Biyernes, Agosto 10, 2012

Pinilakang-tabing




Sa malaking bato
ako ay naupo.

Pinagpahinga ako
ng mga lungkot at takot
na magugulo
na nagtagu-taguan
sa akin ulo.

Sa akin pagkakaupo,
abot-tanaw
ang kaway
ng mga alon
sa dulo,
hudyat ito.
Sa pagkampay
ng hangin,
umawit ang mga puno,
yumuko ang mga damo.
Ang mga dahon sa tabi
ay nagpalakpakan
sa hukbo ng espinghe
na nagsayawan bilang
pagpugay sa bida ng
pelikula ng aliwan.

Pansamantala,
nawala ang lungkot
at takot. Nabahiran
ng anghel nagdaan
ang kapayapaan.
Nagpalitan ng
ngiti ang kalangitan.


Dumating ang kalaban
tinukso ang kalangitan
nagdamdam ito
kaya bumuhos
ang malakas na ulan.
Sa pagdampi
ng ulan nakadama ng
awa ang karagatan,
kumuyom ang alon
nakipagbunuan,
hindi nagkasundo
kaya nagsalpukan.
Nagtaka ang hangin
sa kinilos ng karagatan
akala galit sa kanya
dahil mali ang naiturong tono
inawit ng mga puno.
Napahiya, kumaripas
ng takbo.
Sa bilis ng takbo
natumba ang
malawak na hanay
ng puno
at ang lupa
ay gumuho.


Nanindig ang
akin balahibo
ako ay napatayo.
Nagpatintero
ang kaba at agam
sa akin ulo.


Pinatay ang sulo,
matapos ay sumara
ang kurtina.
Sapat na siguro itong
kasagutan,
na sadyang
hindi magpapantay
ang dalawang bagay.











Makulimlim ang kalangitan.


Nababalutan ng dilim ang sisilungan,


kasabay ng pagbagsak ng ulan


ay ang bigat at pagod na namumugad


sa pusong tadtad ng sugat...

Huwebes, Hulyo 12, 2012

7777


Pamilyar ako sa pighati hatid ng masalimuot na alaala ng nakaraan,

Memoryado ko na kung paano supilin ang nagpupuyos kong damdamin sa tuwing sila'y bumabangon

          upang ako'y batuhin ng walang sapat na lakas upang lumaban.

Galamay ko na kung paano kontrolin ang mga mata na h'wag lumuha sa oras na ako'y hatulan

           na may gawa ng kasalanan.

Bihasa na ko sa ganitong larangan...

Patadyong





Isang umagang nagpupugay,
ang babati sa iyong nakamit na tagumpay.
Ang mga pighati at alinlangan
delubyo ito sa lansangan.
Ang mga sinulid at makinilya dito sa Bagtason ang tahanan.          
Ito'y hindi magbubukas sa mapanupil na kahadlangan.

Kagipitan nanahan sa mga pahanon ginugol,
ang kwento ng kanyang buhay ay itataguyod,
kahit ang bukid sa tan-ayan ay tuyot.
Ituring ginintuan ito pamana sa nagmamartsang bagong sibol.

Hunos-diling iniinda ang rayuma
hatid ng inaanay na hagdanan
patungo sa katandaan.
Ang pagpapawis sa hirap,
uma ang itsura ng makinilya sa harap
kalakip sa bawat indak,
na sumasaliw sa bawat hiyaw ng padyak,
na dumadaing sa bawat hila't pagpag,
iiyak ang hinagpis
sapagkat ang tanging hangad ay masilayan
ang ngiting magpapatingkad sa iba't ibang kulay
na mag-uugnay sa kanyang nakaraan at kasalukuyan
at magsusulsi sa kanyang kabubuan
pagkatao't angkin kakayahan,
na siyang susuyo
sa mabangis na sugo
upang isuko
ang pana
taglay ang dagta
na lalason sa iyong likha
at magpupunla
ng kawalan ng pag-asa.

Saan man bahagi,
dumampi ang hapdi
o malalang sakit na hahagpos
sa kanyang munting katawan,
habang ibinubulong ang epiko
tuwing kabilugan ng buwan
sa ugoy ng hinabul na duyan
siya ay mahihimbing....

mapapatahan...



Lunes, Hunyo 25, 2012

dalaw




Umunat muli siya sa higaan, idinantay ang kanyang mga paa sa malambot na unan. Humiga siya sa posisyon na nakapako sa krus. Kinasisiyahan niya ang malawak na kama. Higit niyang kinahuhumalingan ang paglapad ng kayang katawan sa higaan na para siyang nasa paraiso. Naghahanap ng kalinga ang mabibigat na talukap ng kanyang mga mata.





- Tutulugan mo lang pala ako.

Bumalik siya sa pagkakaupo at tumabi sa kanya. Hinalikan niya ito sa balikat upang pawiin ang kanyang pagtatampo.

- Matutulog muna ako, mamaya.... jack en poy tayo. Sabay kindat niya sa kanya.

Humiga siya nang paharap sa kanya. Nakadantay ang kanyang kanan braso sa mga binti nito. Kahit anong pilit niya hatakin ang diwa, kusa itong nagtatago sa kuweba ng malalim na dimensyon.

-Baka nao-overdose ka na yan.

Ang huli niyang narinig dito, yun lang at at unti-unti nang hinahatak ang diwa niya pailalim sa malawak na kawalan.






