ako napaidlip.
Dug. Dug. Dug.
Puta, alas kuwatro na ng
maaga, bago pa lang ako nakatulog. Sumilip ako sa bintana. Naghuhukay na naman
siya.
Hoy! Magpatulog ka.
Sobrang bad trip ko, binato
ko siya ng bote ng san mig. Tinitigan niya ako ng masama. Doon ko lang napagmasdan
ang buong niyang mukha. Matangos ang ilong. Maputi. Mala Amanda Page ang hugis
ng bibig at tabas ng mukha. Bata pa ang itsura pero bakas ang guhit ng
katandaan sa noo. Parang pilit na tumanda
ang itsura niya. Isa lang ang kapansin-pansin sa kanya; tapyas ang tenga.
Markado ang leeg niya ng peklat. Kahit sa mga braso at binti.
Namamaos na ko kasusuway sa kanya. Tuloy pa
rin siya sa paghuhukay. Hindi marunong umintindi. Ang sarap niyang sapukin.
Sinabi na ngang gusto ko pang matulog.
*****
Ramdam ko ang init ng tanghali buhat sa double
deck na hinihigaan ko. Basang-basa ng pawis
ang unan. Shit, alas dos na pala ng hapon. Mabigat ang katawan kong
tumayo. Masakit ang muscles ko sa balikat at sa ibabang parte ng likuran.
Sumasakit ang tagiliran ng kamay ko kapag inuunat. Naninigas kapag bagong
gising. Ito na yata ang tinatawag na metacarpal syndrome na nakukuha sa
maghapon pagtitipa sa keyboard. Yung mga mata ko parang pinipiga nung minulat
ko. Putang inang kapitalista, binubugbog ka sa trabaho. Sinusulit yung minimum
wage. Sa opisina, lahat ng puwedeng ipagawa sa’yo, ipapagawa. Multi-tasking.
Triple ang trabaho pero pang single ang sahod. Kaya ako, kahit alam kong gawin,
nagkukuwari akong hindi ko alam. Nagtatanga-tangahan. Pinakamabisang excuses
‘yun. Hindi ka kagagalitan. Matitipid ang lakas. Eh akala mo nga naman kasi.
Malay mo ba. Ah, hindi ko kasi alam eh. Ganun. O magbisi-busy-han para hindi
mautusan. Taena, dapat mautak ka para
mapagtagumpayan mo ang hirap ng buhay.
Dug. Dug. Dug.
Takte, ibig sabihin hindi pa
siya natutulog ‘gang ngayon?
Nagmadali akong sumilip sa
bintana. Malalim na ang hukay. Hindi ko na maaninag ang ulo niya.
Ano bang plano niyang gawin
sa hukay ? Usap-usapan na serial killer siya. Nagimbestiga ang baranggay n’un
nakaraan linggo dahil nagreklamo ang kapitbahay na katabi ng boarding house na
tinutuluyan ko. Samu't-sari ang naihapag na reklamo. Aswang, magnanakaw, pedo,
rapist, pulubi, ex convict at marami pa. Mahirap paniwalaan ang reklamo nila.
Palagi nilang binu bully ang weirdo namin kapitbahay. Kalilipat lang kase.
Palibhasa hindi nakapasa sa pamantayan nila ng mabuting kapitbahay kung ano ano
na ang inisip. Nung nalaman nilang posibleng siyang gumanti. Nagtagpi tagpi
sila ng kwento para mapaalis. Takot lang nilang sila ang mailibing nang buhay.
Mabilis pa sa biente-kwatro oras, naunahan pa ng panghuhusga ang balita. Bakit
ba sinasanay ang sarili sa mga madaliang solusyon. Sabagay, mababalewala nga
naman ang esensiya ng panghuhusga kung may konsepto pa ng pagsasaliksik.
Matapos ang papunta-pabalik
ng baranggay at ng pulis. Wala silang nakuhang ebedensiya. Wala naman kasing
nababalitaan na may nawawala o napapatay sa loob ng baranggay. Bahala sila sa
buhay nila. Masyado na kong maraming iniisip para alalahanin pa ang
misteryosong kumag na yun.
*****
Nasa five thousand piraso na
tseke ng BDO yung in-encode namin kanina. Pito kaming merchant ng pipitsugin
outsourcing company. Naka-leave pa ang tatlo. Imbes na ala-una ng madaling araw
ang uwi ko, nag OT ‘gang alas-tres.
Pagod na pagod na ko. Alas kuwatro ng medaling araw na ako nakauwi ng boarding
house. Ah, magre-resign na ko. Bukas hahanap ako ng ibang trabaho. Matutulog na
muna ako.
Dug! Dug! Dug!
Yan na naman siya. Nagmadali
akong tumayo sa higaan.
Hoy! ano ba. Magpatulog ka naman. Wala ka bang kapaguran?
Nabigla ako sa nakita. Putol
ang mga daliri niya sa kaliwang kamay. Tumutulo ang dugo sa lupa. Pinagsabihan
ko siya. Hindi niya ako pinansin. Ano ba
‘to? Nababaliw na yata siya.
Bumaba ako ng boarding house.
Tinutulak ako ng kuryusidad. Hinay-hinay akong lumakad bababa ng hagdanan.
Konting langitngit tiyak tatahol na agad ang aso ng landlady namin. Ayaw ko na
munang may makaalam ng gagawin ko. Tutuklasin kong mag-isa ang lihim niya. Ang
lihim niyang naiuugnay sa lagim ng gabi at ang mga nakaakibat na tanong nito.
*****
Mabuti nakalabas ako ng
boarding house nang hindi tumahol ang aso. Tinatanaw ko siya mula sa trangkahan
ng bahay niya. Hindi siya natitinag kahit patuloy na umaagos ang dugo mula sa kaliwang
kamay niya. Makailan beses pang paghuhukay. Huminto siya saglit at luminga sa
paligid. Binitawan niya ang pala. Tumuloy siya loob ng bahay. Sa mga sandaling
pabago-bago ng desisyon dahil sa kaba, paurong-sulong ang paa, at tulak ng
pagtataka, nabuo na rin ang loob kong sundan siya papasok sa kanyang bahay.
Dumungaw ako sa bintana
malapit sa kusina. Umaalingasaw ang baho. Amoy patay na dagang inuuod, malansa.
Mas malansa pa sa nabasang napkin na may regla. Nakatakip na ang ilong ko pero
tumatagos pa rin ang baho. Naduduwal-duwal na ko pero pinigilan ko. Tangina
baka marinig niya ko. Mahirap nang mailibing ng buhay. Ilan beses siyang
nagpapunta-pabalik sa lamesa na nasa kusina. Tadtad ng marka ng hiwa at mantsa
ng dugo ang lamesa. Parang tadtaran ng karne na makikita sa palengke. Kumuha
siya ng kaldero. Nilagyan niya ng mainit na tubig at binuhusan ng suka. Nilubog
niya ang kanan kamay. Sumigaw siya sa hapdi. Makailan ulit. Akala ko ginagamot niya ang sarili, laking
gulat ko nang simulang niyang kayurin ang balat niya sa kanan braso. Kinayod
niya nang kinayod hanggang makita ang pinakaloob. Kitang-kita ko na umaagos ang
dugo. Kitang kita ko ang ugat niya at umusli ang buto. Pagkakita ko, naalala ko
ang kinain ko kanina na tocino. Ganun na ganun ang itsura. Binuhusan ng alcohol. Noong aksidente kong nahiwa ang balat sa
daliri, hangin pa lang ang dumadapo mahapdi na paano pa kaya hiwain ang sariling
balat?