-Mahal lalabas ako saglit. Ihahatid ko kay Enteng 'tong wallet niya. Hawak niya ang cellphone, akma siyang tumayo upang lumipat ng upo malapit sa drawer.


-Bakit mo ihahatid? Ipit ang kanyang mga kataga nang tulad sa bini-back mask na tape. 

Nagmulat siya ng mga mata, ipinukol ang tingin sa kinaroroonan nito.

-Naiwan niya bago siya umalis.

Ngumitngit sa inis ang kanyang mga ngipin. Senyales na tumututol siya sa nais nitong gawin.


- Madaling araw lalabas ka? Alanganin sa oras, baka kung mapaano ka pa.


-Sandali lang ako mahal, hindi ako magtatagal.

Isang malalim na bugtong-hininga ang isinagot niya dito. Mabigat ang kanyang talukap, pinipigilan nito ang mga paparating na gagambala sa kanyang antok. Ayaw na niyang humaba pa ang prusisyon sa pakikipagpilitan kung sino sa kanilang dalawa ang unang susuko dahil hindi niya kanyang tanggihan ang luho ng kanyang mga mata. Makikipagtigasan siya ng kaunti baka magbago ang isip nito.

Tumayo siya mula sa kinahihigaan. Tila namamanhid ang kalamnan niya sa pisngi, hindi niya maisabulas ang kanyang saloobin kung kaya't dinaan niya ito sa pagmamaktol.

- Gabi na masyado ah. Wala pang ilaw d'yan sa daraanan mo. Alam mong mainit ka sa mga mamang salbahe nanghuhuli ng tutubi.

Sa wakas naisatinig niya ang nais sabihin. Buo at puno ng pag-aalala ang kanyang tinig, pili at maingat siya sa mga binibitiwan salita. Nag-aalala siya na baka mag-iwan ito ng bakas ng  pangamba sa kanyang puso at mabuo ang mga katanungan manganganak pa ng maraming katanungan hanggang mauwi ito na nasugpon na ng lohika ang dapat bubuhay sa kanyang emosyon. Magkasalubong ang kilay nito ng tumingin sa kanya.

Hinagkan niya ito sa noo tanda na sinisiguro niya na walang mangyayaring masama sa sarili.

- Nagagalit ka na. Pabilog ang buka ng kanyang bibig nang binigkas niya ito. Sa tono ng isang batang umaamin ng pagkakamali na may halong pagmamakaawa.


- Baka nag-aantay na don si Enteng, mahal. 

Lumambot ang kanyang puso ng malambing na pakiusap nito.

- Sige alis ka na. Mag-iingat ka at dalian mo. 

Diniin niya ang salitang 'mag-ingat'. Ewan, hindi niya maintindihan ang ingay ng gabi. Nagsasamo ang bilis ng tibok ng puso na nagdudulot ng kaba sa twing naririnig ang pagra-rap ng mga butiki, sa pag-aalala na dumadaloy sa isipan na sumusulpot sa falsettong tahol ng mga punkistang aso. Ang hangin, hindi maintindihan kung saan gagawi. Kung sisipol ng init sa hilaga o kung magbubugtong-hininga ng hamog sa kanluran. Ang saboy ng liwanag mula sa mga poste at bombilya sa labas ng kabayahan, malabnaw ito na pinaghalong liwanag na parang dugo sanhi ng pagtarak ng korona ng liwanag na mala-araw ang kulay. Iba-iba ang hinain ng bawat elemento. Hindi maintindihan ngunit organisado ang mga elementong ito na sumasaklaw sa buong gabi. Hindi maintindihan ang ipaparamdam, ngunit sentralisado ang bawat gawain at hakbangin ng mga ito na namumugad sa bawat sulok ng kanyang pagkatao.

Nangangamoy kandila.


Niyakap niya ito sabay piningot sa ilong.

- Tulog ka muna. Malapit lang ang kanto, yung pinaghatiran natin kay Enteng kanina.

Hindi niya inintindi pa ang sinasabi nito. Umunat na muli siya sa higaan, idinantay ang kanyang mga paa sa malambot na unan. Humiga siya sa posisyon na nakapako sa krus. Kinasisiyahan niya ang malawak na kama. Nahuhumaling ang kanyang katawan sa pagkakalapad sa higaan para siyang nasa paraiso. Naghahanap ng kalinga ang mabibigat na talukap ng kanyang mga mata.

Hindi na siya nagpasama sa minamahal dahil alam niyang takaw-antok ito.

Hindi na rin siya sumama dahil buo ang tiwala niyang makakauwi ito ng maayos.

Sa kanto nga lang naman iyon...





Dumampi ang malamig na hangin sa kanyang katawan. Mapamulat siya ng kaunti sa ginaw na hatid ng mahamog na gabi. Sa kanyang pagmulat, nakita niyang nakaawang ng kaunti ang pintuan, kumakaway ang kurtina nang hanginan ito. Natanaw niya ang malabnaw na liwanag na tumatama sa labas ng bahay, parang may pigura ng tao ang nakita niyang anino.

Pinilit niyang inimulat ang mga mata ngunit tila nakatali ng garter ang dulo ng kayang talukap sa pang-ibabang dulo nito na kahit anong pilit niyang ibukas ay sumasarado rin ito pagkatapos.