Nagdadalawang-isip akong
tulungan siya. Pinangangambahan ko ang susunod na magaganap. Paano ko siya
matutulungan kung hindi ko pa natutuklas ang katotohanan.
Lumabas siya ng bahay dala
ang nakasabit na kaldero sa kanan braso niya at hila-hilang sako. Nakabalot na
ang kaliwang kamay niya ng bandage. Binuhos niya ang laman ng sako; mga patay
na daga, nabulok na karne, ipis at patay na ibon. Umalingasaw ang amoy na nabubulok
na karne. Sinamantala ko na ang pagkakataon, pumasok ako sa bahay niya. Sa
sala, bumungad sa’kin ang mga katagang nakasulat sa dingding ng bahay.
Walang mabuti sa mundo. Nagkukunyari lang tayong lahat.
The last capitalist we hang shall be the one who
sold us the rope.
Nilikhang masama ang sangkatauhan.
Galit ako sa sarili ko.
Reason has always existed, but not always in a
reasonable form.
Marami pang inskripto. Yung
iba parang nakasulat sa Arabic o latino. Hindi ko na maintindihan. Hindi ko na
rin naiintindihan ang nararamdaman ko. Gusto ko nang umuwi. May nagtutulak lang
sa’kin na ipagpatuloy. Nasa sahig ang kutsilyo, icepick at gunting. Naka display
ang buto ng daga, ibon at pusa. Sa kisame, nakasulat ang pangungusap na
nagsasaad ng pagbabanta. Maraming binanggit na pangalan at argumento. Siguro sa
ganitong paraan niya nailalabas ang galit. Bakit ayaw niyang diretsuhin sa tao?
Pipi ba siya? Uuwi na ko masyado nang mabigat ang binabasa at nakikita ko.
Pinihit ko ang pintuan. Hindi
ako naging maagap. Pagbukas ko ng pintuan siya ang bumungad. Nagkatitigan
kaming dalawa. Akala ko isasaksak niya sa'kin ang hawak niyang kutsilyo ngunit
tinabig niya ko at dumiretso siya sa loob. Nagkakandarapa siyang maghanap.
Nawawala ang
hintuturo ko.
Sumugod siya sa’kin at
itinutok ang dulo ng kutsilyo sa leeg ko.
Wala akong ginagalaw. Hwag mo kong papatayin.
Nawawala ang isa kong daliri. Nakakahiya. Kailangan kong
ilibing ang daliri ko.
Maibabalik ko lang ang dangal ko kapag nailibing ang parte
ng katawan ko na nadungisan.
Naguguluhan ako sa sinasabi
niya. Parte ng katawan ang kapalit ng pagbabalik ng dangal sa sarili? Natatakot
na ko sa kanya.
Wala akong alam sa sinasabi mo.
Idiniin niya lalo ang kutsilyo.
Naramdaman ko ang hapdi ng pagkakatusok
sa leeg ko. Binabraso niya ang dibdib ko. Nahihirapan akong huminga. Naglalabasan
ang ugat sa mga mata niya. Galit na galit siya. Lalong siyang lumalakas sa
galit.
Nawawala ang isa
kong daliri. Yung hintuturo. Malaki ang kapalit ng nawawala kong daliri. Kahihiyan
ang aabutin ko.
Bigla niya akong tinulak.
Naunang dumausdos ang mukha ko sa sahig. Hindi ako kaagad nakabawi, mahigpit
ang pagkakasabunot niya sa buhok ko. Dinampot niya ang nakakalat na icepick sa
sahig. Itinurok niya sa bandang likuran bahagi ng katawan ko. Pilit niya akong
pinapaamin na ako ang kumuha ng nawawala niyang hintuturo. Pilit ko rin
binabalik ang sagot na wala akong alam.
Binitawan niya rin ako sa huli. Napagtanto niya siguro na inosente
ako sa inaakusa niya sa’kin. Sinuot niya ang jacket na nakasabit sa dingding.
Agad siyang lumabas ng bahay. Sinundan ko siya. Tumalon siya sa hukay. Tumama
ang kanan paa niya sa nakausling bato. Napahiyaw siya sa sakit. Sumisigaw. Nagmumura.
Inuunto niya ang ulo. Tapos ay sasabunutan ang sarili. Paulit-ulit niyang
sinasabing wala siyang kwentang tao. Aabutin ko ang kamay ko sa kanya upang
tulungan siyang makaahon. Sinaksak niya ng kutsilyo ang palad ko. Mabuti
dumaplis lang. Kung tutulungan ko siya at ganito ang iginaganti niya sakin, pabayaan
ko na lang. Maiiskandalo pa ako. Ayokong maibaling sa’kin ang galit ng tao sa
kanya. Mukhang hindi ko kakayanin.
Tama na. Ayoko na. Sinimulan
kong hinakbang ang paa palayo. Maghahanap pa ako ng trabaho bukas. Ako ang
panganay, umaasa sa'kin ang pamilya ko.
*****
Dug! Dug! Dug!
Tumayo na ko sa higaan dahil
sa ingay. Ramdam ko ang init ng tanghali buhat sa double deck na hinihigaan ko.
Basang-basa ng pawis ang unan. Shit, alas kuwatro na pala ng hapon. Mabigat ang
katawan kong tumayo. Masakit ang muscles ko sa buong katawan.
Pinapaayos pala ng landlady
namin yung pintuan ng kwarto namin. Sumilip ako sa bintana. Tahimik ang bahay
niya. Naka lock ang pintuan. Tumutugma ang liwanag ng hapon sa aliwalas ng
paligid. Maayos ang natatanaw ko sa ibaba. Mapayapa.
Iika-ika akong naglakad
papuntang banyo. Maghihilamos para mahimasmasan.
Masarap damhin ang lamig ng
tubig. Nakita ko sa salamin ang peklat ko sa leeg. Maganda ang hubog ng katawan
ko kahit puyat at hindi nakakain sa tamang oras kakatrabaho. H’wag lang
pansinin ang peklat sa buong katawan ko.
Halos isang buwan na akong
hindi nakakadalaw sa therapist ko. Sabi niya disorder na raw ang sakit. Dermatillomania
ang tawag. Hindi ko na nabibili ng SSRI na anti-depressant na kailangan kong
inumin. Pinambayad ko pala sa upa sa bahay ang natitirang pera ko sa bangko. Uu
nga pala, hindi pa pala ako nakapagpadala ng pampabayad ng matrikula ng kapatid
ko.
Aray, kumikirot na naman ang ulo ko.
Aray, kumikirot na naman ang ulo ko.
Maghahanap na ako ng bagong
trabaho bukas. Kailangan ko nang ayusin ang sarili. Teka, uka-uka ang buhok ko.
Gugupitin ko ang parteng buhaghag. Konting gupit sa itaas, konting gupit sa gilid.
Ayan maayos na. Magka trabaho nga ako, mabubuhay pero kapag may pera lagi na
lang mamumublema sa gagastusin. Namumublema para magkaroon at mauubos lang din
sa huli. Kakabit sa pagiging panganay ko ang obligasyon sa pamilya. Pati ang
maraming problema kung paano sila pananatilihing buhay. Kinamot ko ng gunting ang
leeg ko. Masarap sa pakiramdam. Diniin ko ng kaunti. Kaunti. At kaunti pa. Lumabas ang dugo. Tuluyang
kong ibinaon ang gunting.
Sabado, Hunyo 14, 2014
Larong Mapagbiro (International Human Rights Day)
Performance Poetry for International Human Rights Day, December 10, 2013
here the link from Youtube. Video posted by Zari L.
Biyernes, Mayo 30, 2014
ramdom tots
tinitinghala ang kalangitan mula sa kalupaan ng Mindanao.
ilan beses ko na rin naikot ang downtown, nagpasikot-sikot, nagbakasaling maisakatuparan ang layunin. wala akong alam sa kanila at kung bakit sila naririto. pero tulad nila, humihinga rin ako sa maraming dahilan. kumikilos para sa sariling laban. parang sa lumang pelikula ko lang naririnig ang busina ng multicab. natatakot akong ibagsak ang side door, sa kalumaan parang matatanggal. mukhang kakabiyahe lang ni kuya. pero napansin kong tagaktak na ang pawis niya.
nakita ko na ang mukha ni ate na nagtitinda ng gamot na pampalaglag sa quiapo sa mukha ng tinderang may bangketa ng tinging yosi. paikot-ikot ang mobile ng pulis. ilan beses kaya siyang hinuli?
kahit saan lupalop pa tumungtong, wala pa rin kaayusan. paano kaya nakikita ng malaking estatwa ng agila sa rizal park ang nasa paligid niya.
Buti pa ang mga ibon, nakakatapak sa lupa.
tumutusok sa balat ko ang init ng araw, mukhang hindi matitibag ang munisipyo ng davao. Noon nakaraan linggo pa mahaba ang pila ng kumukuha ng permit.
tuminghala ako sa langit, nakakabulag ang sinag ng araw.
napayuko ako, basag pala ang lupang inaapakan ko.
Mindanao, hahanapin namin ang katarungan.
ilan beses ko na rin naikot ang downtown, nagpasikot-sikot, nagbakasaling maisakatuparan ang layunin. wala akong alam sa kanila at kung bakit sila naririto. pero tulad nila, humihinga rin ako sa maraming dahilan. kumikilos para sa sariling laban. parang sa lumang pelikula ko lang naririnig ang busina ng multicab. natatakot akong ibagsak ang side door, sa kalumaan parang matatanggal. mukhang kakabiyahe lang ni kuya. pero napansin kong tagaktak na ang pawis niya.
nakita ko na ang mukha ni ate na nagtitinda ng gamot na pampalaglag sa quiapo sa mukha ng tinderang may bangketa ng tinging yosi. paikot-ikot ang mobile ng pulis. ilan beses kaya siyang hinuli?
kahit saan lupalop pa tumungtong, wala pa rin kaayusan. paano kaya nakikita ng malaking estatwa ng agila sa rizal park ang nasa paligid niya.
Buti pa ang mga ibon, nakakatapak sa lupa.
tumutusok sa balat ko ang init ng araw, mukhang hindi matitibag ang munisipyo ng davao. Noon nakaraan linggo pa mahaba ang pila ng kumukuha ng permit.
tuminghala ako sa langit, nakakabulag ang sinag ng araw.
napayuko ako, basag pala ang lupang inaapakan ko.
Mindanao, hahanapin namin ang katarungan.
Martes, Abril 29, 2014
Huwebes, Abril 10, 2014
7th Palihan Rogelio Sikat, Fellow
Nag-aayos ako ng NSPC namin sa Davao. Ilan araw na rin ako naging busy. Pagbukas ko ng FB, boom. Kinu-congratulate ako ng mga kakilala kong manunulat. Eneweys, natutuwa ako, dalawang Palihan ang attend ko ngayon taon. Serve the People.
http://www.panitikan.com.ph/content/15-manunulat-napili-para-sa-prs-7
http://kalatasliteraryezine.wordpress.com/2014/04/11/fellows-ika-7-palihang-rogelio-sicat/
Miyerkules, Abril 2, 2014
12th Ateneo National Writers Workshop, fellow for poetry in Filipino
Galing ako sa schools, nag hop ako ng pub sa Intramuros, nag-invite ako sa mga guilder na puwedeng mag media coverage ng protest action for ToFI. Alas-kuwatro ng hapon na ako natapos. Sumaglit lang ako sa Mendio ipara abutan ko ng props ang mga kasama. Hinihingal ako dahil naghahabol ako ng deadline dahil yung mismong araw na iyon ay huling araw ng pagsumite para sa Ateneo National Writers Workshop.
Edi ito na, tinakbo ko na ang escalator sa LRT Katipunan station, sumakay na ko ng tricycle dahil hindi ko alam ang Ateneo. Inabot kami ng matagal sa guard house, ang daming kemeruit ni kuya guard, eventually, pinapasok din naman kami. Mabuti ang nasakyan kong tricycle, inihatid ako mismo sa building na pagpapasahan ko ng requirements. Less hassle na sakin maglakad. Pagod na rin kasi mula sa paglilibot ng mga schools.
Itong-ito na talaga, edi yun, sumalubong sakin si lady guard, in fairness naman kay ate, alam niya kaagad kung saan ako pupunta, at isa pang in fairness dahil hindi na ko na hassle sa kanya, pinapunta niya ako sa Department of Filipino. Pagpasok ko, kinuha ang brown envelope at sinabihan tatawagan na lang. Lumabas ako ng office, sumalubong sakin ang matamis na ngiti ni ate lady guard, kinamusta niya ako. Marami na raw ang nagpasa, hwag daw akong mawalan ng pag-asa, baka daw makuha ako. Lumabas ako ng Ateneo, na parang nakalutang sa hangin. Bahala na, ang nasabi ko sarili ko.
Ilan araw na rin ang lumipas, nagsusulat ako ng maikling kwento nang biglang nag ring ang cp ko, tapos ayun na, Isa raw ako sa Fellow ng 12th ANWW. Yiiiipppppiiihh!
(aayusin ko na lang uli to, inaantok na kasi ako, maaga pa ang pakat bukas)
http://www.panitikan.com.ph/content/fellows-12th-ateneo-national-writers-workshop-named
http://kalatasliteraryezine.wordpress.com/2014/03/24/fellows-12th-ateneo-national-writers-workshop/
Edi ito na, tinakbo ko na ang escalator sa LRT Katipunan station, sumakay na ko ng tricycle dahil hindi ko alam ang Ateneo. Inabot kami ng matagal sa guard house, ang daming kemeruit ni kuya guard, eventually, pinapasok din naman kami. Mabuti ang nasakyan kong tricycle, inihatid ako mismo sa building na pagpapasahan ko ng requirements. Less hassle na sakin maglakad. Pagod na rin kasi mula sa paglilibot ng mga schools.
Itong-ito na talaga, edi yun, sumalubong sakin si lady guard, in fairness naman kay ate, alam niya kaagad kung saan ako pupunta, at isa pang in fairness dahil hindi na ko na hassle sa kanya, pinapunta niya ako sa Department of Filipino. Pagpasok ko, kinuha ang brown envelope at sinabihan tatawagan na lang. Lumabas ako ng office, sumalubong sakin ang matamis na ngiti ni ate lady guard, kinamusta niya ako. Marami na raw ang nagpasa, hwag daw akong mawalan ng pag-asa, baka daw makuha ako. Lumabas ako ng Ateneo, na parang nakalutang sa hangin. Bahala na, ang nasabi ko sarili ko.