Naiinip na siya...

Pumasok ka na Liezel, maglalaro na tayo ng jack en poy... Sabi ng kanyang utak.

Tumupi ang kanyang mga mata na sumasamba sa makahiya.






- Mary, gising na. 

Mariin na halik sa batok ang nagpagising sa kanya. Hinarap niya kaagad ang pinagmulan nito.

-Bakit ang tagal mo? Bigkas niya habang humihikab. 

Hindi na ito sumagot. Siniil siya kaagad ng halik nito. Mainit, marubdob, matakaw. Hinubaran siya nito sa unang pagkakataon. Nagpaubaya naman siya ng tulad sa isang alipin.

Kanina ka pa nakahubad? Siya ay nakayap dito habang binibilog ng hinlalaki niya ang nipol nito na parang clay. Malungkot na mukha lang ang sumagot sa kanyang tanong.

Nagpaubaya sila sa bawat utos ng kanilang mga katawan. Sumasayaw sila sa tugtugin ng malalim na gabi.



Kumukulo ang tubig. Umapaw ang kulo nito sa mga sanga 
ng kanyang mga ugat papunta sa kanyang pusod 
upang sa huli ay magbunsod ng alarma sa kada 
sulok ng kanyang tigang na laman. 


konti na lang...

Umungol siya sa tindi ng init na nagpapalabgab sa mga alaalang kulang ng konsepto, sa mga alaalang namaalam ang tingkad ng kulay.


Sabay-sabay na napuno ang kada sulok, 
tumulo ang sobra, 
nag-flush ang tubig sa inidoro.


Napaigtad siya nang magising. Agad niyang kinapa ang foam. Basa ito.

Bumalik siya sa pagkakahiga. Umunat na muli siya sa higaan, idinantay ang kanyang mga paa sa malambot na unan. Humiga siya sa posisyon na nakapako sa krus. Kinasisiyahan niya ang malawak na kama. Nahuhumaling ang kanyang katawan sa pagkakalapad sa higaan na para siyang nasa paraiso. Inaantok pa siya.


Lumingon siya sa kanan, wala sa tabi niya si Liezel. Nakita niyang nakaawang ng kaunti ang pintuan, kumakaway ang kurtina nang hanginan ito.


Umupo siya sa gilid ng higaan, kinuha niya ang cellphone sa gilid ng lamshade. Nagbasa siya ng mga text messages. Binuksan niya ang unregistered number:

Mary, si Enteng 2. Nand'yan pb si Liezel? kanina ko pa cya antay di2 sa kan2.


Binaba niya ang cellphone. Binuksan niya ang drawer na katabi ng kanyang kama kung saan nakatago ang sleeping spills na iniinom niya. Nakita niya ang wallet ni Enteng.

Tinignan niya ang oras sa digital alarm clock sa gilid ng lamshade.


November 28, 1:05 am. 

Hinawakan niya ng mahigpit ang wallet. Nag-uunahan umagos ang luha sa kanyang mga mata.




Death anniversary ni Liezel.


Linggo, Abril 22, 2012

CHOCKNUT


3:30 p.m

Ganitong oras ako umuuwi tuwing araw ng sabado sa bahay namin sa Bagtason. Madalas naaabutan kong walang tao ang bahay. Tahimik. Iniiwan nilang nakaawang ng kaunti ang pintong yari sa kawayan.

“Walang tao. Nasaan na naman kaya sila.”  Pagtataka ko.

Lahat ng mga dalahin ko ay inilapag ko sa upuan. Nagpalit na rin ako ng damit pambahay. Pumunta ako ng kusina upang maghalungkat ng makakain. Dahil nasa probinsya, karaniwang hindi mawawalan ng prutas at lamayo (tuyo). Ayos na ang inihaw na tuyo. Ilalagay ang tuyo sa baga at may ulam na.

Matapos kong ihawin ang tuyo pinainit ko na rin ang kanin habang nagbabalat ng papaya na nagmula pa sa bukid ni lolo biyok.

At hindi dapat mawawala ang kape.

Kaya lang walang mainit na tubig sa thermos.

Pumunta ako ng kusina upang kumuha ng tubig sa banga. Walang laman. Luminga ako sa mga balde at dram. Lahat walang laman. Nahagip din ng pansin ko ang mga naka-imbak na pinagkainan na hindi pa nahugasan. Ang mga agiw sa bintana, sa dingding, at sa may dapog. At mula sa akin kinatatayuan sumilip ako sa may bintanang malapit sa kwarto, hindi rin nailigpit ang higaan.

Uminit ang ulo ko sa nakita. Pagkatapos kumain uumpisahan na ang giyera.

Kumakain ako mag-isa nang bigla kong naramdaman ang paggapang ng kalungkutan. Nakakabingi ang katahimikan.

“Nasaan na kaya ang mga tao dito? Ang tagal naman nila”.


Maya’t –maya pa’y may narinig ako na tinig.



Hahaha. Ano ka ba chinchin!  Si Nene,ang kapatid ko.

Ne…Ne.. halika nga muna rito.

Bigla na lang nawala ang tawanan.

Tumayo ako sa kinauupuan ko. Lumapit ako banda kung saan nagmula ang boses.
Malapit sa bintana, nakikinig akong mabuti.


Ne…

paulit ko.





Hala Ne andyan na yata ate mo.