Ilan araw na rin ang lumipas, nagsusulat ako ng maikling kwento nang biglang nag ring ang cp ko, tapos ayun na, Isa raw ako sa Fellow ng 12th ANWW. Yiiiipppppiiihh!
(aayusin ko na lang uli to, inaantok na kasi ako, maaga pa ang pakat bukas)
http://www.panitikan.com.ph/content/fellows-12th-ateneo-national-writers-workshop-named
http://kalatasliteraryezine.wordpress.com/2014/03/24/fellows-12th-ateneo-national-writers-workshop/
Lunes, Enero 20, 2014
Kusina
-Teri Malicot
Nakataob pa rin ang tasa,
kasama ang ibang kasangkapan,
walang imik na tinatanggap ang kapalaran;
silang mga imahe ng pinagsasamantalahan
na papansinin lamang kung kailangan.
Dumaan ang patumpik na mga sandali,
nalihis, ikinahon ang turing
sa dalawang sulok ng pakinabang;
ang mga matang nakatuon sa liwanag,
bulag sa bagabag, natatabingan ng anino
ang mukha ng kahirapan.
Pansinin dili ang kanilang silbi
sa panahong may nalagas
sa kanilang sarili.
Nakasalansan ang pinggan,
palito ng posporo ang laki ng puwang,
sa hugis nila mapagtatanto ang hangganan,
ang pagbibigay halaga na nagtatapos kapag sila
ay isinalansan na sa paminggalan.
Silang katulad sa nagbungkal na hanggang sa huli ay
pinagkakaitan ng lupang sakahan.
Nababanggaan sa liit ng espasyo,
ang pagtatama ng katawan ay
lumilikha ng musikang bumabanghay
sa kanilang kahinaan.
Paulit-ulit itong tutugtog,
iihip sa tenga ng uhaw sa yaman,
aping bilanggo ng karahasan.
-----
Ang dumi sa ilalim,
naiwanan bakas,
o kapilas,
parang nasirang kabahayan ng maralitang
pinagkaitan, ang hangad
na mauuwi lamang sa basurahan.
palitan man ng luma ang bago,
ang timbangan ng kabutihan at kasamaan
mapanganib kung
hawak ng isang porsyento.
Daan-taon umayon,
sipag at tyaga ang sangkap,
disilusyon sa pag-unlad.
Ayusin, nilisin, takpan,
babalik at babalik sa pinagmulan,
dahil nakalapad na tatsulok ang lipunan.
Martes, Enero 14, 2014
Araw-araw nakatakip ang orasan sa MRT
- Teri Malicot
Natagpuan ko ang sarili na muling humahakbang ang mga paa. Sumasabay sa tutunguhin ng panawagan at pagtugon na mamuhay. Parang hindi ko mahugot ang pag-asa sa kinakalawang ng riles.Tila hindi ko matatagpuan ang pangarap sa makulay na stored value ticket. Pagkainip ang hatid sa akin ng ilang minutong pag-aantay sa pagdating ng tren na kalaunan ay magdudulot ng pangamba. Pangamba na kailan ko pa matitikman ang tunay na kabuluhan sa nakagisnan ng pagsusulsi ng naghihiwalay na hibla ng pamantayan. Lagi at lagi akong napapaisip ng angkop na hugis na maaaring mailalapat upang maging katanggap-tanggap. Ilang tao pa kaya ang bibilangin upang sumapat ang kagustuhan at tuluyan nang umusad. Kahit sa umpisa pa lamang ay alam na ang tatahaking hirap, patuloy pa rin sa pagtangkilik dahil nauuwi rin naman ang pagpili sa pagtitiis.
Dito, nagmumukha mang mabagal ang oras, nagmamadali ang lahat batay sa pangangailangan. Tulad ng mga paa ko na kusang umuusad sa nagdudumilat na tingkad ng yellow lane. Alam kong kapangahasan ang lumampas sa itinakda, ngunit masasabi kong kapag oras ng kagipitan, nagkakaisa ang mga pakiramdam nasa pareho at iba mang terminal.
Natututo na manglamang ang ilan dala ng kagipitan. Makatotohanang nakapagpapasya ang sino man na kumapit sa patalim kung ganap ang kakulangan at kagipitan. Walang natatakot, lahat sumusubok sumiksik sa loob, bahala nang may maapakan, bahala nang may maiwanan. Isasalba ang sarili sa kadahilanan na may umaasa. Tampok ang espasyong naiiwanan ng libong umuukupa sa trahedya ng kawalang-bahala. Madalang ang naaatim na lumingon at magpasalamat. Kaluwagan nga ang hatid ng pagbubukas ng pintuan, ngunit pansamantala lamang ito at maituturing na huwad na kalayaan na siyang magbibigay daan sa mas lalong kaapihan. Ang bawat kilos at pananalita ay maihahalintulad sa pintuan na ang katangian lamang ay magkubli at magparaya.
Katuwang ang hagdanan upang itong naghahanap ay kadyat na makaabot sa kani-kanilang tipanan. Ang hagdanan naman ay likha lamang at iba-iba rin ang katangian. Magkaiba ang iksi at haba, tibay at hina. Iba ang mukha ng hakbang ng mga paang tumatahak sa konkretong hagdanan, nadadagdagan ang kalbaryo sa pagbaba palabas ng istasyon. Sasabak sila sa walang katapusang labanan. Kaya, kakaunti na lamang ang kanilang panahong pagtuunan ng pansin ang mga nagaganap sa kanilang paligid. Makikisimpatya lang ang magbibigay kung may sobrang mahuhugot sa bulsa. Pantawid-gutom ng napabayaan. Ang barya mula sa benta ng yosi at kendi ay mahahati pa sa maraming gastusin. Nakakasikip sa paningin ang mga eksenang tumutunghay sa bawat kwentong may sugat na pinagsusumikapang gamutin. Nakakapigil-hiningang makita na ang mga pasahero ay tumitigil lamang upang makipagpalitan ng pangangailangan. Kay dalang o mas sapat na sabihin na hindi kailangang bilangin pa sa daliri para lamang masabi na sa kabila ng paghahari ng kawalang katarungan ay mayroon nagmamalasakit.
Sino pa ang may lakas ng loob na sambitin ang panawagan ng inaaapi at pinababayaan? Kung ultimong ang iilang kakapitan ay nag-aalilangang magbigay ng malinaw na kasagutan. Itong bang hawakan na nakasabit at kinakapitan ng mga kamay na dumaan na sa sunod-sunod na pagsubok at marupok sa tukso ng luho? Paanong masasabi na sila ay nilikha upang gabayan at tulungan ang mga napapagod nang mga kamay?
Hanggang sa masanay at makagawian ang pagkakanya-kanya. Sa napakaliit na puwang ay pilit na pinagkakasya ang sarili kahit maging alanganin ang pagkakatayo at sumikip ang paghinga. Iindahin ang hirap dahil takot na maiwanan ng panahon. Ang pansamantalang libangan ay ang tumanaw sa labas. Ito ang libangan na mapaglinlang sa sino mang mapapatingin. Paniniwalain kang pangangailangan ang mga magagarang sapatos at damit ng mga higanteng bulletin na nakahilera sa EDSA. Paniniwalain kang kulang ka sa araw na ito at magpakailanman ay hindi sapat ang iyong sarili. At bago ka pa makarating sa pupuntahan, pudpud na ang dangal at ipagkakamali mo, na ang benepisyong makukuha sa masikhay na paninilbihan para sa iilan ay muli lamang nagbabalik sa nawala.