Oo nga.oo nga. Hindi na tayo makakapaglaro.

Pssst... Hwag kayong maingay.




Ne? Nene?  Walang sumasagot.

Nene-oh? Nandyan ka ba?

Parang may dumaan na anghel. ‘Ni kaliskis ng katawan nila’y hindi ko naririnig.
Pinagtataguan na naman yata ako.

Mas lalong uminit ang ulo ko.




Neneeeee!!!  Hwag ka na magtago dyan. Nariririnig kita! Umuwi ka na ng bahay!

Halos mabaklas ang mga ugat ko sa lalamunan kakasigaw ngunit parang nakipag-usap lang ako sa hangin na kahit kailan man hindi rin ako mapapansin.
Nang wala talagang sumagot ibinaling ko nalang ang sarili sa pagkain.

Maya’t –maya pa'y may naririnig akong umaawit.


Ang pasko ay sasapit, tayo ang mapagsiawit ng magagandang bibig, sa dyos tayo ay umibig...


Si Nene , ang bunso namin kumakanta habang pinapalakpak ang mga kamay. Sa may bintana sa kusina, nakita ko siyang dumaan. Narinig ko ang yabag niyang pumapasok na sa bahay.



Asan si Inay?   

Ewan ko po.

Si ate kim mo, umuwi na?

Ewaaaan koooo…

Kumain ka na?

Opoooo…

Wala nang mga tubig sa kusina at kasilyas, mag-igib ka na.

Naglalaro siya ng mga munggo ni Inay, pinalipat-lipat niya ito sa kanyang kamay, hindi na niya pinapansin ang pinag-uutos ko.




Ne, narinig mo sinabi ko?

Opo, ate mamaya na.



Natapos na kong kumain, naisalansan  ko na ang lahat ng pinagkainan. Dahil walang tubig dadalhin pa ito sa pozohan. Sampung metro ang layo. Sasapit na ang dapithapon. Malapit nang dumating sila Inay at Itay.



Ne, sige mag-igib ka na. Darating na sila Itay. Pagmamakaawa ko.

Nawiwili na siyang maglaro ng sungka. Napapansin kong hindi niya naririnig ang sinabi ko.




Neneee..

Opo!

Sige na.

Sandali lang po.

Nene, sige na mag-gagabi na.

Sandali lang ateee.



Nakahugas na ko ng pinggan. Nailigpit ko na ang higaan. Magsasaing na ko para sa gabihan ngunit pagtingin ko ang mga balde wala pa rin laman.  Na'ndon pa rin siya nag-lalaro ng sungka.

Uminit na naman ang ulo ko.



Nene!!! Sinabihan na kitang mag-igib ka na ah. Mag-gagabi na wala pa rin tayong tubig. Wala tayong iinumin. Ano’t mamaya ka pa kikilos?



Tila siya man ay narindi sa narinig.




Naglalaro pa nga ko eh!   Pagmamaktol niya.

Susundin ko naman ang utos mo, hindi ka makapag-hintay. Ngayon nga lang ako maglalaro eh!  Dahil marami akong asaymen kanina. Gumawa pa ko mg project sa science namin.


Hindi na ko kumibo. Sa ganitong pagkakataon mahirap nang makipagtalo sa bunso namin. Mababara ka kaagad. Titikom ang bibig mo. Kapag hindi ka makapagtimpi aabot sa sukdulan ang galit mo. Matatagpuan mo na lang may hawak-hawak kang pamalo.
Ngunit ayaw ko siyang saktan. Umabot din sa ilan buwan hindi kami nagkita, nakapag-kwentuhan o nagkatawanan. Dahil palagi akong abala sa eskwelahan. Dahil nga sa  napili akong maging punong-patnugot ng pahayagan naming sa kolehiyo ng komersiyo. Ibinuhos ko ang oras sa palilinang ng kakayahan sa pagsusulat. Namumuno sa aktibides sa loob ng paaralan. Nagtuturo mg sayaw sa teatro at marami pang iba.


Nananahimik ako dito sa bahay, dumating-dating ka pa!



Sige ang daldal ni bunso habang nagdadabog, habang nakabusangot ang mukha, habang pinupokpok  ang pangsalok sa madadaanan na puno.



Marami pa kong gagawin! Mag-aaral pa ko! May proyekto pa  kami sa aralin panlipunan. Magdo-drawing pa ko.



Papalayo na ng papalayo ang kanyang boses. Gayon din mula sa kusina, nadidinig ko ang mabibigat niyang yapak. Mula sa kusina, naulingan ko ang ungol ng pozonegro. Parang namamaos ang tinig nito dahil sa parang nasasaig na ang imbak na tubig sa kailaliman nito sa ubod ng lakas ng pagbabayo ni bunso. Ganito talaga siya, kapag ayaw niyang sumunod, hindi man sumagot ng pabalang, sa mga hinahawakan niyang gamit ibinabaling ang hindi pagsang-ayon. Kung may buhay nga lang ang pozonegro malamang ito’y mananalangin na sana’y dumating na ang El Niño upang tumigang ang lupa. Sa gayon,  hindi na ito mapipilitan na makapagbuhos ng maraming tubig sa pagmamadali ni bunso na mapuno ang balde.