Ganito ko nasasaksihan ang mga kaganapan sa MRT. Tulad ko at tulad din ng iba, na natatangay ng agos. May naiiwanan at napagsasamantalahan. Lahat ay kandidatong maging biktima ayon sa kanilang kahinaan. At kahit pa ang nasa lugar ay posibleng mayuyungyungan ng anino ng kasamaan, nasasalamin ng mga mata ko ang bawat detalyeng nakapaloob sa istayon ng MRT.Lumilipas silang tila ilaw sa aking paningin at nagtatatak ng kasaysayan sa aking alaala. Isa ako sa mga dumadakila sa kabila ng pagpasan ng bigat nito sa akin. Isa ako sa mga bawat araw na matapos duraan sa mukha ay nahihilang bumalik. Isa ako, sa mga walang magawa.
Kailan pa darating ang kahustuhan kung laging kapos ang sapat? Kailan pa maisasakatuparan ang tama kung hinahadlangan ang pagwawasto? Kailan ka pa mabibigyan ng malinaw na kasagutan kung binubulag ng panghuhula?
Nahuli ang mga dumating. Mawawalan ang mga paparating. Nakatakip pa rin ang orasan sa MRT. Naghihintay ng walang katiyakan. Tinatanaw na lamang mula sa malayo ang pag-asa.
Desyembre 1, 2013
Beki house
Biyernes, Oktubre 18, 2013
Lunes, Setyembre 23, 2013
Lovestruck sa MRT
Teri Malicot
Sabik ang tingin ko sa iyong pagdating,
kabisado ko ang iyong imahe
matakpan man ng mga nag-uumpukang ulo;
hangad na makakiskisan ng braso,
payapa na ang aking mundo.
Sa pagitan natin nagtatagpo
ang nag-iiwasang mata,
bumibigkas ng pagsuyo
ang mailap na bibig, humihinga
sa hinga ng isa't-isa.
Luningning itinuring sa daanan;
masikap ang mahina,
kahandaan ng katapatan.
Daig ng panghihinayang ng
nahuli ang oras na lumipas,
marahil ikaw ay nauna.
Puno man ng imbot ang kublihan,
langit ituring patungo sa kagaanan.
Sa kabila ng kapintasan,
malabo na ika'y pagsawaan,
Kahit masaktan,
dahil ang loob mo'y naninimbang
ng may kataasan.
#NotoMrtLrtFarehike
Lunes, Agosto 26, 2013
Kasero
- Teri Malicot
Pinupukpok ang yerong
'singnipis na ng balat,
maaaninag ang yupi
mula sa hampas,
malinaw ang marka ng
pinagdaanan
sa ilalim ng maraming
uri ng dahas.
Sabay-sabay ang
pag-aayos na tila orkestra,
ang tunog ng pukpok
ay may karampatan
na daing na
magsimula.
Binubukbok na ang
pundasyon kahihintay,
nalamigan na tutong
na ang sinasandok
ng kutsara,
tubig-ulan ang nakababad
sa balde, nakasalalay
ang lilim at init
sa butas na plastik
at kahoy. Ang mga lata
ng sardinas na lang
ang nakaiintindi
ng kalam ng sikmura.
Naiba ang nakagawian
para lamang magbigay
daan sa katiwasayan ng iilan.
Kawalan ang hatid ng
panahon
sa pagdadamot ng
araw, demoralisa
nang ginahaman ang
mga karapatan
at binibilang na tulong
ang itinira.
Sino ba ang may hawak
ng karapatan
ariin ang yaman kung
nauna nang inilaan
ang gamit nito sa
kabutihan
at kapakinabangan ng
sangkatauhan.
Sa loob ng sirkulong
pinagtutuunan
ang materyal at
pansarili;
Kailan pa matitikman
ang himbing
kung sa paglapad ng
likuran sa malamig
na sahig ay bumungad
ang nagbabanta
muling kalangitan?
*para sa mga nawalan
ng tahanan,
St. Joseph, San Juan
Brgy. Corazon de
Jesus, San Juan
at sa mga nag-aantay
maibalik ang ari
at pamumuhay.
Kuya Toto's Boarding house
August 26, 2013
Panganay
-Teri Malicot
Tumihala siya. Tumulo ang
dugo sa kanyang noo. Masama ang tingin niya sa tiyahin.
Hindi niya sinasadya.
Napalakas lang ng palo. Kasalanan niya dahil pumapalag pa siya. Damang-dama
niya ang nagpupuyos na galit sa mga mata ng pamankin. Nahihintakutan na siya.
Dahan-dahan niya hinugot ang
tinagong tubo sa likuran ng inidoro. Matagal na siyang nagtitimpi. Nagsasawa na
ang katawan niyang tumanggap ng bugbog. Nag-iinit ang kamay niya sa tubo.
Hinigpitan niya ang hawak, isang malakas na hampas sa ulo ang pinakawalan niya.
Dumanak ang dugo sa sahig ng
kubeta.
*****
1975 - 1977
Takbo. Ang awtomatikong rumehistro
sa utak niya. Tinitiis niya ang tusok ng bato sa kanyang talampakan. Kabisado
niya ang kabundukan ng Valderrama. Mahihirapan silang hanapin siya. 'Ni hindi
na sumagi sa isip niyang lumingon at mapag-sino ang humahabol. Hanggat may
kumakaluskos, lalo siyang humahagibis ng takbo. Kasing bilis ng tibok ng puso
ang hingal niya.
"Putanginang siraulo,
nakawala!"
"Maghiwa-hiwalay
tayo."
"Mahawakan ko lang
siya, isa-isa kong puputulin ang daliri nya!
"Hayaan mo pare,
mabibigyan rin natin ng katarungan ang asawa mo."
Dinig niya ang anasan ng mga
humahabol sa kanya mula sa tinataguan niyang puno ng balete. Natiyak niyang
ilan dipa lang ang layo nila sa kanya. Nanigas siya na parang bato nang narinig
niyang palakas nang palakas ang boses nila. Pinigil ang paghinga. Ilan sandali
pa ang lumipas, papalayo nang papalayo ang kaluskos. Sumilip siya mula sa loob
na nakakurbang kweba na ugat ng balete. Naaninag niya ang ulo ng mga humahabol
sa kanya papunta sa kabilang direksyon. Nang wala na siyang maaninag, nagmadali
siyang tumakbo papunta sa inaagusan ng talon.
"Hindi n'yo ko
mahuhuli. Mga gunggong!" Ang nasabi niya sa sarili.
Buwan ang nilagi niya sa
kabundukan ng Valderrama. Nagpalipat-lipat para maiwasan ang nagbabanta sa
buhay. Dumayo siya sa pinakatuktok na malayong maabutan ng pagto-troso. May
ilan na rin ang magto-troso ang nakakakita sa kanya. Napadpad siya sa boundary
ng Valderrama at Iloilo. Isang baranggay ang umampon sa kanya.
Dito niya nakilala si
Hanzel, taga-patag, napabilang sa provincial school board, naatasan magturo sa
mga baranggay na nasa bundok.
*****
1977 - 1997
Binuhat niya ang bunsong
anak na si Epet na nahihimbing sa tulog at sabay inalog-alog.
Si Dyun.
Sinusuntok sa tyan para gisingin. Kahit sino sa mga pinsan ang sumusuntok. Siningitan ng biente ang salawal habang natutulog. Nagsumbong ang naglagay. Walang habas siyang pinagsasapok ng tiyahin.
"Magnanakaw! Palamunin ka na nga magnanakaw ka pa!"
"Yan!
Putangina n'yo! Mga Bwisit kayo sa buhay ko!" Padabog niyang binaba si
Epet. Lumagapok ang ulo nito sa sahig. Humagulgol ng iyak sa sakit natamo.
Kinuha niya ang lantip sa kusina. Isinilid sa beywang. Binuhat ang isang
galon ng tuba na may halong emperador at kumuha ng isang plastik ng mani. Agad
siyang lumabas ng bahay.
*Lantip -
kawangis ng kutsilyo o balisong.
Ikinarga ni
Helen si Epet na nahihirapan huminga sa kakaiyak. Pinatahan niya ang bunsong
kapatid. Madaling uminit ang ulo ng kanilang ama. Gigil na gigil itong
pagbuhatan sila ng kamay.
Maagang naningil ng upa sa
lupa ang mga Canja. Kilalang lahi sa Bugasong. Doktor, inhinyero, abogado ang
tinapos. Nagmamay-ari ng ektaryang lupa sa San Jose na kabisera ng Antique at
mga resort sa isla ng Caluya, Mararison at Nogas. Ang mga Escote na kamag-anak
rin nila ay nasa politika. Ito ang ikinaiinit ng ulo ng ama ni Helen. Hindi pa
nga natitimbang ang naaning mani, naniningil na kaagad.
"Mga mukhang pera!
Yumaman dahil sa kurapsyon!"
Sinapok si Helen ng kanyang
ama. Maluha-luha niyang tinitigan ng masama ang ama. Hindi naman siya ang may
kasalanan bakit siya ang pinag-iinitan. Pati tuloy si Epet na walang
kamalay-malay nadadamay.
Si Helen. Panganay sa anim na magkakapatid. Sumunod sila Noknok, 15,
Dadong, 12, Inday, 10, Bebedak, 8 at Epet, 5. Nasa four year highschool na siya
nang pahintuin ng ama sa pag-aaral. Nahihiya man siyang aminin na sa edad
niyang 19, hindi pa siya makatapos ng sekondarya. Sa maraming beses na huminto
siya sa pag-aaral, dumating na sa punto na malabo pa sa napulusyong-tubig ang
pag-asang makabalik pa siya sa pag-aaral lalo't siya na ang inaasahan ng
pamilya bilang panganay. Maagang namaalam ang ina niyang si Hanzel.
Walang
permanenteng hanap-buhay. Kung ano lang ang mapasukan pagkakakitaan. Noon
kapanahunan ni GMA, napabilang siya sa mga tagalinis ng kalsada. Nagtinda ng
tanim na sibuyas sa palengke. Nagbubunot ng mani sa taniman ng taga-Ilaya.
Arawan ang sahuran. Pumapatak na isangdaan, isang araw. Siya rin ang
nag-aasikaso ng mga kapatid, sa bahay, pagkain, dumidiskarte ng pambayad sa mga
gugugulin. Kailangan niyang maging mautak, kahit h'wag na sa sarili at sa ama
kundi para sa mga kapatid.
Inabutan n'ya
ang bahay na nangangulot ang noo ng mga tao. Nag-uupakan sila Epet at Bebedak
dahil sa Snaku. Pagal na ang katawan niya mula sa maghapon pagbabalat ng mani.
Nahihilo na siya sa gutom. Walang panghapunan. Naghuhuramentado ang ama niyang
walang naabutan na pagkain sa hapagkainan. Gulping bumugso ang nerbyos sa buo
niyang pagkatao. Sa pagitan ng pintig ng puso, tumusok ang pag-asa, si Auntie
Isay.
"Kumuha ka
na lang sa kusina ng makakain niyong magkapatid. Ikaw na ang bahala at may
gagawin pa ko." Agad tumalikod ang nababalisang si Auntie Isay. Binalikan
ang matamlay na alagang kambing sa balkonahe.
Nasa kusina ang
basket na bigay ni Auntie Isay. Ang laman ay dalawang tumpok ng saging, daing,
tuyo, munggo, kape, asukal na pula at bigas.
Lalabas na si
Helen sa balkonahe nang natigil siya sa sinabi ni Auntie Isay.
"Pinag-iinitan
ni Kapitan 'yang mga alagang n'yong baboy. Nakakaperwisyo na raw ang baho.
Ipapakatay daw niya para may handa sa piyestahan."
Hindi siya
nagpahirap magpalaki ng baboy. Gago ba siya? Kaya matamlay yang kambing mo,
Auntie kasi ginahasa ni Kapitan nun isang gabi sa may tamburong.
Muntik na masabi
ni Helen. Itinutulak siya ng inis. Pinukol na lang niya ang tingin sa nilalaman
ng basket, tsaka niya naisip ang nangangulot na noo ng mga kapatid. Umalis
siyang nag-aalinlangan.
Iniiwas ni Helen
tumingin sa mga papasalubong sa kanya. May pakpak ang balita, may tenga ang
lupa. Kapag nagawi siya kina Auntie Isay at may bitbit, hininging pagkain.
Nakadikit na sa mga ibinibitbit niya palabas sa bahay ni Auntie Isay ang inutil
na ama at ulirang anak.
Napapalunok na
lang siya habang naglalakad pauwi. Hanggat maaari umiiwas siyang lumapit kay
Auntie Isay dahil ang paghingi ng tulong ay tunay na nakakabilaok sa aba nilang
kalagayan.
Kagyat kumain ang
magkakapatid. Sino man ang mahuli ay mapagbubuntunan ng galit ng ama na
maghapong nasa inuman. Beterano na sa laklakan, kung bakit hindi pa matutunan
na idiretso sa t'yan ang iniinom, laging katwiran ang sobrang kalasingan ng
pag-uumpisa ng kaguluhan at pambubugbog. Naturang may bayag pero nagtatago ang
tapang sa espirito ng serbesya.
Pinaunang
pinatulog ni Helen ang mga kapatid. Magtulog-tulugan kahit hindi pa inaantok.
Paparating na ang ama niya sa loob ng 15 minuto. Babara-bara niyang hinugasan
ang ligpitin, nilubog sa tubig na may halong sabon sabay lagay sa planggana,
bukas na lang ulitin. Kakarampot ang oras na nalalabi, sasapit na ang ugaling
militar ng ama niya.
Dahan-dahan
bumubukas ang pintuang kawayan. Impit ang hininga ni Helen. Humihigpit ang
paglamukos niya sa unan. Anong napupusuan niyang gawin ngayong gabi? Pinanatili
siyang gising ng bagabag. Dumidiin ang yabag ng paa sa sahig na kawayan.
Papalakas ng papalakas ang mga yabag na patungo sa kanyang silid. Siguradong
papalapit na ang ama niya. Sinungkit-sungkit nito ang kandado ng pintuan ng
kanyang silid na binugkos na tali lang. Halatang naiinis na dahil pilit na
binabatak ang pintuan. Makailang saglit pa'y sinipa na ito ngunit hindi pa rin
nabuksan. Lalong kinabahan si Helen. Mahabang katahimikan at pakiramdaman ang
panandaliang naghari.
"Anak,
pakihanda muna ako ng kape." Marahan na kumakatok ang ama.