Kung ano ang puno ng dram ay siya rin ang kapos ng hininga niya. Nakaupo na siya sa upuan sa may balkon. Nakakunot ang noo. Hinahabol ang hininga. Tumabi ako sa kanya. Umusog siya. Umurong ako. Umusog uli. Nang wala na siyang mauusugan, lumipat siya ng kabilang upuan.



Napagod ka ba bunso?

Sa tingin mo?


Hinihingal pa rin ang kanyang tinig.
Pumasok ako ng bahay. Kinuha ko sa bag ang pasalubong. Sampung pirasong chocknut. Mayrefrigerator kami pero ayaw ni Inay gamitin dahil magastos daw sa kuryente.



Oh, ito nene- oh.


Inabot ko sa kanya ang tsokolate ngunit hindi niya pinansin.



Ayaw mo sige kakaninin ko ito.

Edi kainin mo! saksak mo sa baga mo...




Akala ko masisisindak ko siya. Napakamot na lang ako ng ulo. Hindi pala basta-basta mauuto ang bunso namin.





Aww! Aww! Aww!

Si paopao, ang alagang aso ni Inay.


Oh anong oras ka na dumating?  Bungad ni Inay

Alas-tres y medja.

Oh bakit nakabusangot ang mukha ni bunso?

Ewan ko sa inyo. Yan kasi si ate.

Ano na naman ang ginawa mo kay bunsokoy ate?

Inutusan ko mag-igib Nay.

Ikaw naman. Ikaw ang matanda dapat ikaw na ang nagkusang mag-igib dahil mas malaki ang katawan mo, gatingting lang ang kay nene-oh!

Inay, pagod ako. Mapapasma ako. Nagbiyahe pa  ko mula pa Iloilo. Kaya lalong hindi sumusunod iyan dahil kinukunsinti ninyo ang katamaran.


Tumahimik na si Inay at hindi na nakipagtalo pa. Parang balewala rin ang hinanain ko. Dahil kahit pagod na si Inay, inaasikaso pa rin  ang nagtatampong bunso ng pamilya.



Aguy! Kakawa naman ang bunso namin.



Si itay pala ay mataimtim na nakikinig. Kinalong niya si Nene at pinaupo sa hita niya. Habang hinihimas ang maliliit nitong braso. Si Itay na kanina lang ay naghahasa ng itak. Si itay ay mataimtim pa lang nakikinig sa amin pagtatalo.

At sa pagkakataon na ito nadama kong ako ang may sala.

Natapos ang amin gabihan. Inilipit ko ang mga pinggan. Inaayos naman ni Kim ang higaan. Si Nene, naglalaro ng sungka. Si Nene maya- maya pa'y natutulog na.

Naiwan ang tsokolate sa upuan. Kinuha ko ito’t inilagay sa loob ref.

Si Nene madalas tumabi kay Inay. Kapag wala sila Inay sa kwarto ni ate kim niya natutulog. O kaya kapag ako’y umuwi, sa'kin siya tumatabi. Kahit umuwi sila Itay at Inay mula sa bukid, mas nanaisin  niyang tumabi sa'kin. Nais niyang marinig ang akin kwento tungkol sa sentermo, ang lahat ng kababalaghan at katatakutan. Sa malamig na gabi nais niyang tumabi sa'kin. Ngunit sa pagkakataon na ito, siya ay nagdaramdam. Gusto kong pawiin ang kanyang pagtatampo, kung kaya't ngayon gabi ako na tatabi sa kanya.

Lumipas ang buong araw ng linggo. Walang salitang namagitan sa amin dalawa. Pagkaalis nila Itay at Inay, umalis na din si nene papuntang Iraya, sa silid-aklatan ng kanilang munting paaralan, magbabasa ng bookworm.

Ang chocknut na'ndon sa ref.

Umuwi siya bandang hapon na. Muntik pa kaming magkabanggaan sa may hagdanan sa balkon. Nagkagulatan pa kaming dalawa. Walang batian na namagitan sa'min. Lumipas ang maraming oras ng gabi, nan'don siya sa sulok nagbabasa. Itinago ko na ang natirang ulam sa ref at nakita ko ang chocknut na'ndon pa rin.


4:00 am ng lunes.

Maaga kong gumising upang maghanda para sa pagpasok ng dalawa. Babalik na rin ako ng Iloilo. Hindi na rin nakauwi sila Itay at Inay galing bukid. Inihanda ko na ang kanilang uniporme.Pinagsaing ko na sila. Nagpainit na rin ako ng maiinit na tubig pampaligo nila. Dito sa Bagtason t'wing umaga, parang umuulan ng nyebe sa sobrang lamig.

Isa-isa ko na silang ginising. Tinulungan kong mag –ayos ng kanilang gamit bago pumasok sa paaralan. Si nicole humirit pa ng limang piso. Inayusan ko na si bunso. Binigyan ko ng limang piso. Hindi siya nakipagtitigan sa'kin.
Bago sila umalis, nakipaglaro pa ko kay nicole. Si bunso alam niyang ganun din ang gusto kong gawin sa kanya kung kaya't nauna na siyang lumabas.

Nag-aantay na ng dyip si nicole. Nag-umpisa na rin ako mag-impake ng gamit ko. Dalawang buwan akong hindi makakauwi. Hindi lang dahil sa maraming gawain kundi nagititipid sa pamasahe. Naisip kong baunin na lang ang natirang ulam para may makain sa biyahe. Pagkabukas kong ng ref, na'ndon parin pala ang chocknut. Akala ko binaon na niya.
Marami-rami na rin ang dyip ang dumaan. May humaharurot. May humihinto para magpasakay.