Nagdadalawang
isip si Helen kung sasagot siya o hindi. Mabigat ang loob niyang binuksan ang
pintuan. Sa kusina, ilang beses niyang pinaikot-ikot ang kutsarita sa tasa
matapos ay dinuraan. "H'wag kang gagawa ng masama." Bulong niya sa
tasa.
"Dito ka na
lang matulog sa labas para mabantayan mo ang kalabaw. Baka makawala."
Labag man sa kalooban, sinunod na lang ni Helen ang utos ng ama. Makakawala
lang naman ang kalabaw kung hindi naitali.
Mahaba-haba na
ang naitutulog ni Helen nang maramdaman niya ang paggapang ng malamig,
magaspang na kamay sa kanyang binti.
Si Dyun.
Nasa disi-otso na'y pinapaliguan pa rin ng
tiyahin. Lumalaking binibihisan ng
pambabae. Ang bawat pagtanggi ay may katumbas na kaparusahan; pukpok sa ari, sinisindak at pinapatulog sa kulungan ng baboy.
"Psssh,
h'wag kang mag-iiskandalo kundi ipapakain ko 'tong titi ko kay Bebedak."
Nanigas na
parang yelo si Helen. Sa kabila ng sinuungan na panganib, ang kaligtasan pa rin
ni Bebedak ang pinangababawan niya. Kaunting galaw lang niya ay nararamdaman
niya ang pangangalmot ng tanim ng lantip sa kanyang leeg. Kadugo ang
nakaatim gumawa ng ganitong kahalayan. Kasabay ng pagtulo ng kanyang luha ay
ang pagtulo ng laway ng ama na tumahak din sa pinag-agusan ng luha. Iisang daan
ngunit magkasalungat ang dalang hinain. Nakatulala lang si Helen sa Sto, Nino
De Bugasong. Hindi siya humingi ng saklolo, para san pa? Naging mabuti siyang
alagad, bakit hinayaan nitong mangyari ang ganitong pagsasamantala sa kanyang
pagkababae? Wala. Walanghiya. Walanghiyang D'yos. Manhid sila tulad sa kahoy at
marmol kung saan sila yari.
Huminto yumugyog
ang papag. Tunog ng sinasaradong zipper ang huling umihip sa pandinig ni Helen.
Ipinikit niya ang mga mata, at sa muli niyang pagmulat nakayap na sa kanya si
Bebedak.
*****
Si Dyun,
Nasa walong taon siya. Madaling araw noon
kasarapan ng tulog nang biglang
siyang binitbit ng tiyahin. Dumaan sila sa masisikip na iskinita. Halos hindi na siya makahinga sa
higpit ng
pagkakabusalsal sa bibig niya. Takbo
nang takbo. Hinahabol sila ng pulis.
Bumunggo ang ulo niya sa tagiliran ng pader ng bahay sa bilang liko , napahagulgol siya sa sakit. Magkakamag-anak na batok
ang pinatikim sa kanya ng tiyahin. Natunton
ng mga pulis ang ingay. Wala nang ibang madadaanan. Naipit na sila. Isang makipot at
mahabang daan na inaagusan ng kanal
ang sinuungan nilang magtiyahin. Pinagtiisan nila ang amoy ng kanal. Kasunod nila ang humahabol na mga pulis. Dead
end. Umakyat sila sa bahay para sa bubungan dumaan. Nakataas na ang mga baril. "H'wag magpaputok, may kasamang bata!"
Bumagsak si Dyun mula sa ikatlong
palapag.
Nag-iwan ng marka ang pagbagsak na iyon sa
kanyang pagkatao.
Gabi na nakauwi
si Helen. Naglabandera siya sa pamilya Escote. Mula sa tarangkahan ng hardinan,
nadinig niya ang kalampugan ng mga kaldero.
Nagdali-dali
siyang umakyat, sinusuntok ng ama nila si Dadong. Tinatadyakan palabas ng
bahay. Nagsusuka si Dadong. Namumutla. Dali sumaklolo si Helen. Buong lakas
niya itinulak ang ama papalayo.
"Ano ba
'tay! May sakit na si Dadong, bakit n'yo sinasaktan?"
"Wala nang
ginawa yan kapatid mo kundi umiyak ng umiyak, naririndi na tenga ko!"
Hindi na
nakipagtalo si Helen. Mataas ang lagnat ni Dadong. Mas kailangan niya bigyan ng
atensyon ang may sakit. Inalalayan niya ang kapatid at dumiretso sila sa bahay
ni Auntie Isay.
***
Dinala si Dadong
sa ospital ni Auntie Isay. Nagka-UTI. Sa ilan oras na nawala si Helen,
nahihiwagahan siya ng atmosperang inabutan
sa bahay. Si Inday na animo'y naliligaw ang diwa sa pagitan ng mga
talutot ng bulaklak. Kay layo ng tingin. Nagsasalin sa iling at tungo ang mga
sinasagot ni Inday sa mga tanong ni Helen. Sinubukan niyang hanapin ang mga
kapatid, sa pag-akyat niya sa bahay ay bumungad sa kanya ang lantip na
may bahid ng dugo. Kumalat ang dugo mula sa sala hanggang kusina. Inuna ni
Helen na hanapin si Bebedak. Natagpuan
niyang itong namamaluktot at nakangiwi ang mukha. Nakahawak siya sa sariling
ari.
Kagabi...
Ungol ng hayok sa laman ang nangingibabaw
sa kabahayan. Apat na katao ang
nagsasalin-salin sa dalawang katawan.
Pawis at lansa ng laway ang humahalo sa
maalinsangan gabi. May katumbas na sampal
ang bawat pagtanggi. Sabunot sa bawat gigil. Tangin iyak lang ang paraan ng paghihiganti. Walang magawa si Noknok dahil iginapos siya ng mga kumpare ng ama niya. Sa mismong harapan
niya nagaganap ang pagbababoy kina Bebedak at Inday. At ang mismong ama ang humahawak sa braso at binti ng mga anak.
"Demonyo ka 'tay! Demonyo ka!"
Namimilipit na sa hirap si Noknok.
Kinagat ni Epet ang sumasabunot kay Inday ngunit
sipa ang inabot niya. Iginapos siya sa dinggin sa
tabi ni Noknok.
Tila agunyas ang ingay ng mga kuliglig na
nakikiramay kasabay ang pagpag ng mga hinubad na damit. Kinaladkad si Noknok ng kanyang ama papunta sa ilalim ng kubo kung saan nakatago ang mga kagamitan sa
pangunguma. Pinaghahampas ang katawan niya ng makapal
na lubid. Nilubayan lang si Noknok ng ama nang
nanlalata na ang katawan niya. Naaninag ni Noknok
sa ama ang kalasingang nito kahit nasa parteng
madilim ito umiihi. Nakalas na n'ya ang
tali sa kamay,
dinampot niya ang lantip na naiwanan nito sa
kanyang tabi.
May pruweba na
siyang hawak na may nangyari kagabi nang wala siya para magbantay kay Dadong sa
hospital. Matinding hinagpis ang namuo sa mga mata ni Helen nang hindi na
masaklolohan ng pagtitimpi ay naging luhang balisawsaw sa paghahanap ng
katarungan. Hinimas-himas niya ang likod ni Bebedak upang mabawasan ang
dinaranas na hirap. Bumalik sa alaala ni Helen ang gabing inabuso siya ng
sariling ama.
Itim na may
bahid ng dugo ang paningin niya sa paligid.
Sa hangin niya
ibinulong na tutuparin niya ang nag-iisang pangarap na matagal nang inaasam
nilang magkakapatid.
Bumababa si
Helen sa ilalim ng kubo. Natagpuan niyang namimilipit sa sakit ang ama.
Nagkalat ang dugo sa paligid. Nagtamo ito ng maraming saksak sa iba't-ibang
parte ng katawan. Nakikiusap ang ama niya na dalhin siya pagamutan. Humingi ng
patawad. Ngunit bingi si Helen.
"Ngayon
natuto kang makiusap."
Tugma ang
panahon upang balikan ang nagdaan itinakwil sila ng kapalaran nang ito'y
nagbukang-liwaway subalit maaga pa ang takip-silim upang iwan silang hindi pa
bumabangon mula sa kinasaklakan.
Kinuha ni Helen
ang makapal na lubid na ipinapangtali sa kalabaw. Pinaikot ng isang beses sa
leeg ng kanyang ama. Binuhol n'ya ang isang dulo sa puno ng niyog at ang
kabilang dulo ay itinali sa kalabaw. Itinali niya pati ang kamay at paa.
Sinipat niyang maigi ang tali at niyugyog upang malaman na hindi luluwang ang
pagkakabuhol sa bawat dulo. Sampung beses niya pinalo ang kalabaw upang umusad.
Siniguro niyang hindi na humihinga ang ama pagbalik niya sa puwesto nito.
Dilat ang mata.
Agad na ibinalot ni Helen ang katawan ng ama. Tinabunan ng lupa ang dugong
nagkalat. Inalalayan niya si Noknok na humihikbi, magdamag ito na nagmumukmok
sa madilim na sulok. Umakyat sila at
tumuloy sa silid. Isa-isa niya inayusan at binihisan ang mga kapatid.
***
Si Dyun,
Makailan ulit siyang tumangkang tumakas sa bahay ng kanyang tiyahin. Ngunit nahuhuli rin siya matapos. Ginagapos siya sa hagdanan. Nananatili siyang nakatayo
hanggat di pa nagsasawa ang tiyahin niya
sa pagsusugal. Pinapatay ang
sigarilyo sa hubad niyang katawan. May
kakambal na sapok ang bawat mura kapag
natatalo. Wala na siyang natirang respeto sa
sarili dahil ang mismong tinuturing niyang pamilya
ay di siya pinahalagahan. Wala na siyang nakukuhang
kunsuelo maliban sa natatanggap niyang pananadista ng pamilya ng kanyang tiyahin. Ultimo sa panaginip ay hinahabol siya ng
mga kamaong sabik sa pananakit. Pinagsilbihan niya ang bawat taong nakatira
at nakisilong sa kanilang tahanan sa pangangailangan
nila mula ulo hanggang paa sa inaakalang may kaunting maibabalik sa kanya. Ngunit, ang mismong pamilya
ay maraming dinadalang personal na
problema na sa loob ng mahabang panahon
ay lalong lumalala. Mga alitan na hindi nareresolba,
problema ng naghihikahos at ang pagkawala
sa katinuan.
Pinatay ng ina ni Dyun ang asawa. Pinahiran ng likidong lason ang bibig nito habang
natutulog. Hinalikan at ininom ang natirang likido. Walang nakaalam sa nangyari dahil sa takot na mabulgar ang baho ng pamilya, agad na
dinispatsya ang mga labi. Ang tiyahin na kapatid
ng kanyang ina ang kumupkop kay Dyun.
Ang bahay na kanyang kinalakihan ang tanging saksi sa bawat araw na iniinda niya ang kumikirot na pasa at ang kwento sa likuran ng sugat.
Si Dyun sa kanyang pinagdaanan na sa murang edad ay hindi nakayanan
ang bigat, animo'y repleksyon sa salamin
na bumalik sa kanya ang mga naganap.
Si Dyun na ama ni Helen.
***
Madaling araw, nakapalibot
ang magkakapatid sa pinaglibingan ni Dyun. Hindi na kailangan na marinig ang
tinig kusang nangungusap ang katahimikan namumugad sa bawat isa sa kanila.
Nauupos na ang kandila.
Lahat ay nakatulala. Walang bakas ng luha. Tahimik. Sa unang pagtilaok ng
manok, isa-isa silang naghugas ng kamay sa kalapit na batis.
Huling silip ng
pamamaalam mula sa mga matang nabahiran ng biglang pangungulila. Tumapak ang
bigat ng hakbang sa lupa, tutungo sila sa landas na nangangako ng pagbangon.
Hahayaan na pawiin ng hangin ang bakas ng taksil na kahapon. Maghihilom at
maghihilom din ang sariwang sugat. Mag-uumpisa sila mula sa wala. Mag-uumpisa
kahit mangapa.
***
Hindi pa
sumisikat ang araw. Ikinando ni Helen ang pintuan ng bahay. Pinagmasdan niya ang bawat kanto, ang haba at ang lapad
nito. Maliit man ituring ay naging matibay itong kanlungan ng maraming
karanasan na nagpainog sa bawat kabanatang bumuo ng kanilang kaisipan at
kaugalian.
Saglit siyang
natigilan, dumampi ang malamig na hangin sa kanyang batok. Tumayo ang balahibo
niya sa buong katawan. Nanghina ang
kanyang mga tuhod. Sa tagal ng titig niya sa bahay, napagtanto niyang walang
maitatagong kasaysayan dahil patuloy na naghahanap ng kasagutan ang mga
katanungan ng kasalukuyan. Nakikinita niya na darating ang panahon na
maniningil ang kahapon. Siguro, aantayin na lamang niya itong sunduin siya.
Nilingon niya
ang mga kapatid na bakas sa mukha ang iba't ibang anyo ng lungkot. Napakalayo
pa ang lalakbayin mula sa baryo Bagtason patungo sa masukal na kagubatan ng
Valderrama. Pinayuhan niya ang mga kapatid na mahahanap ang maayos na buhay sa
tahimik at malayong lugar kung saan malimit ang pagdalaw ng multo ng nakaraaan.
Nagsisikip ang kanyang dibdib ngunit sinikap niyang pinaintindi sa kanila ang
kabutihan ng paglalayo.
Bitbit nila Dado
at Noknok ang ilan mga kagamitan. Si Inday ay inaalalayan ang tumatangis na mga
nakababatang kapatid na sila Epet at Bebedak.
Tinatanaw ni
Helen ang pagtawid ng mga kapatid sa ilog na may kipkip na pangako ng maliwanag
na bukas sa bawat puso ng isa. Unti-unti na silang nawawala sa kanyang
paningin. Binuksan niya ang kandado ng pintuan ng bahay. Umupo siya sa papag.
Tuminghala sa Sto. Nino De Bugasong. Sa huling pagkakataon ay sana dinggin ang
kanyang hiling na patnubayan ang mga kapatid at ilayo sa kapahamakan.
May layunin
siyang tutuparin. Kahit ano pa man mangyari, kahit ang pagtupad ng layunin ay
siyang hahadlang na makapiling ang minamahal na mga kapatid. Hindi angkop ang
bigat ng responsibilidad sa katawan nangingilala pa sa pagdarahop. Aakuin niya
ang hirap kahit salubungin siya ng madilim na bukas dahil alam niya na sa dulo
nito ay ang liwanag,
"Pansamantala
lang ito. Pangako, magkakasama rin tayong lahat."
* Kuya Toto's Boarding house
August 26, 2013, nang natapos
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)