May narinig akong pumasok ng bahay. Ah, siguro si paopao  lang iyon.

Paopao labas!  Pagtaboy ko sa aso namin. Narinig kong lumabas ito.

May humintong dyip.

Matapos kong maayos ang mga dalahin.Inayos ko ang kalat ng dalawa. Muli, sinilayan ko ang buong bahay, si Nene, naalala ko, malalim ang hinugutan ng aking hininga. Magkakalayo kami nang hindi nagkakaayos. Naalala ko ang chocknut.

Siguro babaunin ko na lang ang chocknut hindi naman ito pinansin ni bunso.


At sa pagbukas ko ng ref, nanginang ang aking mga mata, ngiti ko’y umabot hanggang
tenga.



Wala na ang chocknut sa ref.

Lunes, Marso 19, 2012

steel wool

'Di mapantayan ang kaganahan ni Elena nang simulan niyang ikilos ang katawan sa mga gawain-bahay. Ganito ang laging sumpong niya kapag kabuwanan. Iba siya sa mga kababaihan na parang napako ang katawan sa higaan.

"Unahin ko munang linisin ang kwarto, mamayang hapon ang sala. Mag-iigib muna ako ngayon umaga."

Ang kanyang kasipagan ay ikinagagalak ng kanyang ina. 

"Si elena ah, kabuwanan nito ngayon..."  sambit ni aling marissa sa kanyang sarili.

Habang isinasalin ni elena ang naigib na tubig sa dram sa loob ng palikuran, pinaalalahanan siya ng kanyang ina.

"Anak, hinay-hinay lang sa pgkilos baka mabinat ka." 

"Okey lang ako ina, sayang ang sipag baka mawala pa ito. Masakit ang puson ko, alam n'yo naman na mawawala ang kirot kapag kumikilos ako."


Nag-umpisa maglinis si elena ng kanyang kwarto nang umalis si aling marissa papuntang bukid. Maaga pa siyang umalis upang makarami sa pamimitas ng prutas ng kanilang pagsasaluyhan mamayang hapon.


Nagpupunas si Elena ng lamesa, nagpupunas ng dingding, nagwawalis. Inilipat niya ang ayos ng kagamitan sa anyo na matitipid ang espasyo ng munti nilang kubo.

Walis. Punas. Lipat ng kagamitan, habang manaka-nakang sumasakit ang kanyang puson.

Inabutan siya ng maghapon sa paglilinis. Iniligpit na niya ang kagamitan nang masapol ng mata niya ang kalderong puno ng uling ang katawan. Maselan si aling marissa pagdating sa kalinisan dahil ang pananaw niya kahit hindi yari sa bato ang bahay ang mahalaga maayos at malinis ito. Tumungo siya sa dapugan at kinuha ang kaldero. May kung anong nagdudulot na kaligayahan kay elena ang pagtatanggal ng makapal na uleng na nababalot sa kaldero, lubos niyang kinatutuwaan ang pagkikiskis dito.

"Tiyak na matutuwa nito si ina kapag makita niyang napakalinis ng kaldero namin," bulong niya sarili.

 Hinanap niya ang steel wool sa kusina ngunit hindi niya ito matagpuan. Nakita niya itong nakasabit sa dingding na kawayan. Ang dingding ay nakahaligi sa dapugan na malapit sa palikuran. 


"Siguro naglilinis pa rin hanggang ngayonang anak ko." tanong ni aling marissa sa sarili.

Hindi na siya nagkamali nang maulinigan niyang kumakanta si elena habang nagdidilig sa bakuran nila sa likuran ng kubo.Napatigil siya sa bungad ng pintuan nang mapansin niyang napakalinis ng sala, napalitan ang kurtina, lumawak ang maliit na espasyo sa loob ng kanilang bahay. May tatlong baitang ang hagdanan papasok sa kanilang bahay. Nang nasa ikatlong baitang siya, pagsampa niya sa pinakasahig ay naapakan niya ang doormat. Nadulas siya at muntik nang maumpog ang ulo. Mabuti, napakapit siya kaagad sa hawakan ng pintuan. Saka lamang niya napansin kumikintab sa floorwax ang sahig. Dumiretso na siya dapugan upang maghanda ng kakainin sa hapunan. Nangingiti si aling marissa sa sarili dahil umayos ang munti nilang lutuan. Ang mga kahoy na gagamitin sa pagluluto ay nakasalansan sa isang sulok. Nawala ang mga agiw sa bubungan luminia ang dingding na kawayan na noon ay nababalutan ng itim sanhi ng usok na nagmula sa kahoy na pangsiga. Namangha siya nang makitang luminis ang kaldero na ubod ng itim. Sa bawat panauhin na napapadalaw sa kanilang mula sa ibang baryo, hindi maitago ang pagtataka kung bakit  napakalinis ng kaldero. Paano'y halos lahat sa baryo'y kundi kahoy, uleng ang ginagamit sa pagluluto.

                                                                       ******

Nakahanda na ang pagkain para sa hapunan. Binabalatan ni aling marissa ang mga pinitas na mga prutas. Parang fiesta, simple ngunit napakaraming nakahain sa lamesa. Tinapa at bagoong, ginataan na langka ang ulam. Binuksan ni elena ang kaldero, nilanghap nito ang bango ng kanin bago niya ito inihain. Tahimik ang dalawa habang kumakain, ang tangin maririnig ay ang ingay likha ng pagnguya. Dahil na rin siguro sa maghapon pagta-trabaho, napadami sila ng kain. Nadaragdag sa kaganahan nila ang mabuhaghag na sinaing.

"Siyanga nga pala anak..." pagputol sa katahimikan ni aling marissa."

"Nagmukhang bahay ng tao itong bahay natin ah, at umikintab pa sa linis ang kaldero nang makita ko ito kanina. Magaling anak, magaling! abot hanggang tenga ang kanyang ngiti tanda ng pasasalamat sa kanyang anak.

"Ano bang ipinanglinis mo doon at parang hindi man lang namantsahan ng uling?" 

"Yung steel wool, nay." nangingiti pang sambit ni elena.

"steel wool?" pakunot niyang tugon. " saan mo kinuha?"

"Sa dingding ng dapugan, malapit sa palikuran, nay."


Biglang napamaang si aling marissa, saglit siyang natigil sa pagkain .Nabilaukan yata, hindi parang may gustong ilabas ang kanyang t'yan. Napahawak siya sa kanyang bibig, sa mga nanlilisik niyang mga mata nagpapahiwatig na parang magugunaw na ang mundo.

"Lintik kang bata ka! higit kang baboy sa lahat ng baboy sa kalupaan! Ginagamit ko yung steel wool pangkiskis ng inidoro!"



At hindi lang kirot sa puson ang naramdaman ni elena, kundi ang magkakasunod na kurot na nagmula sa makapangyarihan kamay ng kanyang ina.



Linggo, Marso 11, 2012

Atlas

Kung ang buong mundo ay tatalikod mula sa
akin kinatatayuan,
Kung ang lahat ng planeta’y maliligaw sa kanyang
tamang kinalalagyan,
Kung ang talon ay magdadamo’t ng tubig sa
kanyang aagusan,
Kung ang mga bulaklak ay manunumpang hindi na mamumukadkad
magpakailanman,
Kung  ang mga dyos ay ipag-uutos
sa kalangitan
na bumuhos ng walang humpay
na pag-ulan
Bulungan ang mga
Bulkan
At kalabitin ang
kalupaan
Hudyat ng mapangahas na
Kawasakan.
  
Kung ang lahat ng ito’y magaganap dahil sa

                                  atin pag-iibigan…

Luluhod ako sa bubog sa utos ng mga tala
sa kalangitan
Uusal ng dasal
ng kapatawaran.
Kahit pa ako’y patawan ng higit na mabigat
na kaparusahan,
Igagawad ang aking kaluluwa sa
kanilang makapangharihan.
Isasabit na tila medalya sa kanilang leeg
na tanda ng karangalan,
Karangalang na sila'a magiging modelo
Sila ay tapapagtanggol kuno ng sangkatauhan
huwad silang modelo na nagtatago 
sa prinsipyo ng simbahan.
Bibliya ang kanilang saligang-batas
na kanlungan ng kanilang kamangmangan.
Ibubuhos ang lakas manunbalik
lamang ang kapayapaan.
Kahit ang isang patak ng dugong magbibigay pag-asang
bubuhay sa akin nahimlay
na katawan,
ay iaalay kay Bathala nang
walang pag-aalinlangan.
Sa kahit na gaanong katinik
na daanan,
malalampasan ang mahirap
na paraan,
Pipilitin silang ibalik sa dati
nilang kaayusan,
Kahit pa ako’y hingal at
pawisan
nanghihina’t nangiginig sa gutom
ang kalamnan,
tatayo’t-tatayo
ako,
pagmasdan mo kong ipagpapatuloy
ang laban.
Patutunayan kong ang nararamdaman natin sa isa’t-isa
ay hindi kasalanan.





-ang paglikha ng tula sa gitna ng umiigting na pag-iibigan
       ng dalawang babaeng magkaiba ang mundong iniikutan,
               lalong tumatamis sa kabila ng kapaitan dulot ng mapaghusagan kalibutan-

Hidlaw

ang sigaw ng ibon sa himpapawid

ang lagaslas ng tubig mula sa ilog

ang kaluskos ng mg dahon nangalaglag sa lupa

ang sipol ng hangin sa katanghalian

                  sa gitna ng palayan

                  nakikipagtalastasan sa kalikasan

                 sa akin pagpikit

                 ang mga ito'y tila iyong tinig

Libingan

May isang malaking hukay. Ang hukay ay sadyang ginawa upang gawin libingan. Inilibing ng gumawa ng hukay ang sarili. Kung ano ang ang mga dahilan niya ay siyang hindi ko lubusan maunawaan. Ang tangin naarok ng mata ng aking isipan ay ang anino ng kasaysayan:

gusto niyang maitago ang parte ng kanyang pagkatao na nadungisdan. Ang dungis yaon, na siya rin mismo ang nagbahid.
Sa tinagal-tagal, umalingasaw ang masangsang na amoy n amatagal niyang itinatago. Alerto siya sa magaganap, may nakahanda palagi na pala. Muli niyang bubungkalin ang lupa. Palalaliman niya ang hukay.  Ibabaon niya ang parte ng kanyang sarili na nadungisan.

Takot, pangamba, gustong iiwas ang sarili sa kahihiyan. Ang mga ito ay parang ipo-ipung nagpaikot-ikot sa kanyang kalooban. Hindi niya namalayan kay lalim na ng kanyang nahukay. Umabot ito sa sandaling hindi na niya maabot ang ibabaw ng lupa. Pinipilit niya pumaibabaw. Tinungtungan niyaang mga batong nakadikit sa lupa. Nagsusumidhi ang kanyang loob na makalis sa hukay. Subalit nabigo siya sa hangarin, nagkagalos lang ang buo niyang katawan. Umupo siyang hinahabol ang hininga. 

Lumalalim na ang gabi hudyat na ito na magsisilabasan ang mga likha na sa silim ng gabi nabubuhay.

Maliban sa kuliglig, sumasabay sa ingay ng gabi ang kalabog ng likha ng daga sa kanyang t’yan. Kumakalam na ang sikmura niya. Lalong sumasakit ang ulo sa nalalanghap na nabubulok nang parte ng kamyang katawan na nasa kanyang harapan. Habang hawak ng kaliwa niyang kamay ang t’yan, hinihilot naman ng kanan kamay nito ang parang mabibiyak sa sakit ng ulo. Nanunuyo na ang kanyang lalamunan, sumisikip na ang dibdib sa kakulangan ng hangin sa loob ng hukay. Napaidlip na siya sa hirap na dinadanas, pagkamulat ng kanyang mga mata, nagulat siya sa nakita. Halos kalahati ng katawan niya ay natatakpan ng mga daga. Mga daga na kasing laki ng pusa. Ang mga sugat sa kanan bahagi ng kanyang braso ay pinutakti ng mga uod. Nang maramdaman ng daga na nagkamalay na siya, nakipagtitigan ang mga ito sa kanya na parang nanunudyo, at ang iba’y parang nagagalit. Nakita pa niyang sabay-sabay ang mga itong pinunasan ang kanilang bibig gamit ang dila. Tila ba ang mga daga'y sarap na sarap sa natikman. Hinawi niya ang mga daga ng kanan kamay,lahat ang nagsipagtakbuhan. Maiingay. Nakakarindi ang ingay sa pandinig.


Mamukat-mukat niya kalahati na ng katawan niya ang nakain ng mga daga. Ang mga uod sa kanan bahagi ng braso niya ay palaki ng palaki habang inuubos nito ang laman. Nararamdaman niya na gumagapang na ang mga ito patungo sa kanyang tenga. Iwinasiwas niya ang kanan braso, halos paubos na rin pala ang mga ito. Gusto na niyang sumigaw upang humingi ng saklolo, gagpumilit siyang tumayo ngunit nabali lang ang buto niya sa paanan. Hilong-hilo na siya at hindi malamamn ang gagawin.

Sa pagod kakaisip, napaidlip muli siya, sa pagkamulat ng kanyang mga mata  ay may hamunado na sa kanyang harapan. Kumilos siya para ito’y  abutin at kainin. Sarap na sarap siya. Matamis. Maninamnam. Tumulo pa ng sarsado nito sa gilid ng kanyang bibig. Napakarami na ng kanyang nakain nang bigla siyang sabayan ng daga at parang sarap na sarap din ito. Nagtataka siya.Nagkatitigan  silang dalawa.  S'ya na nagtataka kung bakit nakikihati ang daga sa kanyang hamunado. Gayundin, ang daga na parang nagtataka ang mga titig kung bakit siya kumakain ng laman ng tao!
Sa mga titig ng daga niya napagtanto na sariling katawan na pala niya ang kinakain. Hindi niya alam kung halusinasyon lang ang lahat, ngumiti pa sa kanya ang daga at  saka ito kumaripas ng takbo.


                                                    ************************************


Tumulo ang pulang likido sa kanyang mga mata. Napatingin siya sa kanyang dibdib, may mahabang nakaumbok na gumagapang papunta sa kanyang puso.  Sa ulo man niya ay may nararamdaman na kiliti. Mga ilan minuto pa’y nangisay-ngisay na siya kasabay ang pagtirik ng kanyang mga mata.

Sumikat ang araw, ang sinag nito’y umabot sa kanyang kinaroroonan.

Dalawang malulusog na uod ang lumabas sa butas ng kanyang ilong.

Linggo, Marso 4, 2012

Panauhin



Malumanay kung dumalaw ang pangungulila,
dayuhan bumibisita
tuwina sa pag-iisa.

Ang mga kapuluan himbing nang nakahilata,
milya ang dipa,
nakahatag sa pagitan ng pagtatama ng mga mata.

Mapanglaw ang bawat sulok ng
gabing nangangamusta,
sa mga dayaming naging kuna
ng dalawang damdamin umaawit
ng iisang ritmo at tugma.
Kasabwat ang simoy ng hangin nagbabadya,
na maghahatid ng lamig sa kaibuturan
ng kaluluwang ninakawan ng sigla.

Nalulunod sa lumbay ang diwa...

Madamot ang ulap na tumatabing sa mga gunita
na tanging sa kislap ng mga bituin
magmumula,
 ang pangarap na sa panaginip
ginanap ang dula,
na ang unang takbo ng kabanata,

ay mahaplos ang iyong mukha.